Suki sa Barangay ang Dalaga Dahil sa Palagiang Pakikipag-away, Natuto Siya nang Minsang Matagpuang Duguan ang Sarili

Suki sa Barangay ang Dalaga Dahil sa Palagiang Pakikipag-away, Natuto Siya nang Minsang Matagpuang Duguan ang Sarili

InspiringKarmaStories

“Nakakainis talaga ‘yang dating nobya ni bunso, mama! Aba, grabe kung makatingin sa akin kanina! Akala mo’y kayang-kaya ako!” inis na bungad ni Mariel sa kaniyang ina, isang araw matapos niyang manggaling sa palengke, bitbit-bitbit ang kaniyang mga pinamili.  

“Maghunos-dili ka, Mariel, baka masangkot ka na naman sa gulo! Kakagaling lang natin sa barangay noong isang linggo dahil may sinabunutan ka na naman, baka nakakalimutan mo, ha!” sermon ng kaniyang ina saka kinuha sa kaniyang kamay ang mga pinamiling gulay. 

“Eh, nakakainis ‘yong tababoy na ‘yon, eh!” singhal niya saka kumuha ng maiinom na tubig. 

“Oo nga pala, mataba ‘yon, tiyak wala kang laban doon! Sa payat mong ‘yan, napakatapang mo! Tumigil-tigil ka, ha? Baka mamaya imbis na sa barangay lang kita puntahan, sa ospital na!” sambit ng kaniyang ina. 

“Hindi ako natatakot, mama! Mukha namang puro hangin lang ‘yon, ni hindi nga makabuhat ng timba ‘yon, ‘di ba?” patawa-tawa niyang sabi.

“Tumigil ka, Mariel, naghahanap ka lang ng sakit sa katawan! Umayos ka, matanda ka na!” sambit ng ina, bakas sa mukha nito ang panggagalaiti dahilan upang mapairap na lang siya’t manahimik. 

Suki sa kanilang barangay ang dalagang si Mariel. Palagi na lang kasing may nagrereklamo sa kaniya. Kung hindi dahil sa ingay ng bunganga niya tuwing umaga sa pagsasaway sa mga batang naglalaro sa tapat ng kanilang bahay, madalas, dahil nasangkot ito sa away. 

May pagkasensitibo kasi siya. Mapatingin lang sa kaniya ang isang tao, o may magtawanan lang kapag siya’y dumaan, kokomprontahin na niya ito at kapag lumaban, hindi siya papatalo. Kahit mahubaran man siya o magalusan, wala siyang pakialam basta mailabas ang galit niya at masaktan ang taong iyon. 

Ito ang dahilan kung bakit “sakit sa ulo,” ang tawag ng kaniyang ina sa kaniya. Halos linggo-linggo na lang kasi itong nagmamakaawa sa kanilang kapitan na patawarin siya sa mga gulong sinimulan niya. 

Noong araw ‘yon, matapos sermunan ng kaniyang ina, minabuti niyang magpahinga.

Ayaw rin kasi siyang payagan ng kaniyang ina na lumabas dahil alam nito, kapag nakasalubong niya na naman ang dating nobya ng kapatid, mapapatawag na naman ito sa barangay. 

Inis na inis niyang binagsak ang katawan sa higaan. Nais man niyang gumala ngayon, wala siyang magawa kung hindi sumunod dahil mainit na ang ulo ng kaniyang ina. 

Ngunit maya-maya, bigla niyang narinig ang boses ng babaeng kinaiinisan niya. 

“Ang kapal naman ng mukha ng baboy na ‘yon na pumunta ulit dito sa amin? Teka, nais atang makatikim nito, eh,” ‘ika niya saka mabilis na lumabas sa kaniyang silid, “Hoy, tababoy! Bakit ka nandito?” bungad niya saka pasimpleng kinuha ang kanilang walis tambo. 

“Para bigyan ka ng leksyon, masyado ka na kasing maangas,” sagot nito na lalo niya pang ikinagalit. 

“Ah, maangas, ha? Pwes, malilintikan ka sa’kin!” sigaw niya saka ihinampas ang hawak na walis sa naturang dalaga. 

Laking gulat niya nang masangga at haltakin nito ang walis mula sa kaniya. 

“Kahit may walis ka pang hawak, hindi ako natatakot sa’yo, tababoy!” bulyaw niya saka niya akmang hahablutin ang buhok nito.

Ngunit bago pa man niya ito masabunutan, naitulak na siya nito sa pader dahilan upang mapasigaw siya sa sakit. Hindi pa man siya nakakatayo, hinampas-hampas na siya nito ng walis tambo dahilan upang hindi na siya makagalaw, “Te-teka, ang sakit sakit na!” bulyaw niya ngunit patuloy pa rin ito sa pangbubugbog sa kaniya hanggang sa nadama niya na lang ang kaniyang dugo sa sahig, “Ma-mama!” sigaw niya. 

“Mariel, anak, magising ka, hoy!” natatarantang sabi ng kaniyang ina habang inaalog-alog ang kaniyang mukha dahilan upang siya’y magising. Doon na nga niya napagtantong maaari talagang madala sa hukay ang kaniyang buhay kapag hindi pa siya tumigil sa pakikipag-away. 

Kaya simula no’n, tuluyan na siyang nagbago. Pinapasawalang bahala na niya ang mga bagay na tiyak makakapagpadala sa kaniya sa away na labis namang ikinatuwa ng kaniyang ina. 

Hindi man ito naging madali dahil sa pagiging sensitibo niya, iniisip niya na lang na hindi lang ito para sa kaniyang sarili, kung hindi, para rin sa kaniyang ina na palagi na lang niyang binibigyan ng sakit sa ulo. 

Nawa’y huwag na nating hintayin pang mabalitan tayo ng buto bago tayo matuto at umiwas sa mga mali nating gawain dahil hindi natin tiyak ang buhay, maaaring isang araw, tayo’y nasa hukay na. 

More Stories