
Ang Misteryosong Bestida
“Uy bes!” nagulantang si Jade sa biglaang pagsigaw at malakas na pagpalo sa kanya ng kanyang kaibigan.
“Ano na naman ba ang kailangan mo, Nori?” pagrereklamo naman ni niya dahil sa pang-iistorbo sa kanya ng kaibigan niya habang nag-aaral.
“Bes, nabalitaan mo ba na may bagong bukas na ukay-ukay diyan sa may kanto?” Balita sa kanya ng kaibigan at mukhang excited na excited. Mahilig kasi ito sa mga ukay-ukay. Kasi bukod daw sa mura, marami daw magagandang damit doon na bagay na bagay sa “fashion” nito.
Napatigil si Jade dahil sa tinuran ng kaibigan. May alaala na dumaan sa kanyang isipan. Naalala ang laging sinasabi ng kanyang nanay. Mapaniwalain kasi ito sa mga pamahiin. “Hindi dapat tinatangkilik ‘yang mga ukay-ukay na ‘yan dahil hindi mo naman alam kung saan galing ‘yang mga binebenta nila. Hindi mo alam, pat*y na pala ang may-ari nang mga ‘yan.”
Napangiwi siya sa naalala pero sinarili niya ang naisip dahil hindi naman siya naniniwala sa mga pamahiin, at ayaw niyang takutin ang kaibigan.
“Iyon ba yung malapit na sa kakahuyan?” Pagka-klaro ni Jade sa tindahan na tinutukoy ng kaibigan dahil nadaanan niya ito bago pumasok. Hindi maganda ang unang impresyon ni Jade sa tindahan na iyon dahil sa dalawang dahilan.
Una, ito lamang ang nakatayong tindahan sa may tabi ng kakahuyan at iniisip niya kung bakit naman doon napili ng may-ari na itayo ang tindahan. Pangalawa ay dahil sa walang kakulay-kulay at kadise-disenyo kaya naman hindi ito kapansin pansin.
“Hoy, bes! Narinig mo ba ang sinabi ko? Ano, sasamahan mo ba ko? Nauubusan na kasi ako ng masusuot sa school eh, sige na please?” Napapitlag siya nang pabiro siyang tinampal ng kaibigan na nagpabalik sa kanya sa reyalidad.
Wala namang nagawa si Jade kundi magpatianod na lang sa kagustuhan ng kaibigan. “Sige sasamahan kita basta madali lang tayo doon, ha? Ayaw ni nanay na ginagabi ako.” Wala rin naman siyang gagawin pagkatapos ng klase.
“Oo na!” Masayang wika ng kanyang kaibigan.
Sabay silang tumungo sa ukay-ukay na sinasabi nito. Hindi niya na naman maiwasan kundi mapansin na tila walang kabuhay buhay ang bagong tayong ukay-ukay na iyon.
Napako din ang atensiyon siya sa tindero na kanina pa tulala at tila ay ‘di napansin ang pagdating nila. Pamilyar ito, at sigurado siyang nakita niya na ito noon.
Napapalatak si Jade nang maalala kung sino ang lalaki. Ito ang lalaking nawalan ng anak ilang linggo lamang ang nakalipas. Nakita niya ito sa burol ng anak nang napadaan siya sa may kanto na hindi naman malayo sa bahay nila.
Hindi niya maiwasang maawa sa lalaki dahil kita sa malulungkot na mga mata nito na hindi pa nito tanggap ang nangyari sa anak. Hindi nga lang alam ni Jade ang dahilan ng pagkamat*y ng anak nito.
“Hoy Jade! Ibibigay ko na sa’yo ‘to. Bagay na bagay ‘to sa’yo!” Narinig niya ang malakas na pagtawag ng kaibigan bago ibinigay sa kanya ang kulay rosas na bestida.
“Wow, jackpot tayo dito, Nori! Mukhang hindi pa nagagamit man lang!” Tuwang tuwa niyang saad sa kaibigan.
Hindi mapuknat ang tingin niya sa bestida. Kaya naman hindi niya na napansin ang paulit-ulit na pagtingin ng tindero sa bestidang hawak hawak niya.
Suot-suot ni Jade ang bestida sa araw na iyon. Pupunta kasi sila ni Nori sa mall. Nakatayo siya sa harap ng salamin at habang sinisipat ang sarili sa salamin, naisip niya na talaga nga na napakaganda ng bestidang suot niya.
Napalis ang kanyang ngiti nang maya maya ay nakaramdam siya ng kakaiba. Tila ba may nakatingin sa kanya na ikinataas ng kaniyang balahibo. Nilibot niya ang tingin sa silid na kinaroronan niya at agad na nakahinga nang maluwag nang walang kakaibang nahagip ang kaniyang mga mata.
Kahit nag-eenjoy kasama ang mga kaibigan, hindi nawaglit sa isipan ni Jade ang kakaibang pakiramdam.
Sa loob ng CR ng mall nang sandali siyang magpaalam sa mga kaibigan ay muli niyang naramdaman na tila may nakatingin sa kanya. Binilisan niya ang paghuhugas ng kamay, at agad na pumihit patalikod sa lababo upang lumabas.
Sa pagpihit niya ay bahagya siyang nagulat dahil muntik niya nang mabangga ang isang babae. Nagtaka pa siya dahil hindi niya namalayan ang pagpasok nito sa CR. Hihingi sana siya ng paumanhin subalit tila wala naman ‘yun sa babae, nakatingin lamang ito sa damit na suot niya, bagay na hindi niya na ikinagulat, dahil tlaga namang kapansin-pansin ito.
Akmang lalabas na siya ng CR ng marinig niyang nagsalita ang babae. “Ganyan pala ang magiging itsura kung nasuot ko pa ang damit na iyan. Sayang, hindi man lang ako nakapagpasalamat kay tatay. Napakaganda, hindi ba?”
Labis na ipinagtaka ni Jade ang mga salitang sinambit ng babae. Muli ay lumipat ang tingin niya sa damit na suot.
Ako ba ang kausap niya? Hindi siya siguradong patungkol sa kanya ang sinabi nito kaya naman nilibot niya ang paningin sa loob ng CR. Nang masigurong sila lamang ang tao doon ay nagpasya siyang sagutin ito kahit hindi niya maintindihan ang ibig nitong sabihin.
“Oo nga, magand—” Hindi niya na natapos ang sinasabi dahil paglingon niya ay wala na ang babae. Naglaho ito na parang bula. Kinilabutan siya at dali-daling kumaripas ng takbo palabas.
Nagpalinga-linga si Jade upang hanapin ang babae ngunit hindi niya na ito nakita.
“Jade!” Napapitlag siya nang maramdaman ang hawak ng kaibigan sa kanyang braso.
“Bakit namumutla ka?” Tanong nito. Kinuwento niya sa kaibigang si Nori ang nangyari. Takot na takot man ay kumbinsido din ito na may kinalaman ang bestida sa nangyari.
Dali-dali naman nilang dinala ang bestida sa ukay-ukay upang isauli ito. Naabutan nila ang lalaking nagbabantay.
“Hija, bakit mo isinasauli ito? Mukha pa namang bagay na bagay ito sa’yo.” Nagtatakang tanong ng lalaki, na sa unang pagkakataon ay narinig nilang nagsalita.
Kinuwento ni Jade ang nangyari sa lalaki at nang marinig nito ang istorya ay naglabas ito ng isang larawan mula sa wallet nito.
“Siya ba ang nakita mo, hija?” May malungkot na ngiti sa mga labi nito.
Minasdan niyang mabuti ang larawan. Hindi siya maaring magkamali, ito nga ang babaeng nakita niya.
“Nasaan na po siya? Isasauli ko po itong damit dahil mukhang ayaw niya mapunta sa iba.”
Doon na tumulo ang luha ng lalaki. At nagsimula itong magkwento. Binili pala nito ang bestida para sa anak nito. Graduation gift sana. Ngunit hindi ito na nagkaroon ng pagkakataon isuot ang regalo ng ama dahil pumanaw ito mula sa isang malagim na aksidente.
“Akala ko na kapag ibinenta ko ang mga gamit niya ay mabilis akong makakalimot. Pero hindi, hindi ko pa kayang tanggapin ang nangyari sa kanya. Napakabata pa niya, hija.” Napaluha na din ang magkaibigan dahil damang-dama nila ang pagtangis ng amang biglang nawalan ng anak.
“Kung hindi lamang siya nawala ay ang ganda-ganda niya siguro habang suot ito.” Pagpapatuloy ng lalaki habang lumuluha.
“Nagustuhan niya ho ang regalo niyo.” May malungkot na ngiti sa mga labi ni Jade.
“Talaga, hija?” Bahagyang nagkaroon ng buhay ang mga mata nito.
“Oho, sabi niya ay napakaganda raw nito. At maraming salamat daw ho sa maganda ninyong regalo.”
“Sa tingin ko ho, mas gugustuhin niya na kayo ang magtago ng damit na ito, bilang paggalang sa alaala niya.”
Tumango lamang ito habang yakap-yakap ang naiwang alaala ng anak.
Napayakap si Jade sa sarili nang may malamig na hanging tila dumampi sa kanyang pisngi. Hindi niya alam kung guni guni niya lamang ba o hindi, pero tila narinig niyang binulong ng hangin ang salitang “Salamat.”