Inday TrendingInday Trending
Kay Bilis Nakamtan, Kay Bilis Ding Nawalan

Kay Bilis Nakamtan, Kay Bilis Ding Nawalan

“Mahal tingnan mo, tumaya ulit ako sa lotto! Kaso nga lang, wala na tayong pambili ng bigas bukas,” kamot ulong balita ni Edwin sa kaniyang asawa, isang araw pagkagaling niya sa trabaho, “‘Yong sisenta pesos ko kasi, tinaya ko lahat, eh. Mas maraming taya, mas maraming pag-asang manalo!” agaran niyang depensa nang makitang nagsalubong na ang kilay ng asawa.

“Diyos ko naman, Edwin! Nawili ka na d’yan! Paano na tayo bukas, ha?” bulyaw nito sa kaniya saka padabog na inihagis ang walis tambong hawak.

“Hayaan mo, malakas ang kutob kong tatama ang isa sa mga taya ko! Huwag ka na magalit, mahal! Pangako, kapag ako nanalo, ibibili ko lahat ng gusto mo! Bag, sapatos, alahas, kotse, bahay, lahat!” pagpapakalma niya saka dahan-dahang lumapit at niyakap ang galit na galit niyang misis.

“Oo, tapos kapag hindi ka manalo, magugutom ang mga anak mo bukas! Nakakainis ka talaga kahit kailan! D’yan ka na nga muna! Maghahanap muna ako ng malilinisan ng paa nang may makain tayo bukas!” aburidong sambit nito saka pumiglas sa kaniyang pagkakayakap at agarang kinuha ang mga kagamitan sa paglilinis ng kuko. Napakamot na lamang siya’t napabuntong hininga.

Isang kundoktor ang ginoong si Edwin habang isa namang manikurista ang kaniyang asawa. Parehas silang hindi na nakapagtapos nang pag-aaral dahil maaga niyang nabuntis ang kaniyang asawa. Mahirap man ang kanilang buhay, nagagawa nila itong araw-araw lagpasan sa ligayang bigay ng kanilang tatlong anak.

Ngunit katulad ng ibang padre de pamilya, nais din niyang mabigyan ng marangyang buhay ang kaniyang maliit na pamilya. Halos isang kahid, isang tuka kasi ang sitwasyon nila sa ngayon dahil nga sa trabaho nilang mag-asawa.

Kaya naman nang may madaang siyang lotto outlet, hindi siya nagdalawang-isip na tumaya muli. Nanalo na kasi siya ng apat ng numero dito kaya ‘ika niya, “Hindi imposibleng manalo lahat ng numero ko! Tataya ako ng tatlong kard na may iba-ibang kombinasyon!”

Noong araw na ‘yon, pagkaalis ng kaniyang asawa, agad siyang nanalanging pagpalain nga siya. Halos lahat na ata ng santong kilala niya, tinawag na niya.

Kinabukasan, pagkatapos ng kaniyang trabaho, agad siyang tumakbo sa lotto outlet na pinagtayaan niya. Dahan-dahan niyang pinintahan ang mga tinayaan niyang kombinasyon at ganoon na lamang siya naghalumpasay sa sahig nang makitang tumama nga siya.

Simula noon, naging marangya nga ang buhay ng kaniyang pamilya. Agad siyang bumili ng bahay ay lupa upang may matuluyan na silang sariling bahay at katulad ng pangako niya sa kaniyang asawa, binilhan niya ito ng mga luho.

Ganoon na lamang ang saya ni Edwin noong mga araw na ‘yon. Labis labis ang kaniyang pasasalamat sa biyayang kaniyang natanggap.

Ngunit isang araw, bigla na lamang siyang nayaya ng isa niyang dating kaibigan sa casino. ‘Ika nito, “Mas mapapalago mo ang pera mo dito! Tiyak, yayaman ka pa lalo!” dahilan upang maengganyo siya’t malulong sa sugal na ito.

Hanggang isang araw, nagulat na lamang ang kaniyang asawa dahil may mga lalaking hinahakot na palabas ang kanilang mga gamit.

“Pasensya na, mahal, naisangla ko ang titulo ng ating bahay. Akala ko kasi mababawi ko, eh, kaso nagsunod-sunod yung talo ko, patawarin mo ako,” nakatungong ‘ika niya.

“May pera pa tayo sa bangko, ‘di ba? Yun muna ang ibayad mo. Ayoko nang bumalik sa dati nating bahay!” sigaw ng kaniyang asawa.

“Nalimas ko na yung pera natin sa bangko noong isang linggo,” bulong niya dahilan upang manlambot ang kaniyang asawa at nagsimula nang umiyak.

Dahil doon, napilitan siyang dalhin muli sa dati nilang bahay ang kaniyang pamilya. Pinaulanan man sila ng mga tsismis, sambit niya sa kaniyang asawa, “Babangon ulit tayo, hindi ko na hahayaang mapangunahan ako ng ganid sa pera,” saka siya muling naghanap ng trabaho.

Mangiyakngiyak siyang naglakad nang hindi niya alam kung saan man siya patungo. ‘Ika niya, “Kung nakuntento lang sana ako, sana maalwan pa rin ang buhay namin, patawarin mo ako, Diyos ko.”

Hindi nagtagal, nakahanap muli ng trabaho si Edwin. Ngunit hindi na bilang isang kundoktor, dahil isa na siya ngayong drayber ng kaniyang dating kaibigan. Nais nitong bumawi sa kaniya, ‘ika pa nito, “Ako ang nagdala sa’yo sa hukay na ‘yon, hayaan mo akong iangat ka,” na labis naman niyang ikinatuwa.

Iyon ang naging simula nang pag-ahon muli ng kaniyang pamilya. Mahirap man at hindi siya agarang nakaipon, ginawa niya ang lahat upang maibalik ang masaya nilang pamilya na kuntento sa kanilang simpleng buhay. Natutunan niya ring paghirapan ang mga bagay-bagay at naging maingat sa pagwaldas ng kaniyang mga ipon.

Advertisement