Kinakahiya ng Binata ang Nag-iisang Kapatid na Babae Dahil sa Itsura Nito; Laking Pagsisisi Niya nang Malamang may Kinalaman Siya sa Kalagayan Nito

“Dolly, darating ang bagong nobya ko. Pakiusap h’wag ka munang lalabas ng kwarto mo! Ayaw ko na makita kang narito sa labas. Baka kung ano pa ang isipin no’n sa akin,” sambit ni Mel sa kaniyang bunsong kapatid.

“Sige, kuya,” nakayukong tugon ng dalaga.

May diperensiya kasi sa itsura itong si Dolly. Kupi ang kalahating mukha nito kaya ganoon na lamang ang hiya na nararamdaman ni Mel sa tuwing makikita ng kaniyang mga kaibigan o mga naging nobya ang kaniyang bunsong kapatid. Wala silang tigil sa pagtatanong kung ano ang nangyare sa dalaga. Ang iba ay nawiwirduhan din sa itsura ni Dolly at madalas na mailang kung nakikihalubilo ito.

“Sobra ka naman sa kapatid mo, Mel. Bakit kailangang hindi siya lumabas sa kaniyang silid dahil lang pupunta dito ang nobya mo?” inis na pagsita ni Aling Remy sa kaniyang panganay na anak.

“Ma, natatandaan n’yo naman, ‘di ba, kung ano ang nangyari sa huling kasintahan na dinala ko dito. Takot na takot siya kay Dolly!” paliwanag ng binata. 

“Napakatagal kong nag-move on dahil hindi niya tinanggap ang alok kong kasal. Dahil ang akala niya ay malaki ang pag-asang maging kamukha ni Dolly ang magiging anak namin dahil nasa lahi raw natin ito. Ano ba kasi ang ginawa niyo d’yan kay Dolly habang pinagbubuntis n’yo at nagkaganyan ‘yan?” sambit pa ni Mel. 

“Tigilan mo ang mga sinasabi mo! Hindi ko rin naman mapapayagan ang lapastangang babae na ‘yon na maging parte ng pamilya natin dahil lang sa pang-aalipusta niya sa itsura ng kapatid mo. Bakit kasi hindi ka humanap ng isang babaeng tatanggapin ang kalagayan ng kapatid mo ng buong-buo?” ngitngit ng ina. 

“Kung tuluyan pala akong mawawala ay kawawa ang kapatid mo dahil hindi mo rin siya magagawang ipagtanggol at protektahan mula sa ibang taong puwedeng manakit sa kaniya. Ang pinakamasakit pa doon ay kabilang ka sa mga iyon, anak,” dadag pa ni Aling Remy na labis ang sama ng loob sa panganay na anak. 

Advertisement

Narinig ni Dolly ang lahat ng usapan ng kaniyang ina at kapatid. Masakit man sa kalooban ng dalaga ang ginagawang pagtanggi sa kaniya ng kaniyang sariling kuya ay hindi niya ito pinapahalata sa ina sapagkat ayaw niyang masaktan ang kalooban nito. 

“Ma, sa totoo lang din naman po ay ayaw kong makihalubilo sa kahit sino. Mas ayos po ako sa silid ko at mas magiging masaya pa ako kung makakasama ko kayo sa silid n’yo. Kayo lang naman ang gusto ko talagang makasama at hindi ibang tao,” masayang paglalambing ni Dolly sa kaniyang ina. 

“Napakabait talaga ng puso mo, anak. Hindi ko alam kung bakit hindi nila makita ang ganda ng damdamin mo sa kabila ng itsura mo. Ginintuan ang puso mo, anak. Hindi ako nagsisisi na ikaw ang naging anak ko!” sabay yakap ng ina sa dalaga.

Dumating ang araw na sinasabi ni Mel sa kaniyang kapatid. Nang makita ni Dolly na nariyan na si Rachel, ang bagong kasintahan ng kapatid ay hindi na ito lumabas pa ng silid. Dahil ayaw niyang mag-away sila ng kaniyang kuya at magkaroon na naman ng tampuhan sa paggitan nito at ng kaniyang ina ay pilit na ginawa ng dalaga ang lahat upang makaiwas na makita siya nito.

Ngunit isang araw ay hindi akalain ni Dolly na doon natulog ang kasintahan ng kapatid at nagkita sila isang gabi sa kusina.

Tulad ng kaniyang inaasahan ay nabigla ang babae sa kaniyang itsura at napasigaw ito.

“H-h’wag kang matakot. Hindi ako halimaw. Kapatid ako ni Kuya Mel. Parang awa mo na, huwag kang magagalit sa kaniya kung hindi niya ako pinapakilala sa’yo dahil ako mismo ang may kagustuhan noon,” pakiusap ni Dolly sa babae. 

“P-patawad. Hindi ganoon ang dapat na inasta ko sa iyo,” paumanhin ni Rachel. Napayuko na lamang si Dolly.

Advertisement

“Sa tagal nang pagpunta ko dito ay pilit mong tinatago ang sarili mo? Bakit hinahayaan ni Mel ang ganitong bagay?” pagtataka ni Rachel.

“Parang awa mo na, huwag na huwag mong sasabihin sa kuya ko na nagtagpo tayo,” pakiusap ni Dolly.

“Huwag kang mag-alala, ngayong alam ko na ang lahat ay hindi mo na kailangang itago ang sarili mo,” saad ni Rachel.

Agad na sinabi ng dalaga ang kaniyang natuklasan sa kaniyang kasintahan. Hindi pa man tapos magpaliwanag si Rachel ay dali-dali nang sinugod ni Mel ang kaniyang kapatid sa silid nito.

“Hindi ka talaga marunong pakiusapan, ‘no? Anong parte sa huwag kang lalabas ang hindi mo maintindihan?” galit na sigaw ni Mel. 

“P-pasensiya ka na, kuya!” paghingi ng despensa ni Dolly.

“Tama na iyan, Mel. Wala namang ginagawang masama si Dolly. Sa katunayan nga ay nais ko pa siyang makilala. Huwag mo na siyang pagsalitaan ng ganiyan!” pigil ng nobya.

Ngunit patuloy pa rin sa pagsasalita ng masasakit itong si Mel sa kaniyang bunsong kapatid hanggang hindi na nakapagpigil pa ang ina nito. 

Advertisement

“Tama na ‘yan, Mel! Tigilan mo na ang pang-aalipusta sa kapatid mo dahil sa totoo lang dapat ay ikaw ang sisihin sa nangyari sa kaniya!” wika ng ina.

“A-anong ako ang may dahilan? Hindi ba ay ipinanganak n’yo na siyang ganiyan?!” sambit ni Mel.

“Matagal naming inilihim ito ng papa mo sa inyo dahil ayaw naming magkaroon ng kahit anong masama na mamagitan sa inyong magkapatid. Ayaw naming lumaki kang may pagsisisi sa ginawa mo sa kapatid mo at maapektuhan nito ang buhay mo. Sa kabilang banda ay ikaw ang nagbibigay ng sama ng loob sa kapatid mo, Mel!” sigaw ng ina. 

“Batang-bata ka pa noon at napakalikot mo. Ilang beses kitang sinasabihan na huwag kang lalapit sa kapatid mo at huwag kang maglilikot sa kwarto. Ngunit dahil bata ka pa at hindi nakakaunawa ay pilit mo pa ring ginawa ang iyong gusto. Umakyat ka sa aparador upang silipin ang kapatid mo ngunit sa kasamaang palad ay bumagsak ito at ang mga ibang nakalagay dito ay tumama sa ulo ng kapatid mo,” pag-amin ng ina. 

“Naging kritikal ang kondisyon ng kapatid mo. Napakatagal niya sa ospital. Awa ng Diyos ay naisalba ang buhay niya ngunit iyan ang naging kapalit. Mel, hindi namin sinabi sa iyo ng papa mo sapagkat ayaw naming sisihin mo ang sarili mo balang araw. Ngunit ngayon, sumusobra ka na!” dagdag pa ni Aling Remy. 

Lubusan na ikinagulat ni Mel ang katotohanan. Hindi niya akalain na ito pala ang tunay na nangyari. Lubha ang kaniyang pagsisisi at paghingi ng tawad sa lahat ng kaniyang nagawa sa bunsong kapatid. 

Dahil na rin nakita ni Rachel ang tunay na ugali ng nobyo ay mas minarapat nitong makipaghiwalay dito.

“Kapatid mo siya. Ikaw ang unang dapat magmamahal at magtatanggol sa kaniya sunod sa iyong mga magulang. Paano mo ako magagawang mahalin ng totoo kung hindi mo nga iyon maibigay sa sarili mong kadugo?” sambit ng dalaga. 

Advertisement

Natauhan si Mel sa lahat ng kaniyang pagkakamali. Dahil sa kaganapan na iyon ay ipinangako niya sa kaniyang sarili na hindi na muling masasaktan pa si Dolly. Gagawin niya ang lahat upang maprotektahan ang kaniyang kapatid.