
Ang Kalbaryo ni Mang Nolan
Hindi makapaniwala si Mang Nolan nang marinig ang balitang nasa ilalim na ang buong Pilipinas sa “Enhanced Community Quarantine” upang masugpo ang kumakalat na virus.
“Ano ba ang ibig sabihin noon?” tanong ni Mang Nolan sa kaniyang bunsong anak na si Peter, 10 taong gulang. Ang kaniyang panganay at ikalawang anak ay may sari-sarili nang pamilya at humiwalay na rin. Si Peter ay nag-aaral naman sa elementarya habang ang asawang si Aling Magda ay nakaratay sa banig ng karamdaman dahil sa diabetes. “Slightly blind” na rin ito.
“Tay, hindi na puwedeng lumabas ng bahay. Bawal na ang trabaho. Lahat, kailangang nasa loob ng bahay,” sagot ni Peter.
Nabahala si Mang Nolan. Paano na ang kabuhayan niya? Nagtitinda ng balut at penoy si Mang Nolan tuwing gabi. Sa araw naman, naglalako siya ng turon. Paminsan naman ay chicharon. Umeekstra rin siya bilang karpintero, tubero, tagalinis ng poso negro, agwador, at lahat ng klaseng patrabaho ay pinasok na niya upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Minsan, kung hindi man sapat, nagkukulang ang kaniyang pera sa mga gamot pa lamang ng kaniyang asawa. Mahal kasi ang mga gamot na kailangan nito. Hindi maaaring maantala ang pagbili at pag-inom nito. Bukod pa ito sa pagkain, bayad sa renta, bayad sa kuryente (na jumper lamang), at pambili ng tubig na inirarasyon lamang sa kanila.
Kinabukasan, maagang gumayak si Mang Nolan upang pumasok sa konstruksyong pinapasukan sa Quezon City upang kunin ang natitira niyang suweldo sa kanilang foreman. Subalit habang naglalakad, nagtataka siya dahil marami sa mga kapitbahay niya ang bumabalik.
Hinarang niya ang isang binatang call center agent sa Makati. Tinanong niya ito.
“Anong nangyari? Bakit pabalik ka iho?” tanong ni Mang Nolan. Wala siyang suot na face mask dahil wala silang pambili niyon. Medyo lumayo sa kaniya ang binata.
“May checkpoint po sa border ng San Jose Del Monte at North Caloocan. Mahigpit po sila. Kailangan po ng ID bago makalabas. Mamaya rin pong pagbalik,” sagot ng binata.
“Sige, salamat iho,” pagpapasalamat ni Mang Nolan.
Habang papalapit si Mang Nolan sa highway, nakikita niya ang mahabang pila at sala-salabat na iba’t ibang uri ng sasakyan sa border ng Bulacan at North Caloocan. Bukod sa mga sasakyan, makikita rin ang makapal na pila ng mga tao. Walang mayaman, walang mahirap. Lahat ay kinakailangan bumaba para sa check-up ng temperatura. Kapag mataas ang temperatura, hindi na pinapalabas.
Walang nagawa si Mang Nolan kundi makipila. Kailangan niyang makuha ang kakarampot na suweldo sa kanilang foreman. Wala siyang pang-load. Hindi niya sigurado kung may daratnan siya sa construction site. Sapat lang ang pera niya para sa pamasahe at pangkain. Subalit sa sitwasyon ngayon, hindi siya sigurado kung may masasakyan siya.
Narinig niya ang usap-usapan na kailangan daw munang magpakita ng government ID para mapayagang makalabas. Kinabahan si Mang Nolan. Wala siyang ID na maipapakita. Nagdadalawang-isip siya kung tutuloy pa ba siya. Subalit nananaig ang kaniyang kagustuhang makatawid upang makuha ang suweldo na maaari nilang magamit bilang pambili ng makakakain.
Nang sa wakas ay siya na ang iniinspeksyon, wala siyang maipakitang pruweba dahil wala naman siyang ID.
“Naku, pasensya na ho hindi kayo puwedeng lumabas,” sabi ng pulis. “Kailangan ho may ID.”
“Boss-tsip, eh… wala po akong ID, karpintero lang ho ako…” nangingiting katwiran ni Mang Nolan.
“Kung wala ho kayong ID puwede ho kayong kumuha sa barangay hall ninyo ng ID o kaya certificate. Sige na ho at mahaba pa ang pila,” pagtataboy sa kaniya ng pulis.
Hindi maunawaan ni Mang Nolan ang kaniyang mararamdaman. Pakiramdam niya ay pinagbagsakan siya ng langit at lupa. Agad siyang nagtungo sa barangay. Nilakad lamang niya ito.
“40 pesos po ang ID. 30 pesos po ang certificate,” sagot sa kaniya ng staff ng barangay hall.
Napapitlag si Mang Nolan. Kung kukuha siya nito, mababawasan ang kaniyang pamasahe. Hindi rin siya makakauwi. Hindi rin naman niya kasi sigurado kung may tao nga sa construction site at makukuha niya ang natitirang suweldo.
Lulugo-lugong bumalik si Mang Nolan sa checkpoint. Desperado na siya. Tinitigan niya ang mahabang pila sa checkpoint. Parang hindi umuusad. Parang hindi nauubos. Kailangan niyang makaisip ng paraan kung paano makakalabas. Bahala na…
Habang abala ang mga pulis at iba pang militar, kumaripas ng takbo si Mang Nolan. Matagumpay siyang nakalusot at walang lingon-likod na ipinagpatuloy ang paglagpas sa check point.
“Habulin ninyo! Habulin ninyo!” utos ng hepe. Nataranta ang mga tao. May ilang mga lalaki naman, na mahihinuhang nagtatrabaho rin sa construction, ang nagpulasan at nagsitakbuhan palabas ng checkpoint. Nagsimula silang habulin ng mga pulis at militar. Nagkagulo ang mga tao.
Hindi tumitigil sa pagtakbo si Mang Nolan. Wala na siyang pakialam kung hinahabol na siya ng mga pulis at militar. Ang mahalaga, makalagpas siya at makasakay ng dyip upang makarating sa construction site. Subalit naputol ang pagtakbo ni Mang Nolan nang isang putok ng baril ang pumailanlang.
Napahinto si Mang Nolan. Warning shot lang pala. Nasukol siya ng mga humahabol na pulis, kasama pa ang ibang mga lalaking nakitakbo rin at lumusot sa checkpoint. Dinala sa presinto at tinalian ng kandena na may mga kandado pa.
“Hindi ako kriminal! Maawa po kayo sa akin. Kailangan ko po ang pera ko! Kailangan ako ng pamilya ko!” umiiyak na pakiusap ni Mang Nolan.
Pinakawalan din si Mang Nolan at binigyan ng babala ng mga pulis na kapag naulit ang nangyari, tuluyan na siyang mapipiit.
“Ginagawa ng pamahalaan ang lahat para mailigtas kayo, tapos kayo itong pasaway! Sumunod na lang kayo sa mga utos,” sabi ng pulis na humuli sa kanila. Inilista ang kanilang mga pangalan bago pinakawalan at pinauwi.
Nabalita ang pangyayari sa telebisyon, radyo, at pahayagan. Naging laman ng mga balita si Mang Nolan. Trending din siya sa social media. Bumaha ang simpatya para kay Mang Nolan. Marami sa mga concerned netizen ang nakaisip ng paraan upang magbayanihan at magtulungan para kay Mang Nolan.
Ilang mga boluntaryo ang nagsadya sa bahay nina Mang Nolan upang ipaabot ang kanilang mga tulong para sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Hindi naman makapaniwala si Mang Nolan na magiging daan pa pala ang ginawa niya upang bumuhos ng tulong sa kaniya.
“Mahirap po ang maging mahirap. Lalo na po kapag may epidemya na katulad ng ganito. Pero mabuti na lamang po at may mga tao pa ring may busilak na puso na gaya ninyo. Maraming salamat po!” emosyunal na pagpapasalamat ni Mang Nolan sa lahat ng mga tumulong sa kaniya.
Naging dahilan tuloy ito ng pagpapalawig ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga mahihirap sa panahon ng pangangailangan at malalang karamdaman.