Inday TrendingInday Trending
Sa Paglitaw ng Bahaghari

Sa Paglitaw ng Bahaghari

“Tumingin ka sa itaas, anak. Nakikita mo ba makulay na iyon sa itaas ng mga ulap?”

At tumingin nga si Jepoy sa itaas. Nakita niya ang pitong magkakapatong na kulay na nalalambungan ng mapuputing ulap.

“Ang ganda po, Mommy! Ano pong tawag diyan?”

“Bahaghari ang tawag diyan. Rainbow sa Ingles. Sa bible, ‘yan ang promise ni God na hindi na niya gugunawin ang mundo gamit ang baha. Naalala mo yung kuwento na yun ‘di ba? Sa sunday school ninyo?”

“Opo, mommy. Ahhh iyan pala ang rainbow! Ang ganda! Ano po ‘yong mga kulay ng rainbow, mommy?”

“May red, orange, yellow, green, blue, indigo, at violet. Anak tatandaan mo ito… minsan mawawala-wala si Mommy. Pero kapag nakita mo na ang bahaghari, it means darating na si Mommy. Okay? Do you understand?”

Nilingon ni Jepoy ang mukha ng kaniyang ina. “Saan po kayo pupunta, Mommy?”

“Magtatrabaho ulit si Mommy, Jepoy. Sasakay ulit si Mommy sa airplane. Iyon kasi dating work ni Mommy. Makakarating na naman ako sa US, Japan, at marami pang mga bansa!” sabi ng Mommy ni Jepoy. Siya si Alice, 26, na isang flight attendant.

Bumadha ang pagkalungkot sa mukha ni Jepoy.

“Hindi na ba kita makikita, Mommy? Lagi naman busy si Daddy sa work niya. Isama mo na lang po ako!” mungkahi ni Jepoy.

“Jepoy darling, hindi puwede ang bata ro’n. Hayaan mo, kapag good boy ka sa school, minsan isasama kita! Sasakay ka sa airplane at makikita mo ang buong mundo!” pangako ni Alice kay Jepoy.

“Yehey! Makikita ko nang malapitan ang rainbow?” namimilog ang mga mata ni Jepoy.

“Oo naman. Pati ang mga clouds makikita mo. Papasok tayo sa loob. Basta… payagan mong makasakay ulit sa airplane si Mommy ah…”

Namimilog ang mga mata ni Jepoy. May kakaibang kislap sa kaniyang mga mata. Gusto niyang makita ang rainbow. Gusto niya makita ang mga ulap.

“Nakapagpaalam na ako kay Jepoy, Daddy. Ikaw na ang bahala sa kaniya,” matapos makauwi mula sa pamamasyal ay sabi ni Alice sa asawang si Raymund.

“Mommy, hindi ko na ba talaga mababago ang isip mo? You know very well na hindi mo kailangang magtrabaho. I could provide all things that you want.”

Lumapit si Alice kay Raymund at hinawakan ang pisngi ng mahal na asawa.

“Daddy… napag-usapan na natin ito hindi ba? Alam ko naman iyon. You have a very good job as an architect and interior designer. Pero… alam mo namang pinangarap ko talaga ang career ko na ito. Please, Daddy. I still want to fulfill my dreams. Kahit nariyan na kayo ni Jepoy. I still want to grow and pursue my goals in life.”

Niyakap ni Raymund ang kabiyak. Mahigpit. Yakap na may pang-unawa.

“Basta huwag kang makakalimot ha? Saka, huwag kang titingin sa ibang guwapong lalaki,” biro ni Raymund.

“Oo naman. Ikaw lang ang lalaking una at huling mamahalin ko. Naks!” nakangiti at ganting pangako ni Alice. Nagkatawanan sila.

Natuloy sa kaniyang trabaho bilang flight attendant si Alice. Minsan, mga dalawa o tatlong linggo itong hindi nakauuwi dahil sa mga international flights nito. Minsan, hindi rin nakakausap sa pamamagitan ng internet dahil madalas ay bawal ang nakabukas ang cellphone kapag nasa flight.

Kapag namimiss ni Jepoy si Alice, tumitingin siya sa itaas. Hinahanap niya ang bahaghari. Hudyat daw ito sabi ng kaniyang Mommy, na babalik na siya. Nang mga panahong iyon ay madalas na ang pag-ulan.

Kaya pagkatapos ng ulan, agad na titingala si Jepoy sa alapaap upang hanapin ang bahaghari. Madalas ay wala siyang maispatan, kaya nalulungkot si Jepoy. At kung may nasisilayan man siya, nasasaktuhang nakakauwi sa kanila si Alice.

Nabuo sa isipan ni Jepoy na totoong hudyat ng pag-uwi ng kaniyang Mommy ang paglitaw ng bahaghari sa langit.

Kapag nakakauwi, tinitiyak ni Alice na sinusulit niya ang kaniyang panahon kasama ang asawa at anak. Pasyal dito, pasyal doon. Kain dito, kain doon.

Sa sumunod na muling pagbalik sa trabaho ni Alice, natagalan bago ito nakauwi. Mga tatlong buwan na at wala pa rin si Alice. Hindi nagpaparamdam sa text, tawag, chat, o video call.

Nag-aalala na si Raymund. Miss na miss na siya ni Jepoy. Noon ay Nobyembre at malapit na ang Pasko.

Sa mga panahon na iyon ay madalang ang pag-ulan, kaya walang lumilitaw na bahaghari sa mga ulap. Minsan ay napatanong si Jepoy sa kaniyang Daddy. “Daddy, kailan uuwi si Mommy? Miss na miss ko na po siya…”

“Anak, busy lang sa trabaho si Mommy mo. Bago mag-Pasko, I’m sure makakasama natin siya.”

“Ang tagal naman. Wala pang lumilitaw na bahaghari ulit,” malungkot na sabi ni Jepoy.

“Hayaan mo anak, kapag hindi pa dumating ang Mommy mo pagkatapos ng November, pupuntahan natin siya,” pangako ni Raymund.

“Paano po tayo makakapunta sa langit, Daddy? Hindi ba doon nagwowork si Mommy?” maang na tanong ni Jepoy.

Hindi nasagot ni Raymund ang munting tanong ni Jepoy dahil nag-ring ang cellphone nito at may kinausap.

Tumatak sa isip ni Jepoy ang sinabi ng kaniyang Daddy. Pupuntahan daw nila ang kaniyang Mommy sa trabaho nito. Sa langit o mga ulap nagtatrabaho ang kaniyang Mommy. Paano sila pupunta roon? Kailangan ba nilang lumipad? Mga tanong sa isip ni Jepoy.

Sa wakas, nakauwi na rin si Alice, subalit hindi siya sa bahay dumiretso kundi sa ICU ng ospital. Kay Jepoy.

Noon ay Disyembre na. Malapit nang mag-Pasko. Napahagulgol si Alice nang masilayan ang lantang gulay na anak. Wala itong malay. Agad na sinugod nito si Raymund na noon ay nakaupo sa bench, tahimik na lumuluha.

“Anong nangyari, Daddy? Anong nangyari kay Jepoy?” lumuluhang untag ni Alice sa asawa.

Sa garalgal na tinig ay nagpaliwanag si Raymund.

“Miss na miss ka na niya. Sabi mo raw, kapag may lumitaw na bahaghari, uuwi ka na. Pero wala naman kasing ulan sa mga nagdaang buwan. Walang lumitaw na bahaghari,” pagpapaliwanag ni Raymund.

“Hindi ako nakauwi dahil sunod-sunod ang trabaho ko. Pasensya na…” naiusal ni Alice.

At nagpatuloy sa pagpapaliwanag si Raymund. “Hindi ko na rin alam kung anong naisip ng anak mo… ang kuwento sa akin ng yaya, umakyat daw siya sa puno. Bigla na lang daw nahulog. Hindi ko alam kung gusto ba niyang lumipad, o tinangka niya talagang magpakam*tay…” humahahulgol na sabi ni Raymund.

“At bakit naman kikit*lin ng anak natin ang sarili niyang buhay? Bakit?”

Naputol ang pag-uusap ng mag-asawa nang humahangos na nagtungo sa kanila ang nurse. Gising na umano si Jepoy. Humahangos na nilapitan ng mag-asawa ang anak na nagmulat na ng mga mata. Agad itong niyakap ni Alice.

“Anak… Jepoy… dito na si Mommy. Dito na si Mommy! ‘Di na ako aalis, promise. I’m so sorry…” umiiyak na pangako ni Alice sa anak.

Hindi muna tinanong ng mag-asawa ang kanilang anak kung ano ang nangyari dito. Hinayaan muna nila itong makapahinga at lubusang magpagaling.

Makalipas ang ilang linggo, si Jepoy na mismo ang nagkuwento sa kanila.

“Mommy, sabi mo kasi sa langit ka nagwowork. Tinanong ko classmate ko kung paano makakarating doon, sabi niya kapag nam*tay na raw po ang tao… kaya po ang ginawa ko, umakyat ako ng puno…”

“Huwag mo nang ituloy anak… ang mahalaga sa akin hindi na ulit mangyayari iyon at hindi mo na ulit gagawin iyon… huwag mo na ulit iisipin iyon ha?” sansala ni Alice sa anak. Parang nadudurog ang puso niya sa isiping naisipang magpatiw*kal ng anak para lamang makita siya.

“Umakyat po ako ng puno para silipin kung may bahaghari na po… pero nadulas po ako. Nahulog po ako, Mommy. Hindi ko po naisip na kailangan ko magpunta ng langit kasi baka hindi na ako makabalik. Baka hindi ko na po kayo makita. Kaya hihintayin ko na lang po sana ang bahaghari,” inosenteng paliwanag ni Jepoy.

Hindi napigilan ng mag-asawang Alice at Raymund na yakapin nang mahigpit ang kanilang anak. Maligaya na ang puso nila. Hindi naman pala nagtangkang magpatiw*kal si Jepoy.

Minabuti ni Alice na huwag nang ipagpatuloy ang kaniyang karera upang matutukan ang paglaki ni Jepoy. Hindi pa naman lubusang nawala ang kaniyang mga pangarap.

Subalit naisip niya, aanhin niya ang pagtupad sa mga pansariling pangarap, kung mawawala naman sa kaniya ang mga dahilan at paghahandugan niya nito- ang kaniyang pamilya.

Advertisement