“Kaloy! Itaboy mo nga ‘yang aso na ‘yon! Nasa mga halamanan ko na naman! Dudumi’t iihi na naman ‘yan doon!” ‘ika ni Eliza sa kaniyang asawa nang makitang nakatambay na naman sa tapat ng kanilang bakuran ang isang asong kalye.
“Naku, hayaan mo na. Saka pampataba sa halaman ang dumi ng hayop! Huwag mo na pagbuntungan na naman ng galit ang aso, wala namang ginagawang masama sa’yo, eh,” sagot ng kaniyang asawang si Bino nang hindi man lang tumitingin sa kaniya at abala sa pagseselpon.
“Anong wala? Nangangamoy kaya ang dumi niyan! Kung ayaw mong paalisin, ako ang magpapaalis!” sambit niya saka nagtungo sa kusina at kumuha ng mainit na tubig. Biglang naalarma ang kaniyang asawa dito.
“Te-teka, anong gagawin mo?” tanong nito habang nakasunod sa likuran niya.
“Ano pa? Edi papaalisin yung aso!” sagot niya saka agad na binuhusan ng mainit na tubig ang asong nagpapahinga. Napaihit ang aso saka mabilis na tumakbo dahilan upang makuha ang atensyon ng mga kapitbahay nilang nakakumpol sa katapat nilang tindahan.
“Ano? May gagawin na naman kayong tsismis sa akin? Sasabihin niyo naman na isa akong walang pusong ginang dahil sa ginawa ko sa aso? Hala, sige, magpakalat kayo ng tsismis! Wala akong paki!” sigaw niya dahilan upang magbulungan lalo ang mga ito. Agad naman siyang hinila papasok ng bahay ng kaniyang asawa.
Pitong taon nang pamilyado ang ginang na si Eliza. Sa katunayan nga, mayroon na siyang pitong taong anak na babae. Ngunit kahit pa ganoon, tila hindi pa rin naaalis sa kaniya ang palagian niyang pagkainis sa aso.
Madalas mag-init ang kaniyang dugo kapag nakakakita nito. Labis kasing tumatak sa kaniya ang pangyayaring nagbigay sa kaniya ng matinding pagdurusa. Nakagat kasi siya noon ng aso sa kamay at tinubuan ito ng mga kulugo dahilan upang maging tampulin siya ng tukso sa kanilang paaralan noon. Labis ang kalungkutan at kahihiyan niya noon dahilan upang ganoon na lamang siya manggalaiti sa lahat ng asong nakikita niya.
Madalas, iniiwas niya rin ang kaniyang anak sa mga aso. Lagi niyang tinataboy ang mga asong mapapatambay sa tapat nila gamit ang walis tingting o kung hindi nama’y gamit ang tubig mainit dahilan upang tawagin siyang “mapangahas na ginang” ng kanilang barangay.
Kinabukasan, maaga siyang nagising upang asikasuhin ang kaniyang anak sa pagpasok sa paaralan. Nagluto siya ng sinangag at tapa ngunit pagdaan niya sa kanilang bintana sa kusina, napatingin siya sa kaniyang bakuran at nakita na namang andoon ang aso sa tapat nila. Dali-dali siyang kumuha ng mainit na tubig pangtaboy dito. Ika niya, “Masusorpresa ka na naman sa init na dala-dala ko! Yari ka sa’kin!”
Ngunit nang mapadaan siya sa sala kung saan niya iniwang nanunuod ang kaniyang anak, wala na ito doon at tila bahagya nang nakabukas ang kanilang pintuan. “Chelsea? Chelsea!” tawag niya dito siya lumabas ng kanilang bahay.
Kitang-kita niya kung paano tumawid ang kaniyang anak papunta sa asawa niyang nasa katapat ng tindahan at may isang sasakyang rumaragasang siguradong babangga sa kaniyang anak.
Wala na siyang nagawa kundi mapasigaw at mapapikit. “Chelsea, anak ko!” hikbi niya saka siya nakarinig ng pagbangga. Mangiyakngiyak niyang iminulat ang kaniyang mga mata at laking gulat niya nang makitang karga-karga na ng kaniyang asawa ang anak nila. Hinanap niya ang sasakyan at tila sumalpok ito sa isang poste. Hindi naman kalayuan, nakita niyang nakabulakta na ang asong dapat ay itataboy niya kanina.
Mangiyakngiyak niya itong nilapitan, agad naman siyang pinuntahan ng asawa kasama ng kanilang anak. “Mabilis siyang tumakbo saka nilundagan si Chelsea upang huwag masagasaan,” sambit ni Bino habang pinapatahan ang kanilang anak. “Dalhin natin siya sa beterinaryo,” hikbi niya.
Dinala nga nila ang naghihingalong askal sa pagamutan ng mga aso. Sa kabutihang palad naman, hindi ito masyadong napuruhan. Labis ang saya ni Eliza nang makitang dumilat na muli ang asong nagligtas sa buhay ng kaniyang anak.
Doon na niya napagtantong hindi porket nasaktan siya ng isang aso, lahat na ng aso ay ganoon. Labis siyang nakonsensya sa kaniyang mga inasal sa aso, sa lahat ng mga paso nitong siya ang dahilan, sa mga sugat bunsod ng kaniyang hampas, ngunit sa kabila ng lahat ng ‘yon, nagawa pa rin nitong iligtas ang kaniyang anak dahilan upang magpasiya siyang ampunin ito at alagaan.
Ganoon na lamang ang tuwa ng kaniyang asawa dahil sa wakas, nabago na ang kaniyang pagtingin sa mga aso. Tila naturuan siyang pagpatawad ng asong ito at maging mas mabait na tao.
Simula noon, lubos niya ngang inalagaan ang naturang aso na para bang isa niyang anak. Pinapakain niya sa oras, pinapaliguan, binebendahan ang mga sugat at iginagala kung saan-saan. “Ang saya palang magkaroon ng isang alagang aso, bukod sa may tagabantay na sa bahay, may kalaro pa kami ng anak ko!” sambit niya, isang araw habang masaya silang nag-picnic sa Tagaytay.
Kapag talaga natuto tayong magpatawad at maging mabuting tao, tunay na saya mula sa puso ang ating mararamdaman. Nawa’y huwag nating ipagdamot ang kasiyahan at maalwang buhay na nararapat ring maramdaman ng mga hayop sa paligid. Tulad natin, karapatan rin nilang mabuhay ng mapayapa.