Inday TrendingInday Trending
Papa, Kumusta Ka Na?

Papa, Kumusta Ka Na?

Ulilang lubos na si Jaimayma— iyon ang alam niya noon. Dahil ngayon lamang inamin ng kaniyang tiyahin na si Veron na buhay pa ang kaniyang ama.

“Bakit ngayon niyo lang po sinabi, auntie?” humihikbing tanong ni Jaimayma sa tiyahin niyang simula’t sapol ay ito na ang nagpalaki sa kaniya.

“Dahil ramdam kong nalalapit na akong mawala sa mundo, Jaimayma,” paisa-isang sambit nito dahil sa hirap na paghinga.

“Taga-saan po siya?” malungkot niyang tanong.

May iniabot itong kapirasong papel sa kaniyang palad. “D’yan mo siya matatagpuan hija,” wika nito. “May pamilya na rin siya at may tatlo kang kapatid sa ama. Patawarin mo ako kung matagal kong inilihim sa’yo ang bagay na ito. Sa palagay ko’y ito na rin naman ang tamang panahon upang malaman mo na ang lahat,” tumatangis na paliwanag ni Veron.

Ramdam ni Jaimayma ang bigat sa kalooban ng tiyahin. Alam niyang mas nahirapan ito sa sitwasyon nila. Pero nagpapasalamat pa rin siya rito dahil hindi ito nagkulang na iparamdam sa kaniya kung gaano siya nito kamahal.

“Maraming-maraming salamat po tita,” aniya sabay yakap rito ng mahigpit.

Hinanap niya ang nakasulat sa papel na address. Alam na rin niya kung ano ang pangalan nang kaniyang ama dahil kalakip na isinulat ni Tita Veron sa papel ang pangalan nito. Nang marating niya ang lugar ay agad siyang nagtanong-tanong sa mga taga-roon.

“May kilala po ba kayong Emmanuel Fausto?” tanong niya sa grupo ng mga lalaking may edad na at mukhang nagpapahinga lamang ang mga ito galing sa pagsaka.

“Ayy… si Pareng Manuel,” agad na wika ng isang lalaki.

“Kaano-ano mo si Pareng Manuel?” tanong no’ng isang lalaki na medyo namumula na ang balat dahil sa init ng araw.

“Siya po kasi ang papa ko,” agad namang sagot ni Jaimayma.

“Talaga ba?” sabay-sabay naman na wika ng lahat.

Hindi naman siya pinahirapan ng mga ito dahil agad naman siyang hinatid ng isang lalaki kung saan mismo ang bahay ni Emmanuel Fausto.

“Miss, nandito na tayo sa bahay ni Mang Manuel,” wika ng lalaking naghatid sa kaniya.

Kinakabahang ngumiti si Jaimayma. “Maraming salamat po,” aniya. Saka inayos ang sarili.

Ano ang una niyang sasabihin sa ama? Anong emosyon ba ang dapat niyang maramdaman? Ano kaya ang magiging reaksyon ng kaniyang ama kapag nagpakilala na siya bilang anak nito. Ilan lamang sa mga katanungang tumatakbo sa kaniyang isipan.

“Tao po,” malakas na wika ni Jaimayma. Nagbabakasali kung may tao ba sa bahay na tinitirhan ng kaniyang papa.

May lumabas na may edad ng lalaki na sa kaniyang hinala ay ito na nga ang kaniyang ama.

“Sino po sila?” tanong ng lalaking medyo may edad na.

“Hinahanap ko po kasi si Mang Emmanuel Fausto, sabi kasi nila taga-rito po siya,” wika ni Jaimayma.

“Ako nga iyon,” agad namang sagot ng lalaki.

Bigla namang nakaramdam ng pagkasabik si Jaimayma na makausap at mayakap ang kaniyang ama. Matagal na panahon rin siyang nanabik sa isang ama at ngayon nga ay nandito na ito sa kaniyang harapan.

“Ako nga po pala ang anak ninyong si Jaimayma. Anak niyo po ako kay Lorena,” agad niyang pakilala rito.

Ngunit ang inaasahan niyang pagkasabik na nais makita sa mga mata nito’y hindi niya nakita. Bagkus ay agad itong lumapit sa kinatatayuan niya at agad siyang sinenyasan na tumahimik.

“Pasensya ka na miss pero wala akong anak na Jaimayma at hindi ko kilala ang sinasabi mong Lorena. Baka nagkakamali ka lang,” mariing tanggi nito.

“Pero hindi po ako maaring magkamali dahil ito po ang ibinigay sa’kin ng aking Tiya Veron na pangalan at address ng aking papa. Kaya sigurado po akong ikaw na nga ang hinahanap ko,” wika naman ni Jaimayma.

“Umalis ka na. Hindi kita kilala,” taboy pa nito.

Labis namang nakaramdam ng pagkahabag si Jaymaima sa sarili dahil sa malamig na trato ng kaniyang ama. “Hindi ko inaasahang ito ang magiging trto mo sa’kin,” aniya habang pinipigilan ang emosyong nais nang kumawala sa kaniyang dibdib.

“Matagal akong nanabik sa isang ama at ngayong alam kong buhay ka pa ay agad kitang hinanap. Nagbabakasaling sana’y hindi pa huli ang lahat para sa’ting dalawa,” patuloy ni Jaimayma.

“Kung anak nga kita’y nais ko lamang makiusap sa’yo na sana’y huwag mo na akong guluhin, dahil may pamilya akong tao. Ayokong maging magulo ang buhay namin nang dahil sa’yo. Kaya pakiusap umalis ka na at kalimutan na lang ako,” nakikiusap na wika ni Emmanuel.

“Sana pala ay hindi na lamang sinabi sa’kin ni Tiya Veron ang buong katotohanan. Sana nagkasya na lang ako sa kaalamang p*tay ka na! Kasi kahit naman pala buhay ka’y wala ka pa ring pakialam sa anak na inabandona mo ng matagal na panahon. Sana nga po ay maging masaya pa kayo lalo ng pamilya mo, sa kaalamang may isang anak kang itinaboy!

Huwag kang mag-aalala! Hinding-hindi ako manggugulo kung ‘yan ang nais mo. Hindi ka karapat-dapat tawaging ama,” wika ni Jaimayma saka tinalikuran ang kaniyang amang hindi nagpaka-ama sa kaniya, mula noon…at kahit hanggang ngayon.

Ang sakit isipin na kahit sarili mong dugo ay kaya kang talikdan. Katulad na lamang kay Jaimayma na para bang tinanim lamang siya ng kaniyang ama pagkatapos ay hindi na nito inalam kung ano na nga ba ang nangyari sa kaniya. Kung lumago ba siya bilang halaman o nanatili na lamang buto.

Napaka-swerte ng isang anak na merong tatay na nagpapakatatay sa kanila. Dahil hindi lahat ng lalaki ay kayang panindigan ang salitang AMA!

Advertisement