Inday TrendingInday Trending
Inakit Ko Si Beks!

Inakit Ko Si Beks!

“Hay, ang guwapo talaga ni Aris, kahit na beki siya!” tila nananaginip na sambit ni Gelay sa kaniyang sarili habang nakapangalumbaba sa terrace ng kanilang bahay at nakatunghay sa nagsasampay na si Aris. Nakatira lang kasi ito sa tapat ng bahay nina Gelay.

Kahit pa nga pumipilantik ang mga daliri at may kembot ang bawat hakbang ni Aris ay hindi pa rin mapigilan ni Gelay na kiligin sa tuwing nakikita niya ito.

Ngunit may isa siyang problema. Kahit kailan, hindi siya pinansin ni Aris bagkus ay nilalayuan pa nga. Sa totoo lang ay para nga siyang may nakahahawang sakit, dahil sa tuwing makikita siya nitoʼy nagkukumahog na itong magtatakbo palayo na para bang diring-diri sa kaniyaʼt naduduwal pa.

Biglang nalungkot si Gelay sa isiping iyon.

“Ano kaya ang pupuwede kong gawin para mapansin ako ni Aris?” parang baliw na tanong niya sa kaniyang sarili.

Bigla na lang parang may bumbilyang biglang umilaw sa kaniyang imahinasyon, nang maalala niya ang isa sa paborito niyang asian novela! Tungkol iyon sa isang babaeng katulad niya, na may gusto rin sa isang vaklush. Upang mapasakaniya ang iniibig ay nagawang akitin ng babae ang kaniyang minamahal na beki, at naging matagumpay naman iyon dahil simula noon ay napansin na ito ng leading man!

“Ano kaya kung ganoʼn din ang gawin ko kay Aris my loves?” Kinilig-kilig pa si Gelay habang iniisip iyon.

“Tama! Ganoon na nga ang gagawin ko!” pursigidong aniya pa bago nagsimulang pagplanuhan ang kaniyang gagawin.

Naligo nang maigi si Gelay. Nagpaganda, nagpa-sexy, nagpabango nang sobra, bilang paghahanda sa gagawin niyang pang-aakit kay Aris mamaya.

Amoy na amoy na rin ang aroma ng masarap na soup na ginawa niya para kay Aris na balak niyang gamitin upang may dahilan siyang pumunta ngayon sa bahay nito. Handang-handa na ang lahat kaya naman inumpisahan na ni Gelay ang kaniyang plano.

Kumatok siya sa bahay nina Aries. Nagtagal na siya roon ng ilang minuto ngunit wala pa ring sumasagot.

“Nasaan si Aries?” napatanong siya sa kaniyang sarili bago siya muling kumatok.

“Aris, nariyan ka ba?”

Ngunit wala pa rin.

Nawawalan na siya ng pag-asa, nang mapansin niyang nakaawang naman pala ang pinto! Hindi pala iyon naka-lock sa loob!

Desperada na siya. Kahit kinakabahan ay minabuti niyang ituloy na lang ang kaniyang plano. Pumasok siya sa bahay ni Aries…

“OMG!”

Halos mapasinghap si Gelay nang makitang nakahilata pala si Aries sa sofa at tulog na tulog. Bukod pa roon ay wala rin itong suot na pang-itaas at nakapantalon lamang.

Kung tititigan ay hindi niya mapagkakamalang beki si Aries dahil bruskong-brusko ang dating nito sa lagay nito ngayon. Doon ay lalong nabuhayan ang damdamin ni Gelay para dito.

Inumpisahan niyang haplusin ang nakabalandrang dibdib ni Aries. Kinikilabutan pa siya sa kilig habang ginagawa niya iyon. Narinig niyang umungot ang binata. Handa na sana si Gelay na halikan ito, ngunit ganoon na lang ang gulat niya, nang bigla itong bumangon!

“S-sino ka?! Paano ka nakapasok dito?!” ang gulat na gulat na tanont ng binata sa kaniya.

“A-ako ʼto, Aris! Si Gelay, kapitbahay mo! Iʼm so sorry kung ginawa ko ʼto. Hindi ko na talaga kasi alam kung papaano mo ako mapapansi!” paliwanag pa ni Gelay sa binata.

“P-pasensiya ka na, miss, pero hindi ako si Aries…”

Nanlaki ang mga mata ni Gelay sa narinig.

“Ako si August, kakambal niya…at isa akong pari. Iʼm Father August.”

Hindi makasagot si Gelay dahil sa hiya. Pakiramdam niyaʼy sinisilaban ang kaniyang mukha at nag-iinit.

Kamukhang-kamukha ni Aries ang binata, ngunit nang mga sandaling iyon ay doon niya lang napagtantong may pagkakaiba nga ang mga ito! Mas maputi si Aries at iba rin ang paraan ng pananalita nito kaysa sa lalaking kaharap niya ngayon.

Dahil sa sobrang hiya, ay napatakip na lang sa kaniyang mukha si Gelay. Paulit-ulit siyang humingi ng paumanhin.

“Sana sa susunod, pag-ingatan mo ang sarili mo, miss. Paano kung nagkataong hindi ako ang naabutan mo rito? Baka mapahamak ka pa. Sana ay matutunan mong tanggapin ang katauhan ng kapatid ko at huwag mo siyang pilitin sa kung ano ang ayaw niya. Alam kong mahirap, dahil ganoon din ang naramdaman ko noong una, pero, alam kong may magandang plano ang Diyos para sa kaniya at ganoon din naman sa iyo. Magtiwala ka lang sana at maghintay.”

Ang pangaral na iyon ang nagpa-realize kay Gelay na ang pagmamahal ay hindi dapat ipinipilit. Ito ay kusang ibinibigay nang bukal sa loob at hinihintay hanggang sa dumating ang tamang tao para sa atin.

Simula noon ay tinigilan na ni Gelay ang pamimilit ng kaniyang sarili kay Aries, ngunit sa huli, sila rin naman ang nagkatuluyan. Paanoʼy unti-unti na palang nahulog ang malambot na puso ni Aries sa dalaga at napagtanto niya lang iyon nang layuan na siya ni Gelay.

Advertisement