Inday TrendingInday Trending
Si Tatang Sa Tulay

Si Tatang Sa Tulay

Mas binilisan pa ni Raya ang paglalakad nang mapansing sinusundan nga siya ng lalaking nakaitim. Sabi na nga ba ay mukhang itong kahina-hinala doon pa lamang nang makita niya ito sa babaan ng terminal.

Pauwi galing sa trabaho, kahit pagod ang binti dahil sa suot na high heels ay mabilis na binagtas niya ang madilim na tulay. Mas lalo siyang kinabahan nang maalalang wala nga palang ilaw sa mahabang tulay na iyon. Nang tila kakaripas na siya ng takbo ay may isang malakas na kamay ang humaklit sa braso niya. Napatili siya nang makita ang hawak nitong patalim, at lalong tumayo ang balahibo niya nang ngumisi ito na parang many*kis.

“Miss holdap lang dapat ‘to eh. Pero ang ganda mo kaya isama na rin kita,” sabi nito sabay hila sa kanya. Bago pa siya makapagprotesta ay may narinig siyang malalakas na pito at may biglang malaking ilaw na tumutok sa kaniya. Napapikit siya dahil sa pagkasilaw at mukhang nataranta ang many*kis na holdaper kaya mabilis itong kumaripas ng takbo.

Nanginginig sa takot na tumakbo si Raya palapit sa lalaking may hawak na malaking flashlight.

“Maraming salamat po, manong! Diyos ko hindi ko po alam ang kinahantungan ko kung ‘di kayo dumating.” Paulit-ulit na nagpasalamat si Raya ngunit matipid na ngiti lang ang sukli ng matandang lalaki. Naisip niyang baka naaabala niya ito dahil nakatingin ito sa malayo kaya nagpaalam na siya at umalis.

Nakahinga ng maluwag si Raya nang maging pang-gabi na siya sa trabaho. Ibig kasi sabihin niyon ay umaga na siya makakauwi. Mas ligtas sa daan kapag maliwanag, sa isip-isip niya. Muli niyang binagtas ang pamilyar na tulay kung saan siya muntik maholdap. Sa gitna ng tulay ay may isang lalaking tumutugtog ng gitara. Napakaganda ng boses nito na tila hinaharana ang mga dumadaan kapalit ng barya. Nakilala kaagad ito ni Raya. Iyon ang matandang nagligtas sa kanya!

Nilapitan niya ito at nagulat siya nang mapagtantong bulag pala ito. Dahil sa lubos na pasasalamat ay nagpasya si Raya na bilhan ito ng tanghalian.

“Ayan Tatang, binilhan ko po kayo ng pagkain. Mayroon din pong tinapay dyan para kung magutom kayo sa paghahanap-buhay.”

“Maraming salamat hija, pagpalain at ingatan ka nawa ng Diyos,” sabi nito na tinapik pa ang kamay niya.

Mula nang araw na iyon ay ginawang misyon ni Raya na laging dalhan ng pagkain si Tatang. Madalas ay nakakakwentuhan niya ito sandali kaya napag-alaman niyang may anak pala ito na pinag-aaral nito sa hayskul. Musikero talaga ito ngunit nang mawala ang paningin dahil sa sakit ay wala nang tumatanggap dito na mga bar. Kaya naman nagpasya itong buhayin ang anak sa pamamagitan ng panghaharana sa kalsada.

Isang araw na dumaan si Raya sa tulay ay nagtaka siya nang matagpuang bakante ang pwesto nito. Lumipas pa ang ilang araw ay tuluyang nag-alala si Raya kaya’t nagpasya siyang sadyain ito. Nabanggit nito dati ang eskwelahan ng anak nitong si Janine. Umaga, tapos niya sa trabaho ay dumiretso siya sa pagtatanong-tanong tungkol kay Janine. Isang kaklase nito ang nagsabi na halos isang linggo na nga raw hindi pumapasok ito, saka siya nito itinuro sa bahay.

Maliit lang ang tirahan nila Tatang, luma na at ang ilang pader ay pinagtagpi-tagping kahoy na lamang. Kumatok siya at pinagbuksan siya ng isang dalaga. Nang magpakilala siyang kaibigan ni Tatang ay pinatuloy kaagad siya nito.

Nahabag siya sa hitsura ng matanda pagkakita rito. Malaki ang ibinagsak ng katawan nito simula nung huli silang nagkita, at paos ang boses nito.

“Tatang…” Nahahabag na banggit niya atsaka hinawakan ito sa kamay. Ngiti kang ang isinukli nito dahil hinang-hina ito.

“Pasensya na po at wala akong maiaalok na meryenda sa inyo ate…” Nahihiyang sabi ng dalagang anak kay Raya.

“Naku, huwag mong alalahanin ‘yon.. Janine, ‘di ba? Palagi kang bukambibig ni Tatang sa akin,” sabi niya saka hinawakan din ang kamay ni Janine. Malala na pala ang Diabetes ni Tatang kaya tuluyan itong naratay sa kama. Dahil nga nasa malayong probinsya ang mga kamag-anak ay walang mahingian ng tulong si Janine.

“Napakabuti po ni Tatay. Kaya ngayon pong siya ang nangangailangan ay marami pong mga kumakatok dito sa amin. Bumibisita po tapos nagbibigay ng pera o kaya prutas.”

“Janine.. anak. Lagi kong paalala sa’yo ‘di ba? Kabutihan ang dapat nating itinatanim sa puso ng tao. Iyon lamang ang dapat nating iwan sa mundo…” sabi ng matanda sa mahina ngunit siguradong tinig.

Tuluyang naluha si Raya dahil sa tinuran ng matanda. Mas na-iinspire siya ngayon maging mabuting tao dahil sa halimbawang ipinapakita nito.

Upang makatulong sa mag-ama ay pinost ni Raya ang kwento ni Tatang sa Facebook, pati na ang litrato nito habang kumakanta sa tulay at litrato nito ngayon. Nag-usal siya ng dasal na sana ay may marating ang kaniyang simpleng post.

Nagulat si Raya nang makita ang napakaraming comment tungkol kay Tatang. Samu’t saring kwento iyon kung paanong tinulungan sila ni Tatang noon. Marami ang nagpahatid ng tulong pinansyal. Ang iba ay personal pang bumisita at nag-abot ng tulong. Napa-ospital si Tatang dahil sa dagsa ng pagpapapala mula sa nga taong nagmamahal sa kaniya. Si Raya naman ay sinusuportahan si Janine sa pag-aaral nito.

“Maraming salamat sa iyo, Raya. Mabuti kang bata at may malasakit sa iying kapwa. Nawa ay pagpalain ka pa ng Diyos,” sabi ni Tatang na may luha sa mata. “Hayaan mong alayan kita ng isang kanta.”

Paos man ng kaunti ay talaga namang naantig si Raya sa pagkanta nito.

“Kung di ako nagmamahal, sino ako…”

Tuluyang gumaling si Tatang at dahil sa husay nito sa pagkanta ay tinanggap ito sa isang restaurant at nagkaroon ng permanenteng trabaho. Tunay nga naman na kapag kabutihan at pag-ibig ang itinanim mo sa puso ng tao, iyon din ang iyong aanihin.

Advertisement