Isang tahimik na umaga, maagang pumasok si Kapitan Filotimo sa kaniyang tanggapan. Nasa kalagitnaan pa rin ng krisis ang kanilang bayan dahil sa pandemyang kinatatakuhan ng lahat.
Kailangan niyang magsipag upang hindi magutom ang kaniyang mga nasasakupan, gayong kulang ang pondo ng kanilang barangay.
Nagkagulo sa loob ng barangay hall nang pumasok ang isang nanggaalaiting ale, kasama ang ilang kawani ng barangay habang hawak ng mga ito ang isang lalaking nangangayayat sa kapayatan at nangingitim ang balat.
“Anoʼng nangyari?” tanong ng kapitan sa isang tanod.
“Nahuli pong nagnanakaw sa grocery store ni Aling Virgy, Kap!” mabilis namang sagot nito.
“Gusto kong ipakulong iyan, Kap! Magnanakaw ʼyan!” hiyaw ni Aling Virgy na labis-labis ang galit sa nahuling kawatan.
“Kumalma muna tayo, misis. Sandaliʼt kailangan ko lang kunin ang panig nito.” Itinuro ni Kapitan Filotimo ang kawatan.
“Anoʼt nagawa mong magnakaw kina Aling Virgy, hijo?” tanong ng kapitan sa ngayon ay yukong-yukong kawatan.
Kinilabutan ang si Manuel, ang nahuling kawatan, nang balingan siya ni Kapitan Filotimo. Kilala kasi sa kanilang compound na malupit at wala raw awa ang kapitan. Gusto niya nang umiyak, habang nangangatog ang kaniyang tuhod sa pinaghalong takot at gutom.
“G-gutom na po kami, Kapitan,” pumiyok nang sagot ni Manuel. Hindi na niya napigilan ang kaniyang luha at agad itong umagos sa kaniyang nandurungis na mukha.
“Bakit? Hindi ba nakarating ang ipinamimigay kong relief goods sa inyo?” kunot-noong naitanong ni Kapitan Filotimo.
Umiling si Manuel. “Hindi, kapitan. Sa katunayan ay nakiusap po ako sa isa ninyong kawani na baka pupuwedeng kahit tinapay lang ay bigyan ninyo ang anak ko, pero hindi nila ako pinakinggan. Dalawang araw na hong tubig lang ang bumubuhay sa aming mag-anak,” sagot pa ni Manuel na biglang ikinagulat ni Kapitan Filotimo.
“Ano kamo?!” bulalas niya. Nakaramdam siya ng awa para sa nangangailangan palang kawatan. At paanong hindi nakarating dito ang mga tulong na ipinadala niya gayong kulang man ang pondoʼy dinagdagan niya iyon gamit ang sarili niyang pera!
Biglang lumuhod si Manuel. “Patawad po, kapitan. Hindi na namin kayang tiisin ang gutom kaya napilitan akong magnakaw kina Aling Virgy! Patawad po, Aling Virgy!” humahagulhol na pakiusap nito.
Naantig ang puso ng kapitan, maging ni Aling Virgy. Talagang nilukob sila ng awa para kay Manuel.
“Tumayo ka riyan, hijo,” utos ng kapitan. “Ano ba ang trabaho mo?” tanong niya pa. Nag-utos din siya sa isa sa mga naroon upang ipagtimpla ng kape si Manuel at ibili ito ng kahit tinapay lang muna.
“Isa ho akong basurero. Dahil po sa pandemya ngayon ay hindi po nagbubukas ang mga junkshop. Wala ho kaming pagkunan ngayon ng pagkain, kap,” sagot naman ni Manuel.
Tumango-tango si Kapitan. “Kung ganoʼn, ituro mo sa akin kung sino ang mga kawaning hindi kayo pinakinggan noong humihingi kayo ng tulong at ako nang bahala sa utang mo kay Aling Virgy. Ako na rin ang bahala sa pagkain ninyong mag-anak, bastaʼt huwag mo nang uulitin ito, ha?”
Gulat at tuwa ang naramdaman ni Manuel sa tinuran ni Kapitan Filotimo. Napatunayan niyang hindi pala ito ang malupit, kundi ang mga kawani nito!
Nakiusap si Kapitan Filotimo kay Aling Virgy na huwag nang kasuhan si Manuel at babayaran na lang niya ang mga ninakaw nito. Pumayag naman si Aling Virgy, pagkatapos ay tinanggihan pa ang bayad ni Kapitan Filotimo. Bagkus ay dinagdagan pa nga nito ang grocery na maiuuwi ni Manuel.
Naparusahan ang mga kawani ng barangay na hindi tumugon sa hinaing ng mahihirap sa kanilang lugar. Natanggal ang mga ito sa puwesto at napalitan ng mga bagong kawani, na ngayon ay sinugurado na ng kapitang kaniyang mapagkakatiwalaan. Kumalat ang balita kung gaano kahusay si Kapitan Filotimo at nakilala ito hindi lang sa kanilang barangay kundi sa mga karatig pang lalawigan.
Si Manuel naman ay mahigpit na binilinan ni Kapitan Filotimo na huwag nang uulit pa sa ginawang kasalanan, dahil sa susunod ay parurusahan na niya ito. Pinangaralan din ng kapitan na hindi sagot sa kahirapan ang paggawa ng masama at hindi ito tiketa para gumawa siya ng kasalanan.
Ganoon pa man, hindi lingid sa kaalaman ni Kapitan Filotimo na marami pa ring katulad ni Manuel sa kanilang barangay kayaʼt patuloy siyang magsisikap upang wala nang krimeng maganap sa kanilang lugar.
Masama ang maging kawatan, ngunit mas masama ang hindi pakinggan ang mga sikmurang kumakalam. Iyon ang itinatak ng kapitan sa kaniyang isip.