“Hoy! Marina, grabe ah. Iba na naman ang boyfriend mo. Ikaw na talaga,” sita ni Rose sa kaibigan at katrabahong si Marina.
Malapad namang ngumiti si Marina saka nagsalita. “Ganyan talaga Rose, select and collect. Kapag nagsawa ka na sa isa, palitan mo kaagad. Sa panahon ngayon, binabaril na ang martyr sa pag-ibig.”
“Sabagay may punto ka naman Marina,” sang-ayon ni Rose. “Kaso hindi ka ba natatakot na baka maningil sa’yo ang karma at ang masaklap pa ay hindi direkta sa’yo kung ‘di sa dalawa mong anak na babae. Isipin mo, dalaga na ang mga anak mo. Katorse anyos na ang panganay mo saka dose anyos na rin ang iyong bunso. Mahirap na Marina, kasi babae pa naman silang pareho,” wika ni Rose.
“Ano ka ba?! May kanya-kanyang kapalaran ang bawat tao. Hindi naman pwedeng dahil sa’kin ay makakarma sila. Kung darating naman ang karma para sa’kin dahil sa mga pinag-gagagawa ko ngayon. Sa’kin na sila dumiretso, nakahanda naman ako e.
At saka alam mo naman ‘di ba Rose, kung bakit ko ginagawa ‘to? Kasi minsan na rin akong nag-seryoso pero anong ginagawa nila sa’kin? Niloloko at iniiwan lang nila ako, kaya ito ako ngayon. Manhid na yata ako sa pag-ibig. Gusto nila ng gamitan, e ‘di mag-gamitan.” Mahabang wika ni Marina
“Alam ko Marina,” malungkot na wika ni Rose. “P-pero alam mong masama pa rin ang ginagawa mo ngayon. Paiba-iba na lang lagi ang nobyo mo, halos buwan-buwan ka na lang nagpapalit ng lalaki,” dugtong pa niya.
“Bahala na Rose,” malungkot na wika ni Marina.
“Marina, itong anak mong si Maribel. Kausapin mo nga’t pagsabihan mo at baka sakaling makinig sa’yo. Alam mo bang ilang araw nang hindi umuuwi dito sa bahay iyan dahil doon na siya nakatira sa boyfriend niyang walang kwenta!” Galit na galit na wika ng kapatid niyang si Alice.
Hindi makapaniwala si Marina sa isinalubong na balita ng kaniyang ate. Ang buong akala niya’y nasa maayos na lagay ang kaniyang panganay na anak.
“Totoo ba iyon, Maribel?” tanong niya sa anak na agad din namang tumango. “Bakit? Bakit naman, anak? Iniwan ko kayo rito kasi ito ang alam kong mas ikakabuti ninyo. Kumakayod ako sa Manila para may ipadala akong pera sa inyo, tapos ganito lang ba ang isusukli mo sa’kin?” Mangiyak-iyak na wika ni Marina.
“Sorry po ma,” umiiyak na wika ni Maribel. “Buntis po kasi ako ma at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Kaya lagi akong nando’n sa bahay ni Geoff kasi natatakot akong baka takasan niya ang obligasyon niya sa’kin,” tumatangis na wika ni Maribel.
Natulala si Maribel. Ito na ba ang karma niya? Katorse anyos pa lang ang kaniyang anak, buntis na. Anong kinabukasan ang kayang ibigay ng isang menor de edad? Hindi niya napigilang umiyak nang malakas.
Bakit ang anak niya pa? Bakit hindi na lang siya mismo ang siningil ng karma?
“Dalhin mo ako sa bahay ng boyfriend mo!” Matigas niyang utos sa anak. Agad namang tumalima si Maribel, kahit panay ang iyak at pakiusap na huwag sasaktan ang magiging ama ng anak nito.
“Hindi ko sasaktan ang boyfriend mo Maribel, gusto ko lang masiguro kung ano ba talaga ang plano niya sa inyo ng magiging anak mo. Iyon lang,” wika ni Marina kahit na ang totoo ay galit na galit siya sa nangyari.
Napag-usapan ni Marina at ng mga magulang ni Geoff na susuportahan ng mga ito ang pagbubuntis ng kaniyang anak at kapag nasa tamang edad na ang dalawa at mahal pa rin nila ang isa’t-isa ay ipapakasal ng mga ito si Maribel kay Geoff.
“Sa ngayon, Maribel, ay mag-aral muna kayong mabuti ng anak kong si Geoff, iyon lamang ang hihilingin naman sa inyong dalawa. Isipin ninyo na may anak na kayo kaya sana maging matured na ang isip ninyong dalawa at mag-pukos sa kinabukasan ninyong tatlo.
Hangga’t nandito kaming mga magulang ninyo ay hindi namin kayo pababayaan, pero pakatatandaan ninyong hindi habang buhay ay nandito kami. Kaya hangga’t nandito kami, mag-pukos kayong dalawa kung paano niyo pagagandahin ang buhay ng magiging anak ninyo. Maliwanag ba iyon?” Mahabang wika ng ama ni Geoff na si Gerald.
“Opo,” sabay na sambit ng dalawa.
Sa ngayon ay hindi pa pwedeng magsama si Geoff at Maribel, tinutupad naman ng mga magulang ni Geoff ang ipinangako ng mga ito sa kanila na hindi nito pababayaan ang kaniyang anak at ang magiging apo nilang lahat.
Isa namang pangyayari iyon na nagpabukas sa isipan ni Marina. Mula noon ay wala na siyang balak pang makipaglaro sa pag-ibig. Hindi na niya kakayanin kung pati ang bunso niyang anak ay pagbayarin pa ng karma. Baka kasi mas malala pa ang gagawing pagpapamulat ng karma sa kaniya.