Lagi na Lamang Hindi Natutuloy ang Date ng Magkasintahan kaya Naghinala na ang Nobya; Ito Pala ang Tunay na Dahilan

Lagi na Lamang Hindi Natutuloy ang Date ng Magkasintahan kaya Naghinala na ang Nobya; Ito Pala ang Tunay na Dahilan

InspiringLoveStories

Para kay Lucas, tila isang suntok sa buwan kung mapapaibig niya ang matagal na niyang sinisintang si Angel. Sikat kasi ang dalaga sa kanilang unibersidad. Sino ba naman kasi ang hindi mahuhumaling sa dalaga? Bukod kasi sa taglay nitong kagandahan ay matalino ito at idagdag pa riyan ang buti ng kaniyang kalooban. Kaya ganoon na lamang ang dami ng manliligaw ng dalaga. 

Ngunit hindi na mapapahintulutan pa ni Lucas na mabihag pa muli ng iba si Angel. Sa pagkakataong ito ay nagdesisyon na siya na aminin na sa dalaga ang tunay niyang nararamdaman at hingin ang pahintulot nito upang umakyat ng ligaw. 

“Sa totoo lang, Lucas ikaw lang naman talaga ang inaantay kong magsabi sa akin ng nararamdaman mo,” sambit ng dalaga. 

“Hindi man halata sa akin ngunit matagal na rin akong may gusto sa’yo,” nahihiyang pag-amin ni Angel. 

Matapos ang ilang buwang panliligaw ay sinagot na siya ng dalaga nang tuluyan. 

Naging maayos ang simula ng relasyon ng dalawa. Kahit na hindi ganoong katanyag si Lucas tulad ni Angel sa kanilang unibersidad ay pinatunayan niya sa kasintahan na siya ang karapatdapat. 

“Malapit na ang ika-isang anibersaryo natin, love. Ano kaya ang magandang gawin natin?” wika ni Angel sa kaniyang kasintahan. 

“Ikaw, ano ba ang gusto mo? Saan mo gusto?” tugon ni Lucas. 

“Sige, pag-iisipan ko ‘yan. Pero bukas, tuloy ba tayo sa mall?” tanong ng kasintahan. 

“Ayun nga pala ang sasabihin ko, babe. P’wede sa susunod na lang?” saad ng nobyo. 

“P-pero diba sabi mo sa akin noong nakaraang linggo ay sa susunod na lang din ulit?” pagtangis ni Angel. 

“M-may inuutos kasi sa akin ang mama ko. Kailangan ko lang gawin. Pasensiya ka na. Sa susunod na lang talaga, pangako ko ‘yan sa’yo,” paliwanag ni Lucas. 

Ngunit nang sumunod na linggo ay hindi na naman napaunlakan ng binata ang paanyaya ng kaniyang kasintahan. Lubusan na itong pinagtatakhan ni Angel. 

“Hindi naman siya ganoon dati,” wika ni Angel sa kaniyang matalik na kaibigan na si Gail.

“Wala ka bang ibang napapansin pa sa nobyo mo? Katulad nang may iba siyang laging kausap, ganoon?” tanong pa ng kaibigan. 

“Madalas lang talaga siyang abala. Minsan nga ay hindi na niya ako nahahatid. Madalas din ay nagmamadali siyang makauwi. At minsan pa ay may kausap siya tapos bigla na lang siyang aalis. Sabi niya mama daw niya ‘yun,” saad ni Angel. 

“Naniwala ka naman?!” sambit ni Gail. 

“Ang lalaki basta mahal ka hindi ‘yan bigla na lang magbabago ng ganoon. Lalo pa at mag-aanibersaryo na kayo. Sa bagay –” dagdag pa ng dalaga. 

“Anong sabagay?” tanong ni Angel. 

“Ganiyan naman talaga ang pag-ibig. Sa una lang talaga matamis – masaya at masarap. Siyempre habang bago pa ang relasyon niyo sabik na sabik kayo makasama at makilala ang isa’t isa. Pero habang tumatagal baka nagsasawa na… naghahanap na rin ng bago,” paliwanag ng kaibigan. 

“Ano ang pinupunto mo, bes? May ibang babae si Lucas?” malungkot na tanong ng dalaga. 

“Hindi ko alam, bes. Pero p’wedeng isa ‘yan sa mga dahilan, bes,” tugon ni Gail. 

Dahil sa pag-uusap na iyon ay hindi na nawala sa isip ni Angel na baka nga may iba na ang kaniyang kasintahan kaya minabuti niyang manmanan ito. Akma naman sapagkat tulad ng mga nakaraang araw ay hindi na naman natuloy ang pagpunta nila sa mall at nagpaalama kaagad ang binata sapagkat may pinapagawa na naman daw ang kaniyang mama sa kaniya. 

Agad na hiningi ni Angel ang tulong ng kaibigang si Gail upang sundan si Lucas. Hindi siya namakapaniwala na nagpunta ito sa isang parke at doon ay may kausap na babae. 

Napuno ng sama ng loob si Angel. Kahit pala inaasahan na niya na ito ang kaniyang makikita ay iba pa rin kung makita mo ng personal na ang nobyo mo ay may kinakatagpong iba. 

Hindi na nakapagpigil pa si Angel at agad na pinuntahan si Lucas at kinompronta ito. 

“So, ayan na pala ang mama mo? Siya pala ang dahilan, Lucas kaya nanlalamig ka na sa akin,” wika ng umiiyak na si Angel. “Sana sinabi mo na lang kaagad sa akin, Lucas, hindi ‘yung sa ganito ko pa malalaman,” patuloy sa pagtangis ang dalaga. 

“A-anong ibig mong sabihin, Angel? Akala mo ba ay babae ko itong si Haydee?” sambit ng natatawa at nahihiyang binata. 

“Angel, nahihiya kasi akong aminin sa’yo. Pero kasi, umekstra akong photographer dito sa parke at si Haydee ang boss ko. Patawarin mo ako kung hindi ko agad to nasabi sa’yo at kung sa palagay mo ay nanlalamig ako. Gusto ko kasing makaipon ng malaki para sa darating na anibersaryo natin. Gusto kong maibigay ang gusto mo upang hindi mo ito makalimutan!” paliwanag ni Lucas. 

Nabigla ang dalaga at nahiya sa kaniyang mga nasabi. Hindi niya kasi akalain na ito pala ang dahilan ng kaniyang kasintahan. Lubusan siyang napaiyak. 

“W-wala naman akong gustong kahit anong regalo. Hindi ko naman din gusto na kumain pa tayo sa mga mamahaling restawran. Lucas, makasama lang kita sa araw na iyon ay sapat na sa akin!” sambit ng dalaga. 

Tinapos ng isang mahigpit na yakap ang tampuhan ng magkasintahan. Mula noon ay hindi na sila naglihim sa isa’t isa. Napuno ang kanilang relasyon ng tiwala at pagmamahalan. 

More Stories