Ginagastos ng Ginang ang Pera ng Asawa para Magpabida sa Social Media, Nagising Siya sa Katotohanan nang Iwan ng Asawa

Ginagastos ng Ginang ang Pera ng Asawa para Magpabida sa Social Media, Nagising Siya sa Katotohanan nang Iwan ng Asawa

FamilyInspiringStories

“O, mahal, ang lalaking alimango n’yan, ha? Mukhang mamahalin na naman ang ulam natin ngayon. Hindi pa ako nakakasweldo, ha? Saan ka nakakuha ng pangbili n’yan?” tanong ni Con sa kaniyang asawa, isang araw nang madatnan niya itong nagluluto sa kusina. 

“E ‘di sa perang binigay mo,” tipid na sagot ni Vina habang nililinis ang naturang alimango. 

“Mahal, sa katapusan pa ang sweldo ko, paano na tayo sa mga susunod na araw?” dismayadong sambit ng kaniyang asawa. 

“Aba, malay ko sa’yo! Basta, ako, gusto ko nang masarap na pagkain! Para mai-post ko rin sa social media gaya no’ng mayabang kong kumare!” bulyaw niya sa asawa dahilan upang mapakamot ito ng ulo. 

“Mahal, naman! Sinabi ko naman sa’yong hindi mo kailangan makipagkumpetensya doon. Lalo na’t may pera ‘yon, tayo naman wala talaga,” paliwanag nito sa kaniya. 

“Mayroon din tayong pera, nakabili nga ako nito, eh,” pilosopo niyang sagot dahilan upang tuluyan ng mainis ang asawa. 

“Mayroon nga, eh, pang isang linggong budget na natin ‘yang ginastos mo! Diyos ko! Hindi ko na alam gagawin ko sa’yo!” sambit nito saka siya nilisan, inirapan niya lang ito’t nagtuloy sa paglilinis ng alimango. 

Laki sa yaman ang may bahay na si Vina. Lahat ng kaniyang gusto, kaniyang nakukuha. Mapamamahaling selpon man ito o mamahaling alahas, binibigay ito lahat ng kaniyang magulang.

Ngunit tila umikot ang kaniyang mundo nang tumuntong siya sa kolehiyo. Bukod sa bumagsak ang negosyo ng kaniyang mga magulang, napag-alaman niya pang siya’y nagdadalang tao na labis niyang ikinadismaya. 

Nang malaman pa ito ng kaniyang mga magulang, pinatigil na siya ng mga ito sa pag-aaral at pinalayas sa kaniyang mansyon dahilan upang mapilitan siyang sumama sa lalaking nakabuntis sa kaniya na noo’y isang estudyante rin lamang. 

Dahil nga siya’y nagdadalang tao na’t wala silang sariling perang dalawa, napilitan ang kaniyang nobyo na tumigil din sa pag-aaral at mamasukan sa unibersidad na kanilang pinapasukan bilang isang tagalinis. 

Lahat ng mga batikos at pang-aalipusta’y kinimkim ng naturang binata habang siya’y labis na nagsisisi sa buhay na nasayang. 

Ilang buwan lang ang nakalipas, siya nga’y nakapagsilang na. Kinuhanan niya ng litrato ang anak at inilagay ito sa kaniyang social media account. Ngunit naagaw ng isang litrato ang kaniyang pansin. Galing ito sa kaniyang matalik na kaibigan noon na ngayo’y nasa ibang bansa na. Pumunta siya sa account ng kaibigan at labis na inggit ang kaniyang nadama nang makitang kung saan-saang lugar na ito nakakarating at higit pa doon, ang sasarap ng mga pagkaing kinakain nito. 

Dito na siya nagsimulang magyabang sa social media kahit pa sila’y walang-wala na. May pagkakataon pa ngang pupunta siya sa isang sikat na kapehan at kukuha lang ng litrato upang ipost sa social media, may mga araw ding pupunta siya sa sikat na restawran upang kumuha lang din ng litrato upang maipagyabang sa kaniyang social media account. 

Agad siyang pinagsabihan ng kaniyang asawa nang malaman ang kaniyang ginagawa. Bukod kasi sa nakakahiya sa mga nakakakita sa kaniya, naiiwan niya pa ang kaniyang anak kung kani-kanino para lamang magpunta sa mga lugar na iyon. 

Ngunit talagang hindi siya papatalo sa kaibigan, dahil simula nang pagbawalan ng asawa, nagdesisyon siyang magluto na lang ng masasarap na putaheng mailalagay niya sa kaniyang account na labis pa ring ikinainis ng kaniyang asawa. 

Noong araw na ‘yon, agad niyang kinuhanan ng litrato ang putaheng kaniyang niluto saka ito inilagay sa social media. Sabi niya pa sa naturang post, “Food is life! #richkidforever,” dahilan upang paulanan ito ng sari-saring komento na labis niyang ikinatuwa. 

Nasundan pa ang mga gawain niyang iyon dahilan upang magkanda-utang utang na ang kaniyang asawa para lamang may maibigay sa kaniya. 

“Mahal, pasensya na, kung hindi mo ititigil ‘yang gawain mo, mapipilitan na akong iwan ka. Binibigyan kita ng pera pangkain at pangbili ng gatas ng anak natin, hindi para magpasikat ka sa social media,” sambit ng kaniyang asawa na labis niyang ikinagalit.

“Edi iwan mo! Sino ka ba para matakot akong iwan mo ako?” sagot niya dito. 

At iyon na nga ang huling pag-uusap nila ng kaniyang asawa dahil lumipas ang isang linggo na hindi na ito umuuwi sa kanilang bahay. 

Dahil nga inubos niya na ang perang bigay nito sa kaniyang luho, wala na siyang madukot pangbili ng kaniyang pagkain at panggatas ng kaniyang anak dahilan upang siya’y mangutang na sa kaniyang mga kaibigan. 

Doon niya napagtantong mali talaga ang kaniyang ginagawa. Bukod sa niloloko niya ang mga tao sa social media, niloloko niya pa ang sarili sa reyalidad na handog sa kaniya ng buhay. 

Nang maliwanagan, agad niyang tinawagan ang asawa’t nagmakaawang bumalik sa kaniya. Agad naman itong umuwi dahil sa pagmamahal sa kaniya. 

“Hinihintay lang kitang tumawag,” sambit nito saka siya niyakap, “Hindi natin kailangang ipilit ang mga bagay na hindi talaga para sa atin, ha? Hayaan mo, gagawin ko ang lahat para maiahon ang pamilya natin sa hirap,” dagdag pa nito na labis niyang kinaiyak. 

Simula noon, hindi na puro masasarap na pagkain ang kaniyang inilalagay sa kaniyang account, kung hindi, ang litrato na ng kaniyang pamilya na talaga nga namang walang halagang makakatumbas. 

Madalas tayong nakakaramdam ng inggit kapag ang iba’y nakakalasap na ng tagumpay habang tayo’y naghihirap. Nawa’y huwag natin itong pairalin dahil maaaring malagay tayo nito sa hukay ng buhay. Imbes na mainggit sa tagumpay ng iba, gawin na lang natin silang inspirasyon upang tayo rin ay umangat.

More Stories