“Napakaganda mo talaga, anak. Dapat ay makapangasawa ka ng mayaman. Nang sa gayon ay makaahon na rin tayo sa hirap ng buhay! Gamitin mo na ‘yang ganda mo para maging maganda ang kinabukasan mo, anak! Utakan lang ‘yan!” ito ang laging bukambibig ni Tess sa kaniyang anak na si Zyra.
“Aba, syempre naman, ‘nay! Sa ganda kong ito kahit may-ari ng mall ay kaya kong mabihag! Siyempre mana ako sa inyo, e!” pagyayabang ng ina.
“Nako, ‘yung ganda sa akin mo talaga namana. Pero huwag kang gagaya sa akin sa mga desisyon ko sa buhay. Tingnan mo ang nakuha ko isang lasinggero!” wika niya sa anak.
“Kaya kita pinag-aaral sa magandang paaralan anak para ibang mga uri ng tao ang makasalamuha mo. Sa gayon ay madali kang makahanap ng lalaking mayaman!” natatawang sambit ni Aling Tess sa anak.
“Huwag kang kumuha ng kung sinu-sino lang, anak! Dapat ay ‘yung may sinabi ang pamilya. Naku, nasasabik akong makita kang ikasal sa isang mayamang lalaki! Kapag nangyari ‘yun ay magiging marangya na rin ang pamumuhay ko!” kinikilig pang wika ng ina.
Dahil alam ni Aling Tess ang kakayahan ni Zyra pagdating sa pag-aaral ay sa ganitong paraan na lamang niya inaasahang umunlad ang buhay ng kaniyang anak. Sabi ng marami ay kung hindi mo kayang paghirapan ang pagyaman ay pakasalan mo na lamang. Kaya habang maaga pa ay inihahanda na niya ang anak sa mga ganitong bagay. Nang sa gayon ay makapili ang dalaga ng tamang lalaking kaniyang pakakasalan.
Wala kay Aling Tess kung mahal ang anak niya o mahal ito ng anak niya dahil ang nangingibabaw lamang sa kaniya ay iyong lalaking mabibigyan sila ng magandang buhay.
Isang araw ay nabalitaan niya na ang anak ng kaniyang kumare ay maraming nanliligaw din na de-kotse.
“Aba, Mareng Gina, hindi mo naman naikukwento sa akin na may mga manliligaw pala ang anak mong dalaga na mayayaman,” pag-uusyoso ni Aling Tess.
“Nako, wala naman sa sakin kung mayaman o hindi. Ang nais ko ay iyong rerespetuhin at mamahalin ang anak ko. Saka siyempre kung sino ang mahal ng anak ko,” tugon ni Aling Gina. “Tinuruan ko ang anak ko na huwag magpadala sa mga regalo at mga lalaking mabulaklak ang bibig. Dapat iyong tapat at talagang ipaglalaban siya,” dagdag pa nito.
“Ikaw naman, napakaimpokrita mo! Ayaw mo bang makapangasawa ang anak mo ng mayaman para ng sa gayon ay hindi na rin tulad ng buhay natin ang maabot nila?” wika ni Aling Tess.
“Anong mali sa buhay natin, mare? Masaya ang pamilya ko. Maayos ang asawa ko. Hindi nga kami mayaman pero sagana sa pagmamahal ang pamilya namin,” tugon muli ni Aling Gina.
“Nako, mapapakain ka ba ng pagmamahal kapag kumalam na ang sikmura mo? Maibibigay ba ng pag-ibig at respeto na ‘yan ang pangangailan ng pamilya mo?” pananarkastiko ng ginang.
“Pero hindi ba mare, kung mahal ng isang lalaki ang pamilya mo ay hindi niya hahayaan na magutom kayo o hindi maibigay ang mga pangangailangan ninyo,” sambit ni Aling Gina. Umismid na lamang si Aling Tess at tuluyan nang umalis.
“Huwag kang makagaya-gaya sa anak ni Gina. Balita ko anak daw ng isang jeepney drayber ang kasintahan nung dalaga. Wala man lang kapanga-pangarap ‘yang si Mareng Gina. Maganda naman ang anak niya at maraming manliligaw na mayaman doon pa sa mahirap pumatol ang anak. Sabagay, hindi mo naman kasing ganda ang anak ni Gina kaya siguro ay nagdadalawang-isip din ang mga manliligaw,” natatawang kwento ni Tess sa kaniyang anak.
Lumipas ang panahon at nakapangasawa nga si Zyra ng isang abugado. Laking pagmamalaki ni Tess sa kaniyang anak sapagkat maganda ang buhay na kinahinatnan ng anak. Hindi na nito kailangan pang magtrabaho at sustentado rin silang mag-asawa ng kaniyang manugang.
Isang araw ay abalang namimili sa mall ang mag-inang Tess at Zyra. Natanaw ni Aling Tess ang kaniyang kumareng si Gina sa hindi kalayuan. Agad niya itong tinungo upang makipagkumustahan.
“Hoy, Gina! Ikaw na ba ‘yan? Aba ang ganda ng postura natin ngayon, ah! Kumusta ka na? Kumusta na rin ang dalagang anak mo?” sambit ni Tess sa kumare.
“Iyong kasintahan ba niyang anak ng jeepney drayber ba ang nakatuluyan niya?” tanong agad ng ginang. Tango at isang matamis lamang ang naging tugon ni Aling Gina.
“Hay, sayang at maganda pa naman ang anak mo! Hinayaan mo siyang makapangasawa lang ng isang anak ng jeepney drayber. Itong si Zyra ko, isang abugado ang napangasawa. Mayaman ang mga abugado!” bwelta ni Aling Tess muli.
“Ito nga namimili kami ngayon dito sa mall habang hinihintay namin ang manugang ko! Gusto mo ba ay samahan mo kami. Ililibre ka namin ng tanghalian kahit saan mo gusto!” pagmamalaki ni Aling Tess.
“Nako, huwag na lang, Tess at nakakahiya. Hinihintay ko din ang anak ko pati ang asawa niya. Dito kami magkikita sapagkat ibibili naming regalo ang kaniyang tatay. Kaarawan kasi ng asawa ko bukas,” tugon ni Aling Gina.
“Aba at ito na pala ang mga anak ko,” sambit ni Aling Gina pagdating ng anak at asawa nito.
Simple lamang ang postura ng mga ito kaya ganoon na lamang ang tingin sa kanila ni Aling Tess at Zyra.
“Parating na rin ang manugang ko. Hintayin n’yo na at para maipakilala ko kayo,” hindi pa natatapos si Aling Tess sa kaniyang sinasabi ng dumating ang kaniyang manugang na abugado.
“Ito nga pala si Atty. Celso, asawa ni Zyra,” sambit ni Tess.
“Aba, boss narito rin pala kayo! At nakakatuwa naman sapagkat magkakilala pala kayo ng biyenan ko,” sambit ni Celso.
“Boss?” pagtataka ni Aling Tess.
“Opo, ma. Silang mag-asawa po ang may-ari ng tanyag na law firm na pinagtatrabahuhan ko,” tugon ng manugang. Hindi alam ni Aling Tess ang kaniyang sasabihin sa pagkabigla at pagkapahiya.
“Narito po ba kayo boss para ibili ng kotse ang biyenan nyo para sa kaarawan niya bukas? Baka gusto n’yo muna pong mananghalian at sagot ko,” sambit muli ni Celso.
“Saka na lamang, Celso, kasi nagmamadali din kaming mag-asawa at marami pang kailangang tapusin sa opisina. Sige, mag-enjoy kayo ng asawa mo at biyenan. Kinagagalak naming makita kayo dito,” sambit ng boss ni Celso.
Hindi akalain ni Aling Tess na nakatapos pala ng abugasya at parehas na top notcher sa bar exam ang anak ni Aling Gina at napangasawa nito. Lalo niyang ikinagulat na ang mga ito pa pala ang boss ng kaniyang manugang at hamak na mas maganda ang buhay ng mga ito kaysa sa kanila.
Hindi na alam ni Aling Tess kung saan manghihiram ng mukha sa lubusang pagkapahiya sa pangmamatang kaniyang ginawa sa mga ito. Naging matinding leksyon ito sa ginang.