Pinagkatiwala ng Ginang na Ito ang mga Anak sa Kapatid Nang Mangibang-bansa, Kinakawawa Pala Nito ang mga Bata

“Ate, kamusta na ang mga anak ko?” tanong ni Placy sa kaniyang kapatid, isang araw nang magpasiya siyang tawagan ito.

“Ito, ayos naman, kumakain sila ngayon ng tsokolateng pinadala mo. Gustong-gusto nga ng mga anak mo, eh, lalo na ‘yong bunso mo, naku, hindi ko maawat sa pagkain. Sa katunayan nga, naubos na nila lahat, eh. Kailan ka ulit papadala?” sambit ng kaniyang kapatid dahilan upang siya’y mapangiti. 

“Naku, mabuti naman, ate! Baka sa susunod linggo magpadala na ulit ako. Kaso walang mga tsokolate, ate, pera na lang muna papadala ko, ikaw na bumili d’yan sa Pinas, ha?” sambit niya dito.

“Ay, oo naman, walang problema! Dalian mo ang pagpapadala, ha? Wala na rin kasi akong mapakain sa mga anak mo, eh, may bayarin pa sa paaralan ‘yong panganay mo. Malapit na kasi ang pagtatapos niya sa elementarya, hindi ba?” sabi pa ng kaniyang ate.

“Oo nga pala, ate, salamat at pinaalala mo. Hayaan mo, gagawin ko ang lahat para makapagpadala na agad. Paano, ate, baba ko na, ha? Kailangan ko na magtrabaho. Ingat kayo d’yan!” paalam niya saka tuluyan nang binaba ang tawag. Bahagya siyang napangiti nang makasiguradong nasa mabuting kalagayan ang kaniyang dalawang anak.

Tubong probinsya ang biyudang si Placy. Bata pa lamang siya, pangarap na niyang magtrabaho sa ibang bansa. Bukod sa makakapunta pa siya sa magagandang lugar, malaki pa ang kaniyang sahod.

Ngunit tila hindi agad sumang-ayon sa kaniya ang tadhana. Bago pa kasi siya makapagtapos sa hayskul, nagdalang-tao na siya agad dahilan upang mapilitan siyang tumigil na sa pag-aaral.  

Ang panganay niyang anak ay nadagdagan pa ng isang magandang paslit na labis niyang ikinasaya. Maayos naman ang kanilang simpleng pamilya noon dahilan upang makuntento na siya sa buhay na mayroon siya. Kahit pa siya’y may bahay lamang at naghihintay lang sa sahod ng asawa bilang isang construction worker, hindi ito naging dahilan upang malungkot siya sa buhay dahil nakakapiling niya ang kaniyang mga anak. 

Advertisement

Ngunit isang araw, bigla na lang hindi umuwi ang kaniyang asawa na labis niyang ikinapag-alala. Agad siyang tumawag sa amo nito at doon niya nalamang nadisgrasya pala ang kaniyang mister at natagpuang walang buhay sa trabaho dahilan upang labis siyang manlumo. 

Ito ang naging dahilan upang lumaban na siya buhay. Ilang buwan pa ang lumipas, may nag-alok sa kaniyang mangibang-bansa upang magtrabaho bilang kasambahay na agad niyang sinunggaban para sa kapakanan ng kaniyang mga anak. Napagdesisyunan niya ring ibilin ang kaniyang mga anak sa nag-iisa niyang kapatid upang kahit wala siya sa mga tabi nito, makakasigurado siyang nasa mabuting kamay ang mga ito. 

“Magugutom tayo pare-pareho, mga anak, kung hindi magtatrabaho si mama. Magpakabait kayo kay tita, ha?” sambit niya sa mga anak, isang araw bago siya tuluyang lumipad patungong ibang bansa, tumango-tango lang ang mga ito’t agad siyang niyakap at iyon na nga ang huli nilang pagkikita ng mga anak.

Noong araw na ‘yon, matapos kausapin ang kapatid, agad siyang tumawag sa kaniyang amo upang makuha na agad ang kaniyang sweldo. Sa kabutihang palad naman, agad siya nitong binigyan ng pera at pinayagang makaalis ng bahay upang magpadala ng pera sa kapatid.

Maya-maya pa, nakatanggap siya ng mensahe sa kaniyang kapatid na natanggap na raw ito ang perang pinadala niya na labis niyang ikinatuwa. 

“Konti na lang, mga anak, uuwi na ang mama, para sa inyo lahat ‘to,” nakangiti niyang sambit matapos mabasa ang mensahe ng kapatid.

Buong akala niya’y ayos na ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang mga anak, ngunit isang araw, bigla na lang siyang pinadalhan ng mensahe ng guro ng kaniyang panganay na anak na labis niyang ikinapagtaka dahilan upang tawagan niya ito.

Doon niya nalamang tatlong buwan na palang hindi pumapasok ang kaniyang anak dahilan upang hindi ito mapabilang sa mga makakapagtapos ng elementarya sa darating na Marso. Doon niya siya napilitang umuwi ng Pilipinas. Buti na lang talaga, mabait ang kaniyang amo’t pinirmahan kaagad ang kaniyang kontrata nang malaman ang misteryong nagaganap sa kaniyang mga anak. 

Advertisement

Agad nga siyang lumipad pauwi ng Pilipinas, halos kumawala ang kaniyang puso dahil sa kabang nararamdaman. Ilang oras pa ang nakalipas, nakarating na nga siya sa kanilang bahay. Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan ng kanilang bahay kasama ang ilang pulis at tumambad sa kaniya ang mga anak niyang buto’t balat at puro latay.

“Hoy, ano pang ginagawa niyo? Mamalimos na kayo sa labas habang hindi pa nag-iinit ang ulo ko! Dalian niyo dadating na ang magbibigay sa akin ng dr*oga wala pa akong pang…” biglang napatigil sa pagsasalita ang kaniyang kapatid nang makita siyang nakaluhod dahil sa panlulumo, “O, Placy, bakit napaaga ang pag-uwi mo? Saka bakit may mga pulis?” tanong nito sa kaniya saka itinago sa likod ang kaniyang panindi.

“Paano mo nagawa sa akin ‘to, ate?” iyak niya.

Doon na nga dinakip ng mga pulis ang kaniyang kapatid at doon niya rin nalaman mula sa mga anak ang pang-aabusong ginagawa nito.

Halos pitpitin niya sa pagkakayakap ang mga anak habang walang sawang humihingi ng tawad sa mga ito. 

Simula noon, hindi na muling nangibang-bansa ang ginang na si Placy. Mas pinili na niyang makasama at maalagaan ang mga anak kaysa kumita ng malaking pera.

Nagtayo siya ng tindahan upang kaniyang pagkakitaan na talaga nga namang nakatulong sa kanilang mag-iina habang ang kapatid niyang mapang-abuso’y mabubulok na sa kulungan.