Inday TrendingInday Trending
Karmahin Ka Na!

Karmahin Ka Na!

“Sige naman na po, ate! Kailangan ko lang talagang umutang sa inyo ngayon, may sakit kasi ang kapatid ko kaya kailangan ko ho ng pera,” pakiusap ni Elaine sa kaniyang amo.

“Wala talaga, Elaine, marami rin akong pinagkakagastusan kaya hindi talaga kita mapapahiram. Pasensiya ka na,” tanggi naman ni Mrs. Doria, ang amo ng babae.

“Parang wala naman akong kwentang empleyado niyan sa inyo. Hindi ba’t ako ang pinakamatagal ninyong tao. Bukod pa roon ay halos gawin niyo na akong sekretarya at bisor sa rami ng trabaho ko rito. Ano ba ‘yung pahiramin niyo ako?” baling ng babae.

“Pasensiya ka na talaga, kung mayroon lang bakit hindi, ‘di ba? Sana maintindihan mo rin ako, Elaine, marami lang akong pinagdadaanan ngayon,” malungkot na sagot ni Mrs. Doria sa kaniya.

Hindi naman na sumagot pa si Elaine at padabog na lamang itong umalis. Halos sampong taon na siyang nagtratrabaho kay Mrs. Doria kaya naman alam niyang nagdadamot lang sa kaniya ang ale.

“Napakaswapang mo, Doria! Sumosobra ka na, dapat sa’yo bigyan ng leksyon. Ni hindi mo man lang maibalik sa akin ang kaunting pabor sa tagal kong nagtrabaho sa’yo. Humanda ka! Kukuhanin ka na sana ni sat*anas!” isip-isip niya sa sarili.

Walang ibang ginawa ang dalaga kung ‘di ang humiling ng masamang bagay na mangyari sa kaniyang amo dahil sa inis nito. Nariyang hilingin niyang matapos na ang buhay ng ale o ‘di kaya naman ay masagasaan ito at kung ano-ano pa man.

Makalipas ang tatlong araw ang pumasok si Elaine sa trabaho at naabutan niyang umiiyak si Mrs. Doria.

“Nanakawan tayo, Elaine, wala na ang mga pera at ang ibang paninda,” umiiyak na saad ni Mrs. Doria sa kaniya.

“Hala! Anong nangyari!? Anong nangyari? Huwag na ho kayong umiyak, pera lang iyon, mapapalitan pa iyon,” mabilis na sagot ng dalaga saka niya nilapitan ang kaniyang amo.

“Marami naman ho kayong pera, huwag na ho kayong manlumo riyan. Ang mas mahalaga ho ay hindi kayo nasaktan,” dagdag pa nito.

“Hindi mo naiintindihan, Elaine,” mahinang sagot ni Mrs. Doria.

“Buti nga sa’yo,” bulong ni Elaine sa sarili saka mabilis na tumayo at nagligpit ng mga kalat.

“Huwag mo nang ligpitin ang mga iyan, iplastik mo na ang mga pwede pa sa tingin mong kailangan mo. Iuwi mo na, Elaine,” pahayag ni Mrs. Doria na lubos na kinagulat ng dalaga.

“Ha?” maiksing sagot nito.

“Magsasara na rin naman ako. Wala nang kwenta ang buhay ko, wala na, Elaine,” iyak ng ale.

“Ano bang pinagsasabi nyo? E, ang dami niyo ho kayang pera, kung ano man ang nakuha sa inyo ngayon ay hindi kabawasan iyon o hindi dapat maging dahilan para magsara kayo. Tumigil nga po kayo sa kaka-emote, Mrs. Doria!” matinis na wika ni Elaine sa amo.

“Pasensiya ka na, Elaine, kung nung nakaraan ay hindi kita napahiram kaya ka siguro ganyan ngayon sa akin. Pero totoo ang lahat ng mga sinasabi ko. Magsasara na ako kasi wala na akong pera, naubos na sa pagpapagamot sa sakit ko. Kahapon lang sinabi ng doktor na may taning na ang buhay ko. Kung alam ko lang, sana hindi na ako nag-aksaya ng pera sa mga gamot. Matagal ko ng tinatago ang sakit ko, pero ngayon mukhang dito na ako magtatapos. Wala na, wala na akong pag-asa pa,” siwalat ni Mrs. Doria sa kaniya saka ito umiyak muli.

Hindi naman makapaniwala si Elaine sa kaniyang narinig at nanatili lamang itong nakatayo. Hindi niya malaman kung ano ang dapat niyang sabihin o ano ang dapat niyang maging reaksyon.

“Ipapamana ko na sana sa’yo itong tindahan, kaya lang wala nang laman at wala na ring pera. Maraming salamat, Elaine, kasi hindi ka umalis sa akin sa loob ng sampung taon. Gusto ko lang sabihin na napakalaki ng utang na loob ko sa’yo,” pahayag pang muli ni Mrs. Doria sa kaniya. Hindi na napigilan pa ni Elaine ang kaniyang sarili at bumagsak siya sa sahig saka naiyak. Napuno ng iyak ang dalawa at unang pagkakataon ay niyakap ni Elaine ng mahigpit ang kaniyang amo.

Labis na sumisikip ang kaniyang dibdib dahil sa paghiling ng masamang bagay para kay Mrs. Doria. Hindi niya akalain na may malalim na pinagdadaanan ito. Humingi rin siya ng tawad sa ale sa pagsisinungaling niya na may sakit ang kaniyang kapatid, gustong-gusto na kasi niyang bumili ng cellphone kaya naman gusto niyang umutang rito.

Simula noon ay mas sinamahan pa niya si Mrs. Doria at mas pinagtitibay na ang loob ng ale na lumaban sa buhay. Wala pa kasing pamilya ito at sa edad na 58 ay mag-isa pa rin siya sa buhay. Ngayon niya natutunan na walang magandang naidudulot ang paghiling ng masama sa kapwa.

Lagi nating tatandaan, maiksi lamang ang ating hiram na buhay kaya sana matutunan natin mahalin ang ating kapwa kahit pa hindi na aayon sa gusto natin ang mga kilos nila. Mahalin natin ang ating kaibigan at mas mahalin natin ang ating mga kaaway.

Advertisement