“Aling Nena, heto na po yung order niyong tubig!” Masiglang bati ni Paulo pagdating sa tapat ng tindahan ng ale. Gamit and naipundar niyang second hand na tricycle ay buong araw siyang kumakayod, umeextra sa kung ano-ano. Paminsan ay nagdedeliver ng tubig, minsan ay namamasada, minsan naman ay nagkakargador sa palengke. Sa murang edad na dalawampu’t isa ay hanga ang mga tao sa kaniya dahil may naipundar na siyang padyak. Kung magtrabaho ba naman siya ay parang wala nang bukas.
“Salamat Paulo, oh heto’t uminom ka muna ng malamig na tubig,” alok ni Aling Nena sabay abot ng isang baso ng malamig na tubig. Nakangiting nagpasalamat ang binata at inisang lagok iyon.
“Dumaan nga pala ang mama mo diyan noong isang araw, hinahanap ka,” sabi ni Aling Nena na tila ba napuno ng pag-aalala ang tinig. Napatigil naman si Paulo sa narinig at nang makahuma ay malungkot na ngiti lang ang isinukli sa matanda at saka tuluyang nagpaalam.
Tuloy lang sa trabaho si Paulo ngunit buong araw naglaro sa isip niya ang ina. Tatlong taon na ang lumipas nang pumanaw ang kaniyang ama at magkahiwalay sila ng ina. Ang dahilan ay ang sangkaterbang utang nito na naipon dahil sa pagpapagamit ng kaniyang ama. Para makabayad sa utang ay nagpakasal ito kay Ramon, mayamang konsehal sa bayan na halos doble ng edad nito. Mahigpit ang pagtutol ni Paulo ngunit sumige ang ina. Isang buwan niya lang natiis ang pagtira sa malaking bahay ni Ramon, ngunit nagpasya siyang umalis nang hindi na maatim ang pambubulas ng mga anak ni Ramon sa una nitong asawa. Bukod sa masasakit na salita ay hindi kayang sikmurahin ni Paulo ang pagpapamukha ng mga ito sa kanilang ina kung saan sila nanggaling. Naaalala pa niya ang huling pagtatalo nila ng ina bago niya ito iniwan.
“Paulo, bakit ba hindi mo kayang makipagsundo sa mga kapatid mo? Pwede na tayo maging masaya ngayon dahil mayroon na tayo ng mga bagay bagay. Siguradong makakapag-aral at makakatapos ka–”
“Kapatid? Ma, hindi pamilya ang tingin nila sa atin! At masaya? Paano ka nagiging masaya ngayon na kamam*tay pa lang ni Papa?!” Tuluyan nang sumabog ang kaniyang hinanakit sa ina. Pakiramdam niya kasi ay matagal na nitong hinihintay ang pagkakataong makakalaya na ito sa mahirap na buhay kasama ang may sakit niyang ama. Wala man itong sinasabi ay halatang gustong-gusto nito ang karangyaang tinatamasa nito ngayon.
“Aalis na ako, Ma. Hindi mo kailangang sumama. Mabubuhay ako at makakatapos sa sarili kong lakas.” Iyon lang at tumalikod na ang disiotso anyos na binata sa ina.
Simula noon ay bumalik sa pagtira sa tiyahin si Paulo. Nagpasya siyang umekstra sa kung ano-ano upang matustusan ang sarili niyang pag-aaral. Noong una ay madalas pang dumalaw at makiusap ang ina sa kaniya, ngunit sinasadya niyang hindi sila nito magkita. Ngunit sa nakalipas na taon ay tumigil na itong dumalaw. Siguro ay kuntento na ito sa buhay nito ngayon.
Ang pait na nararamdaman ni Paulo ay ibinuhos niya sa pag-aaral at pagtatrabaho. First year college na siya at ‘di alam ng kaniyang tiyahin na may ipon na rin siya. Nagpasya siyang pag nakaipon siya ng malaking pera ay itatapon niya iyon sa paa ng ina at ipapamukha dito ang pagabandona sa kaniya. Bibilhin niya ito kung kaya niya.
Isang araw ay nagulat na lang siya sa balita.
“Grabe ‘no? Akalain mo ba namang pati pala si Konsehal Ramon ay tulak ng ipinagbabawal na gamot? Ayun eh, huli silang lahat sa raid ngayon-ngayon lang, nagkabarilan pa nga raw eh,” kwento ni Alvin, kapwa niya tricycle driver.
Walang ano-ano ay humarurot si Paulo hanggang sa bahay ni Ramon. Halos hindi siya makahinga dahil sa lakas ng kabog ng puso.”
“Diyos ko… ang mama ko…” dasal ni Paulo. Pagdating niya sa kanto ay nakita niya ang mga kotse ng pulis, pati na ambulansya.
Halos itapon niya sa tabi ang pedicab at tuloy-tuloy na tumakbo papasok sa gate. Nahagip ng mata niya ang isang babaeng ipapasok sa ambulansya. Humahangos siyang lumapit nang makilala ang ina.
“Ma!” Sigaw niya.
“P-paulo…” nanghihinang sabi nito. Tuluyan siyang napaluha nang mapagmasdan ang ina. Sobrang payat nito, maputla, puno ng pasa sa mukha at braso, ang iba ay sugat mula sa paso ng sigarilyo.
“Ma… paano… sino,” wala nang nasabi si Paulo at niyakap ang inang noon ay lumuluha na din.
Dinala ito sa ospital at napagalaman niyang matagal na palang nakararanas ng pisikal na pang-aab*so ito mula sa konsehal. Nang maganap ang raid natagpuan nila ang ina na nakakulong sa loob ng kwarto, sugat-sugat at inaapoy ng lagnat.
Halos manginig ang laman ni Paulo sa galit sa konsehal, ngunit mas nangingibabaw sa kaniya ang awa para sa ina at matinding pagsisisi. Kung isang beses man lang na kinausap niya ito ay sana nalaman niya ang paghihirap nito.
Wala nang nagawa si Paulo kundi manatili sa tabi ng ina. Nangako siya sa sariling hindi na ito iiwanan. Nang magising ito ay sinalubong niya ito ng mainit na yakap.
“Patawarin mo ko anak ko… patawad. Patawad…” Iyak pa nito.
“Ssshh, ako ang patawarin mo, mama. Kung sana ay hindi kita iniwan sa kanila,” sabi ni Paulo na nagsimula na ring maluha.
Natapos ang madamdaming paghingi ng tawad. Balitang nasintensyahan ng mahabang panahon na pagkakulong ang konsehal. Nang makalabas ng ospital ay nagdesisyon ang mag-ina na magsimula muli sa buhay. Nagulantang ang ina nang sabihin ni Paulo ang halagang naipon sa loob lamang ng tatlong taon.
“Nahihiya ako sa’yo, anak. Ako dapat ang nagpakahirap sa mga taong iyon. Babawi ako, pangako.”
Ngiti at yakap lang ang isinukli niya sa ina. Hindi niya na lang sinabi na binalak niyang “bilhin” ito gamit ang pera na iyon dahil sa tindi ng kaniyang hinanakit noon. Ngayon ni Paulo lubusang naiintindihan na kailanman ay walang katumbas na halaga ang buhay ng isang ina na mag-aaruga sa iyo habang nabubuhay ito.