Hindi Malaman ng Matanda Kung Sino sa mga Anak ang Tunay na Nararapat; Isang Espesyal na Pagsubok Pala ang Makapagsasabi

Hindi Malaman ng Matanda Kung Sino sa mga Anak ang Tunay na Nararapat; Isang Espesyal na Pagsubok Pala ang Makapagsasabi

FamilyInspiringKarmaStories

Pinagmasdan ni Don Antonio ang kaniyang tatlong anak.

Matamang nakikinig ang mga ito sa kaniyang abogado habang binabasa nito ang kaniyang last will and testament.

Matapos malaman ng magkakapatid ang mga ari-arian na napunta sa kanila, kagaya ng inaasahan ng don ay nagtanong ang mga ito.

“‘Pa, kanino mapupunta ang ospital?” Direktang tanong ng kaniyang panganay na anak na si Cesar.

“Hindi pa ako nakakapagdesiyon, anak,” sagot ng don.

“Paanong ‘di ka pa nakakapagdesiyon ‘pa? Hindi ba dapat sa akin ‘yun, kasi ako ang panganay na anak?” Malalim ang gitla sa noo ng panganay nang muling magsalita.

“Siyempre, kuya, gusto ni papa na masigurong sa mabubuting kamay mapupunta ang ospital. Alam mo naman na ginawa ang ospital na ‘yun para sa mahihirap na walang malaking pambayad sa ospital,” sabat naman ng kaniyang pangalawang anak na si Manuel.

“Sa akin dapat mapunta iyon, ‘pa. Nakita mo naman kung paano ko pamahalaan ang mga negosyo natin, ‘di ho ba?” Mayabang na saad nito.

“Sigurado namang tayo lang ang pagpipilian ni papa. Hindi naman pwedeng kay James niya ipamana ‘yun, e wala namang alam sa buhay ‘yan.” 

Nagawi ang tingin nila sa bunsong kapatid. Tahimik lamang itong nakaupo at nagmamasid sa dalawang kapatid na nagpapayabangan.

Naputol ang pananahimik nito nang mapunta dito ang atensiyon na lahat.

“Ako?” Turo nito sa sarili habang namimilog ang mata.

“Bakit naman hindi ko ikokonsidera ang kapatid niyo? Pantay-pantay ang tingin ko sa inyo dahil pare-pareho kayong anak ko,” nakakunot ang noo ng padre de pamilya dahil sa diskriminasyon sa bunsong anak. 

Hindi naman nakapagsalita ang dalawa. Napahiya sa tinuran ng ama. 

“Ipapaalam ko sa inyo kung anong desisyon ko sa susunod na linggo. Gusto ko masigurong kung sino ang nararapat ang magpapatuloy ng ospital na itinayo pa ng lolo niyo.” Pagtatapos ng don sa meeting nilang iyon.

Sa isip ng don ay nabuo ang isang magandang plano.

Kabubuhos lang ng malakas na ulan nang makauwi si Cesar sa kaniyang malaking bahay. Sinalubong siya ng kaniyang asawa ng dakdak.

“Gabing-gabi ka na naman! Nambabae ka na naman, ano?” Matalas na sikmat nito, tila sinasabayan ang nagpupuyos na panahon.

“Sinabi ko naman sa’yo, pinatawag kami ni papa! Makikinabang ka rin naman dun kung sakaling sa akin mapunta ang ospital, kaya ano bang ikinagagalit mo?” Matapang na sagot ni Cesar sa babae. 

Pero hindi nagpatinag ang babae. “Tigilan mo nga ako! Kilalang kilala–” 

Naputol ang sagutan nila nang malakas at sunod-sunod na pagkatok. 

“Tao po! Tao po!”

Iritadong pumunta si Cesar para pagbuksan ang bisita.

“Sino ho kayo?” Bungad niya sa matandang basang-basa ng ulan. Marungis ang suot nito, at may pasan na mga tila gamit na ibinalot sa isang lumang kumot. 

“Hijo… baka naman maari akong makisilong. Napakalakas ng ulan, at hirap na hirap akong magpatuloy sa paglalakad dahil napakalakas ng hangin at napakalamig.

Tiningnan nito ang matanda mula ulo hanggang paa bago walang kurap na ipinagtabuyan ang matanda, kahit na patuloy ang pagmamakaawa nito. 

“Anong palagay mo sa bahay ko? Hotel? Hindi ako nagpapapasok ng pulubi rito!” Walang awa pa niyang sigaw habang sinisiguro na aalis ang matanda.

Ang misteryosong matanda ay mabilis na naglaho sa dilim. 

Samantala, nasa kasarapan naman ng panonood ng telebisyon ang pamilya ni Manuel. Nagsasalo sa isang malaking mangkok ng popcorn at soft drinks ang mag-anak, na kakatapos lamang maghapunan. 

Masaya silang nagtatawanan nang tumunog ang kanilang doorbell, hudyat na may tao sa labas. 

Hininto ng maybahay ni Manuel ang palabas nang tumayo ang padre de pamilya upang silipin ang taong dumating.  

Isang marusing na matanda ang kaniyang napagbuksan. 

Kunot noong tinanong niya kung anong kailangan nito.

“Hijo, makikisilong lang sana ako, kung maaari… Baka pwedeng makahingi na rin ako ng kaunting makakain,” pakiusap ng kaawa-awang matanda na tila bigat na bigat na rin sa dala nitong mabigat at tagpi-tagping bag. 

Nakaramdam naman ng inis si Manuel. Hindi maaring makatapak ang matanda sa loob ng kanilang dahil marusing ito at mabaho. Baka mahawa pa ng sakit ang mga anak niya.

“Umalis na ho kayo, waka akong ekstrang pagkain na pwedeng ibigay sa inyo,” walang gatol niya sinabi sa pobreng matanda.

Tila maiiyak naman ito. “Hijo, maawa ka naman sa akin, malaki naman ang bahay mo at maganda. Baka naman kahit tira-tira ay maari mo akong pagbigyan,” pakiusap pa nito.

Ngunit matigas na pagtanggi pa rin ang nakuha nito mula kay Manuel. “Umalis na ho kayo kung ayaw niyong magtawag ako ng pulis.”

Sa sinabi ni Manuel ay tila natakot ang matanda at paika-ika ngunit mabilis na naglakad palayo. 

Ang matanda naman ay patuloy na naglakad habang malakas ang ulan. Diretso ang lakad nito, na tila sigurado na ang destinasyon. Bahagya itong ngumiti nang matanaw ang isang malaking bahay na bukas ang mga ilaw. 

“Tao po! Tao po!” Malakas na pagtawag ng matanda. 

Pinagbuksan naman siya ng isang binata. Namimilog ang mata nitong nagtanong sa matanda. Mababakas agad ang habag sa gwapo nitong mukha. 

“‘Tay! Bakit ho kayo nasa ulanan?” Nabiglang tanong nito sa matanda. 

Bago pa man siya dito magsabi ay agad siya nitong pinapasok sa marangyang bahay. 

“Hijo, naglalakad kasi ako pauwi pero naabutan ako ng malakas na ulan,” paliwanag ng matanda. 

“Naku, baka ho magkasakit kayo niyan, sandali at kukuha ako ng tuwalya!” Walang pag-aatubiling tumakbo ito kung saan upang ikuha siya ng kaniyang kailangan. Pagbalik ng binata ay may dala pa itong umuusok na kape bukod sa tuyong tuwalya at damit. 

Malugod na pinagsilbihan ng binata ang pobreng matanda. Hinainan pa siya nito ng masarap na pagkain. 

“Hijo, alam mo ba na ikaw ang kauna-unahang nagpatuloy sa akin? Grabe ‘yung dalawang nauna, ipinagtabuyan ako,” nakangiwing kwento ng matanda habang maganang kumakain. 

“Ho? Sa ganitong panahon?” Gulat naman ang binata sa nalaman. Hindi nito maintindihan kung paano nagawa ng mga itong ipagtabuyan ang nakakaawang matanda. 

“Oo, hijo. Kaya maraming salamat sa iyo. Ano bang pangalan mo?” Usisa ng matanda.

“James ho. Kayo ho, anong pangalan niyo?” 

“Tawagin mo akong Tatay Arnaldo. Maraming salamat, James. Nawa ay bumalik sa iyo ang kabutihang ginawa mo.” 

Matapos tumila ang ulan ay nagpaalam din ang matanda. 

Inimbita ni James na doon na magpalipas ng gabi ang matanda subalit tumanggi ito, dahil may tatapusin pa raw ito, bagay na naging palaisipan kay James. 

Matapos ang gabing iyon, muling nakatanggap ang magkakapatid ng tawag mula sa kanilang ama.

“Hindi ako ang magdedesisyon kung kanino mapupunta ang ospital.” Wika nito, bagay na nagpagulat sa kanila. 

“Ha? Kung ganun ‘pa, sino?” Takang tanong kaagad ni Manuel.

“Isang malapit na kaibigan na labis kong pinagkakatiwalaan.” May misteryosong ngiti sa labi ng kanilang ama nang muli itong magsalita. 

Sakto namang bumukas ang pinto at iniluwa nito ang isang matandang sa tingin nila ay kaedad ng kanilang ama.

Namilog ang mata ng magkakapatid nang makilala ang matanda. 

“Siya si Dr. Arnaldo Guerrera, ang direktor ng ospital at isa sa aking mga pinagkakatiwalaang kaibigan.” 

“Ang matandang pulubi!” Magkapanabay na wika nina Manuel at Cesar.

“Tatay Arnaldo!” Masayang sigaw naman ni James, na ikinangiti ng kanilang ama.

Agarang lumapit ang doktor sa pinakabata ang tinapik ang balikat nito.

“Siguro naman ay may ideya na kayo kung anong nangyayari, ano? Sinubok ko kayo upang malaman kung sino ang pinaka-may puso para sa mga mahihirap at naaapi, at isa lamang ang nagtagumpay.” Nilingon ng kanilang ama ang kaibigang doktor.

“Sa tingin ko ay maipagpapatuloy ng bunsong anak mong si James ang napakagandang mithiin ng ospital, Antonio,” nakangiting wika ni Arnaldo kay Don Antonio.

Ang dalawang nakatatandang anak ay tigagal lamang at hindi makaimik. Alam kasi nila na talo sila.

Gulat naman si James sa takbo ng pangyayari ngunit masaya siya sa desisyon ng ama. Mahalaga rin kasi sa kaniya ang ospital, dahil malapit ang puso niya sa mahihirap.

“Pangako, papa, ipagpapatuloy ko ang nasimulan niyo ni lolo. Hindi kayo magsisisi ni Tatay Arnaldo,” maligayang pangako niya sa ama. 

Higit sa lahat, masaya si Don Antonio dahil malaki ang tiwala niya na tutuparin ng kaniyang bunsong anak ang pangako nito.

More Stories