Inday TrendingInday Trending
Ang Butihing Kahera

Ang Butihing Kahera

Panibagong araw na naman ang sumapit, panibagong hamon na naman para kay Maylene. Anak-mahirap lamang siya at kasalukuyang nagtra-trabaho bilang kahera sa isang malaking supermarket.

Bawat araw na dumaraan ay tila ba malaking pagsubok na dapat lagpasan ng dalaga. Kakarampot lamang ang kinikita niya at hindi sapat para sa gastusin sa bahay at pagpagamot ng cina na may malalang karamdaman.

“Anak, galing kami sa check-up ng nanay mo kahapon, eh ang sabi ng doktor, kailangan daw operahin ang nanay mo sa lalong madaling panahon. Baka kasi lalo daw lumala ang sakit kapag hindi naapagapan,” saad ng ama ni Maylene.

“Magkano daw po ang aabutin?”

“Maghanda raw tayo ng isang daang libo para siguradong magiging ayos ang nanay mo pagkatapos,” napapailing na sabi ng lalaki.

“Ho? Isang daang libo, ‘tay? Eh Diyos ko po, kulang na kulang nga ang sinasahod ko para sa pagkain natin at panggamot lang ni nanay! Saang kamay ko naman po kukunin ang ganoon kalaking halaga?” gulat na sabi ng dalaga.

Tulalang umalis ang dalaga sa kanila hanggang sa makarating sa trabaho. Hindi niya lubos maisip na ganoon kalaki ang kakailanganin ng ina upang gumaling sa karamdaman. Pero paano nga ba siya makakakuha ng ganoong kalaking halaga?

“Hoy Maylene! Ano na? Ang haba na ng pila ng customer mo, tapos tulala ka diyan sa kawalan?” sigaw ng babae sa kabilang counter.

“S-sorry…” tugon ni Mylene at saka ngumiti sa customer na nag-iintay sa kaniyang harapan.

Ilang minuto bago ang oras ng breaktime, isang matandang lalaki naman ang humabol upang bayaran ang kaniyang mga pinamili.

“Sorry, hija ha? Puwede ko bang ihabol sa’yo ang mga ito?” tanong ng matanda.

Napangiti lamang ang dalaga at sumagot, “Opo naman ho! Walang pong problema. At saka priority rin po namin ang mga senior dito. Akin na ho ang mga pinamili ninyo, para makakain rin po kayo ng tanghalian,” magalang na tugon ng dalaga na nagpangiti naman sa matanda.

“Salamat ulit hija ah? Pagpalain ka nawa,” saad ng matandang lalaki.

Tinulungan ni Maylene ang matanda hanggang sa may exit ng supermarket kung saan nag-iintay ang isang itim na kotse. Bumalik siya sa puwesto upang mag out sana at kumain nang mapansin niya ang isang itim na pouch bag.

“Kanino ito?” tanong niya sa sarili.

Marahan niyang kinuha at binuksan ito. Nakita niya ang senior citizen ID ng matandang kani-kanina lamang ay bumili, ngunit nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang makapal na libo-libong perang naroroon sa bag.

“Diyos ko po!” gulat na sabi niya. Tumingin-tingin siya sa paligid upang tingnan kung may nakakita sa kanya.

Nang makitang abala ang mga tao sa open na counter, kinuha niya bag at saka nag-out upang mag lunch break. Kasyang-kasya na ang halagang ito para pampagamot ng kanyang ina, katunayan ay sobra-sobra pa ito.

Habang naglalakad palabas, lalong napahigpit ang kapit niya sa bag. Matindi na ang pangangailangan niya at ito na lamang ang kasagutan sa lahat ng kaniyang problema. Kung kunin man niya ito, nawa’y patawarin siya ng Diyos.

Pabilis ng pabilis ang kanyang paglalakad, tulad ng puso niyang pabilis rin ng pabilis ang pagtibok. Tumatagaktak na ang kaniyang pawis at nanlalamig ang mga kamay at paa.

Halos patakbo nang lumabas si Maylene sa supermarket habang akay-akay ang bag na naglalaman ng malaking pera. Malikot na ang kaniyang mga mata habang minamasdan ang mga tao sa paligid, hanggang…

“Sandali lang po!” sigaw ng babae.

Ilang hangos pa at tagaktak pa ng pawis. Kaunting bilis pa ng lakad kahit na mataas ang takong. Wala na siyang pakialam sa mga tao sa paligid nang oras na iyon, hanggang isang malakas na busina ang umalingawngaw.

Isang babae sa harapan at isang sasakyan na mabilis napa-preno…

“Sandali lang ho!” muling sigaw ng babae na humahangos.

Isang lalaki ang bumaba mula sa sasakyan at tiningnan kung anong nangyayari noon.

“O hija, ikaw pala! May problema ba? Anong nangyayari?”

“N-naiwan po ninyo ito kanina sa counter ko, sir!” habol-habol hiningang sabi ni Maylene.

Napangiti ng malaki ang matandang lalaki na kanina’y customer ni Maylene sa loob ng supermarket.

“Talagang magpapasagasa ka upang maibalik lamang sa akin iyan, ano?” natatawang biro ng matanda.

Lumapit ang dalaga at saka iniabot ang itim na pouch bag sa matanda.

“Bilangin ninyo na lamang po upang makasiguro na wala pong nabawas riyan. Pero pangako, wala po akong kinuha,” saad ng babae.

“May tiwala ako sa’yo, hija. Hindi mo ako hahabulin rito kung may masama kang tangka. Nais mo bang sumabay sa akin na kumain? May alam akong malapit na restawran dito, tara at sabayan mo ako!” alok ng matandang lalaki.

Habang kumakain, nakapagkwentuhan saglit ang matanda pati na si Maylene. Tuwang-tuwa ang matanda sa dalaga dahil sa angking katapatan at galing ng pakikisama nito.

“Bakit mo naisipang ibalik ang pera gayong matindi pala ang iyong pangangailangan?” tanong ng matanda.

“Hindi po kasi tama na kunin ko ang hindi ko pinaghirapan. Gumaling nga po ang aking ina, pero nasunog naman ho ang kaluluwa ko sa impyerno. Takot ko na lamang po talaga sa Diyos,” paliwanag ni Maylene.

“Nakakatuwa na mayroong taong katulad mo. Napakaswerte ng pinagtra-trabahuhan mo, dahil mayroon silang tapat na empleyadong nagsisilbi sa kanila,” papuri pa ng matanda.

“Suwerte rin po ako sa kanila, dahil sa halos pitong taong serbisyo ko, kahit na marami po akong palpak na nagawa ay hindi nila ako tinanggal. Napakabait rin po talaga nila sa akin,” tugon naman ni Maylene.

Ilang sandali pa, nagpaalam na si Maylene upang bumalik muli sa trabaho. Ayaw niyang nale-late kaya’t labing limang minuto mula sa pag time in ay sinisiguro na niyang nakabalik na siya.

“Grabe talaga ang dedikasyon mo, hija. ‘Wag kang mag-alala. Nakatingin naman ang Diyos at sigurado akong nalulugod Siya sa iyo,” sabi pa ng matanda.

Nag-alok ng pabuya ang matanda sa katapatan ng dalaga, ngunit magalang niya itong tinanggihan. Para sa kaniya kasi, bukal sa loob dapat ang ganoong gawain at hindi kailangan pang humingi ng kapalit.

Kinabukasan… pagpasok ni Maylene sa trabaho ay tila ba kakaiba ang kinikilos ng lahat. Nakangiti ang mga katrabaho at tila ba masayang-masaya ang mga ito.

Ilang saglit pa, biglang nagpalakpakan ang mga tao habang nakatingin sa kanya. Mga may mga ngiti sa labi ang mga ito at maluha-luha rin ang ilang mga katrabaho.

“A-anong meron?” naguguluhang tanong ng dalaga.

Ilang saglit pa, natanaw ng kaniyang mata ang matandang tinulungan kahapon. Nakangiti itong lumapit sa kanya kasama ang isa sa mga boss niya.

“Binabati kita, Maylene! Napag-alaman namin ang ginawa mong kabutihan kahapon. Napakalaking bagay nito para sa supermarket natin,” pagbati ng boss ni Maylene.

“Nako, ginawa ko lamang po ang nararapat,” nahihiyang sagot naman ng dalaga.

“By the way, ang customer na tinulungan mo pala kahapon ay walang iba kundi si Mr. Gregory, siya ang may-ari nitong supermarket na pinagtra-trabahuhan natin,” dagdag pa ng boss.

Napatakip ng bibig ang dalaga ang hindi makapaniwala sa mga naririnig.

“Labis mo akong pinahanga, Maylene! At dahil sobrang nagagalak ako sa’yo at sa dedikasyon mo sa negosyo ko, mayroon akong munting surpresa para sa’yo…

Naka-linya ka ngayon para sa promosyon sa supervisory position. Pag-aaralin ka namin at hahasain upang maging susunod na manager kapag na-promote na ang manager mo ngayon. Labis akong humanga sa katapatan mo,” nakangiting sabi ni Mr. Gregory.

“Maraming salamat po, sir…” naluluhang sabi ni Maylene.

“Teka, hindi pa tapos,” dagdag pa ng matanda, “Ngayon ay nagpapacheck-up na ang iyong ina para sa kaniyang karamdaman. Bukas, simula ng day off mo dahil sa gagawing operasyon. Bibigyan ka namin ng paid na leave ng dalawang linggo upang matutukan mo ang kalagayan ng iyong ina.

Kami na rin ang sasagot sa operasyon at mga gamot niya. Maraming salamat muli sa katapatan mo, Maylene!”

Halos mapaupo na ang dalaga habang umiiyak dahil sa labis na kagalakan. Hindi niya inaasahan na dahil sa katapatan niya, bubukas ang bintana ng kalangitan upang ibubos ang limpak-limpak na biyaya para sa kanya.

Lubos na ipinagpapasalamat ni Maylene sa Diyos ang lahat. Ngayon, manager na si Maylene, malusog na ang kaniyang ina at kasal na rin sa lalaking lubos na nagmamahal sa kaniya. Ilang panahon na lang, masisilayan na rin nila ang isa pang malaking biyaya ng Diyos para sa kanila, ang una nilang supling.

Advertisement