Karma ng Ganid na Kapitan!

“Gimo, dalhin na natin sa ospital si Teresa! Inaapoy na ng lagnat ang anak natin!” mangiyak-ngiyak na hiyaw ni Aling Sita sa asawang si Mang Gimo.

“S-sige, tatawag lang ako ng tricycle sandali,” taranta at may pagkatuliro namang sagot ni Mang Gimo bago nagmamadaling lumabas ng bahay.

Matapos ihatid ni Mang Gimo ang kaniyang mag-ina sa ospital ay namomroblema siyang agad ding umuwi, upang gumawa ng paraan para makadilihensiya ng pera. Gustuhin man niyang manatili sa tabi nila ay hindi naman maaari dahil wala silang ibabayad sa ospital o maibibili ng gamot ng anak na dalawampung taong gulang, kung hindi siya kikilos, lalo paʼt ayon sa doktor na sumuri sa anak nilang si Teresaʼy malala raw ang kalagayan ng bata.

“Magandang gabi saʼyo, Gimo.” Hindi pa man nakapapasok ng bahay ay bumungad na kay Gimo ang makisig na pigura ng bagong halal na kapitan ng kanilang baranggay.

“Kap? Napadalaw ho kayo, halina ho kayo sa loob,” nagtataka man ay alok ni Mang Gimo rito.

“Naku, hindi na. Sinadya lamang naman kita rito para sabihing… kailangan nʼyo nang umalis dito sa lupa ni Kulas. May balak na kasi kaming bilhin ito para pagtayuan ng eskuwelahan,” nakabibiglang sabi naman ng kapitan kay Mang Gimo.

“A-ano ho?!” Agad na nag-init ang ulo ni Mang Gimo sa narinig. Napataas ang kaniyang tinig. “Hindi ho pupuwede ʼyan! May usapan kami ni Kulas! Isa paʼy marami kaming nakikitirik ng bahay sa lupang ʼto. Kami na ang nangalagaʼt nagtambak nito para maging maayos!”

“Tama ang narinig mo, Gimo. Bibigyan na lang namin kayo ng labing limang araw para makapagbalut-balot. Pasensiya ka na, pero hindi na valid ang anumang naging usapan ninyo ni Kulas, dahil sumakabilang buhay naman na siya, hindi ba? Isa paʼy nasabihan ko na rin ang lahat ng kasamahan mo tungkol dito,” sagot ng kapitan na hindi kababakasan ng simpatya ang mukha.

Advertisement

“May sakit ho ang anak ko, Kap. Nasa ospital pa! Pakiusap ho, ʼwag ninyong gawin sa amin ʼto!” Halos maglumuhod si na si Gimo sa pagmamakaawa.

“Wala ka nang magagawa. Oras na umuwi mula sa ibang bansa ang anak ni Kulas, magpipirmahan na kami ng kontrata. Sumunod na lang kayo, Gimo, sampu ng mga taong nakikitira rin dito sa lupa ni Kulas, upang hindi na magkaroon pa ng gulo.”

Naiwang namumroblema si Kulas, nang tuluyan nang umalis ang kapitan.

Samantala, ngingisi-ngisi naman si Kapitan Toto habang nakasakay sa magara niyang sasakyan pabalik sa kanilang bahay. Wala siyang pakialam sa naging pagmamakaawa ni Gimo kanina nang sabihin niya ang balita rito. Ang alam niya lang ay malaking pera ang makukuha niya, oras na mabili na nila ang lupa. Ngayon pa lang ay nangangati na ang palad niyaʼt hindi na makapaghintay na hawakan ang perang makukurakot niya mula sa pondo ng itatayong paaralan.

Natupad ang utos ng ganid na kapitan. Makalipas ang labing limang araw ay linis na ang lupaing pinagkakainteresan niya, dahil wala na roon ang mga kabahayang dating nakatayo roon. Hindi pa man ay naglabas na siya ng malaking halaga ng pera upang ipa-demolish ang naturang mga kabahayan at pinabakuran ang lupain ni Mang Kulas. Tutal ay pirmahan na lamang naman ang kulang upang mapunta na sa pangalan niya ang lupa.

Sina Mang Gimo naman, kasama ang mga dating nakatira sa lupang iyon ay pansamantalang nagtayo ng mga kubu-kubuhan sa tabi ng ilog sa kanilang barangay upang may matuluyan. Nasa ospital pa rin ang anak nitong si Teresa at kasalukuyan siyang kumakayod upang may maitustos sa gastusin. Kaawa-awa ang kanilang kalagayan, ngunit walang pakialam ang salbaheng kapitan.

Isang linggo pa ang lumipas at napabalitang dumating na ang anak ni Mang Kulas mula sa ibang bansa. Ngunit ganoon na lang ang gulat ng kapitan, dahil hindi ito ang kaniyang inaasahan.

Ang kausap niya tungkol sa bilihan ng lupa ay ang pangalawang anak ni Mang Kulas na babae, ngunit ang dumating ay ang panganay na anak nitong lalaki! Hindi lang iyon, dahil hindi pabor sa kapitan ang bitbit nitong last will and testament umano ng kaniyang ama. Nakasaad kasi roon na ang lupang kinatitirikan ng bahay nina Mang Gimo at ng iba pang nakatira doon ay sa kanila na ipinamamana ni Mang Kulas bilang kabayaran sa pangangalaga nila sa naturang lupain.

Advertisement

Laking tuwa nina Mang Gimo nang puntahan sila ng anak ng kaniyang kumpadreng si Kulas, na kaniya nga palang inaanak upang ipaalam ang balita. Nag-alok pa ito ng tulong para sa pagpapaospital ng kaniyang anak na si Teresa.

Laglag naman ang balikat at halos sumayad na sa lupa ang panga ng kapitan nang malaman ang balita. Agad niyang kinausap ang panganay na anak ni Mang Kulas at sinubukang pantayan ng pera, ngunit mariing tumanggi ang binataʼt binantaang ipakukulong pa siya!

Matinding KARMA ang inabot ng kapitan. Nag-aksaya lamang siya ng pagod at pera dahil sa sarili niyang kasakiman! Ngayon ay sigurado na rin ang pagkatalo niya sa susunod na halalan.