Sa isang maliit na bayan ay nakatira ang mag-inang Lupe at Sergio. Isang araw ay nagpaalam ang binatang anak ni Lupe na ito ay kailangang umalis at pumunta sa kabilang bayan upang magtrabaho. Hindi kasi sapat ang kinikita nito sa pagsasaka para sa kanilang mag-ina kaya napagpasyahan ng binata na maghanap ng iba pang pagkakakitaan sa ibang bayan.
Habang naghahanda na si Sergio bago umalis ay sinabihan siya ng kanyang ina.
“Anak, kailangan mo ba talagang umalis at magtrabaho sa ibang bayan? Hindi ba maaaring dito ka na lang? At isa pa, ikaw lang ba mag-isa ang aalis? Wala ka bang ibang makakasama sa iyong paglalakbay? Napakalayo sa lugar natin ng susunod na bayan,” nag-aalalang sabi ni Lupe sa anak.
Ikinababahala kasi nito na ang dadaanan ng anak ay isang masukal na gubat bago marating ang kalye na nag-iisang daan patungo sa susunod na bayan na pupuntahan nito.
“Inay, alam ko po na ang dadaanan ko ay ang masukal na kagubatan ngunit wala po kayong dapat na ikatakot. Kaya kong pangalagaan ang aking sarili,” sagot ng binata.
“’Di mo maiaalis sa akin ang mag-alala, anak. Mas makakabuti kung mayroon kang makakasama sa iyong paglalakbay,” tugon pa ng ina.
“Huwag ka na mag-alala, inay. Hindi naman po ako magtatagal doon. Babalik din ako pagkalipas ng isang linggo. Nais ko lang naman kumita ng ekstrang pera para sa inyong kaarawan sa susunod na buwan.”
“Hindi mo na dapat gawin iyan, anak. Maaari naman nating iselebra ang aking kaarawan kahit hindi ka nagtatrabaho sa ibang bayan.”
“Hayaan mo na ako inay. Ang aking gagawin ay para sa iyo. Isang linggo lang ang hinihingi ko. Hintayin mo ako at babalik ako pagkalipas ng isang linggo. Babalik ako dito at magsasaka ulit.”
Ngunit hindi pumayag ang ina na umalis ang anak na mag-isa. Pinasama niya rito ang alaga nilang aso na si Puti.
“Hindi ako mapapanatag kaya hayaan mong isama sa iyong pag-alis ang aso nating si Puti para may kasama ka sa iyong paglalakbay at para hindi ka malungkot at mainip sa iyong patutunguhan.”
Para hindi na mag-alala pa ang ina ay pumayag na rin si Sergio na isama sa kanyang pag-alis ang alagang aso.
“Sige po, inay. Ako na ang bahala kay Puti. Babalik kami rito ng ligtas.”
Matapos makapagpaalam sa ina ay nagsimula nang maglakad si Sergio papuntang kagubatan. Isang oras din ang gugugulin niya para makalabas sa gubat na iyon kaya wala siyang inaksayang minuto. Binilisan niya ang paglalakad para marating niya agad ang kalye papunta sa susunod na bayan ngunit napakainit ng panahon at tirik na tirik ang araw. Nakaramdam ng pagod ang binata kaya naisip muna niyang magpahinga sandali.
“Napakainit naman! Kailangan ko munang magpahinga. Nakakaramdam na rin ako ng gutom,” bulong niya sa sarili.
Humanap siya ng masisilungan at umupo siya sa ilalim ng isang malaking puno para magpahinga.
“Ayos na ako dito. Halika, Puti dito muna tayo magpahinga. Ipagpatuloy na lamang natin ang ating paglalakbay mamaya kapag hindi na gaanong mainit ang sikat ng araw,” sabi niya sa alaga.
“Tumahol lang ang aso tanda ng pagsang-ayon sa kanya.
Sa ilalim ng puno ay binuksan niya ang kanyang bag at inilabas ang baong tinapay at biskwit. Pinagsaluhan nila ng alaga ang pagkaing dala.
Maya-maya ay nakaramdam ng antok ang dalawa. Naisip ni Sergio na umidlip na muna bago ipagpatuloy ang paglalakad.
“Makatulog nga muna.”
Ngunit hindi niya namalayan na mayroon palang nakatirang ahas sa puno at nakita siyang natutulog sa ilalim ng tirahan nito.
Dahan-dahang gumapang ang ahas papunta sa kinahihigaan ni Sergio at akmang tutuklawin ang binata. Mabuti na lamang at nagising ang alagang aso na si Puti at sinakmal nito ang ahas hanggang sa ito ay mawalan ng buhay.
Ilang sandali ay nagising si Sergio. Nag-inat ng kanyang mga braso at tumayo sa kinahihigaan. Laking gulat niya nang makita ang wala ng buhay na ahas sa kanyang tabi habang tumatahol ang alagang si Puti.
“Ahas? Muntik na akong tuklawin ng ahas!” gulat niyang wika.
Napagtanto niya na iniligtas siya ng kanyang alagang aso sa panganib sanang dala ng kamandag ng ahas. Mabuti at kasama niya ito sa kanyang paglalakbay.
“Maraming salamat Puti sa ginawa mong pagliligtas sa akin! Hinding-hindi ko kailanman makakalimutan ang iyong kabayanihan,” sabi niya sa alaga at mahigpit itong niyakap.
Naisip ng binata na kailangan pala ay palagi siyang nakikinig sa kanyang ina.
“Nagpapasalamat din ako kay inay dahil kundi niya ipinasama sa akin si Puti ay napahamak na sana ako,” bulong ni Sergio sa sarili.
Makalipas ang isang linggo ay nakabalik na rin siya sa kanilang bayan. Ipinagpasalamat niya sa ina ang ginawa nito at ikunuwento ang kabayanihang ginawa sa kanya ng kanilang alagang si Puti.
Mula noon ay natutunan na ni Sergio na sumunod sa payo ng kanyang ina.