Matindi ang sikat ng araw kahit na maaga pa. Ang lahat ng taga-barrio ay papunta sa dalampasigan upang maligo. Kasama na riyan ang mga dalaga at binata na animo’y pupunta ng sagala sa tindi ng pagkakagayak. Ngunit hindi ang binatang si Diego. Abala si Diego sa pagbubungkal ng lupa at pagtatanim sa kanilang bakuran.
“Diego, tara na! Maraming kababaihan ang magtutungo ngayon sa dalampasigan! Tama na ang pagtatanim mo!” sambit ng isa niyang kaibigan.
“Sige na at mauna na kayo. Kailangan ko kasing siguraduhin na maayos na naarawan ang mga ito at nadidiligan. Baka mamaya ay magsituyot. Sayang naman!” tugon ni Diego habang abalang isinasalansan ang mga pananim.
“Bahala ka nga riyan. Kaya tuyot ang buhay pag-ibig mo ay inuuna mo pa kasi iyang mga pananim mo!” sambit muli ng isang binata at sabay-sabay silang nagtawanan palayo sa bakuran ng binata.
Kinahapunan ay papauwi na ang mga kabataan na nagtungo sa dalampasigan. Muli ay natanaw nila si Diego sa kanyang halamanan.
“Nariyan ka na naman, Diego?” sambit ni Azon, isang magandang dilag sa kanilang lugar. “Hinahanap kita kanina pa sa iyong mga kaibigan pero hindi ka rin nila matagpuan. Sabi na nga ba at dito ka muli matatagpuan,” nakangisi nitong sambit sa binata.
“Bakit mo naman ako hinahanap?” patanong ni Diego habang patuloy sa pag-aasikaso sa kanyang mga pananim.
“Hindi ka man lamang ba titingin sa akin, Diego? Hindi ko malaman kung anong mali sa’yo. Ikaw na nga itong nilalapitan ko, ikaw pa ang mailap. Pasalamat ka nga at kinakausap pa kita,” wika ni Azon.
“Pasensya ka na, Azon. Talagang abala lang ako sa aking ginagawa. Ano ulit ang gusto mong sabihin?” sambit muli ng binata.
“Hindi bale na lamang! Nawalan na ako ng gana na makipag-usap sa iyo. Ikaw lang siguro ang tao sa baryo natin na ang pangarap ay maging isang taga-tanim. Wala kang kapanga-pangarap sa buhay,” naiinis na wika ni Azon.
“Hindi naman sa ganoon, Azon. Pinaghahandaan ko lamang ang kinabukasan. Ang pagtatanim ko ay makakabuti para sa mga magulang kong matatanda na rin. Saka kung may unos o delubyo o ‘di kaya ay mga pangyayaring hindi natin hawak ay makakatulong ito upang may makain kami kahit paano,” tugon ng binata.
“Nakakatawa ka talaga. Nagpapapaniwala ka sa mga matatanda. Makabagong panahon na, Diego. Anong panahon ka ba nabubuhay. Hindi na uso ang mga delubyo o mga unos na ‘yan! Ewan ko sa iyo, ang hirap mo talagang kausap! Diyan ka na nga!” pangungutya ni Azon.
Sa araw-araw na nagsasama-sama ang mga kabataan sa mga palaro o hindi naman kaya ay fiesta o kung ano mang pagtitipon tulad ng paglangoy sa dalampasigan ay hindi nakakasama pa rin si Diego. Mas minabuti na nitong bantayan at alagaan ang kanyang mga may edad ng mga magulang pati na rin ang kanyang taniman.
Kaya naman naging tampulan ng tukso itong Diego ng mga kasing edad niya. Lalo pa ng sabihin ni Azon kung ano ba talaga ang pinaghahandaan ng binata.
“O, Diego, kumusta na ang paghahanda mo para sa mga unos at delubyo. Ang ganda ganda ng sikat ng araw tara na sa dalampasigan!” natatawang aya ng isang binata sa kanya.
“Nako huwag na natin ‘yan isama at baka mamaya ay mam*tay pa ‘yung mga panananim niya at malungkot pa iyan ng lubusan!” walang humpay sa pagtawa ang mga ito.
Hindi iniinda ni Diego ang lahat ng pangungutya ng mga kabataang nagdaraan sa kanilang tahanan at nakikita siyang abala sa kanyang ginagawa.
Kinahapunan ng araw na iyon ay pumutok ang isang balita.
“Narinig nyo na ba ang balita? Si Ka Saldy daw ay pumanaw nitong hapon lamang,” sambit g isang ale.
“Paanong nangyari iyon, e may kaya ang pamilya niya. Kung may sakit sya ay kaya nila itong ipagamot,” sambit ng isa pang ginang sa umpukan.
“Ang balita ay bigla na lamang daw itong nilagnat, inubo at nanghina pagkagaling niya sa ibang bansa,” bulong ng isa pang babae.
“Hay naku, baka mamaya may nakakahawa siyang sakit!” hindi matapos sa pagkukwentuhan ang mga ginang.
Hindi nga nagkamali ang mga ito. Mabilis na nahawa ang mga kamag-anak ni Ka Saldy. Tapos ang ibang mga nakasalamuha nila. Hindi nagtagal ay pumutok ang isang epidemya sa kanilang lugar at nagtago ang lahat ng tao sa kanilang tahanan upang hindi mahawa ng sakit.
Lubusan ang takot ng lahat. Ngunit sa tagal ng kanilang hindi paglabas ay naubusan na rin sila ng pagkain. Nariyan na humingi na lamang sila ng makakain sa pamahalaan. Ngunit dahil sa laki ng barrio at kulang ang pondo ay hindi lahat ay mabibigyan. Kaya tag tipid ang lahat.
Laking pasalamat na lamang ni Diego sa kanyang mga pananim. Hindi na nila kailangan pang lumabas ng tuluyan sa kanilang bakuran upang makabili pa ng pagkain. Ang lahat ng mga kabataan na nagtatawa sa kanya noon ay lubusan ang inggit sa ginhawa na tinatamasa niya ngayon sapagkat nakapaghanda sila. Palagi na lamang silang umaani mula sa kanyang mga pananim.
Naging inspirasyon siya sa lahat. Hindi naman naging maramot si Diego sa kanyang mga gulay. Minsan ay naglalapag siya ng sobrang gulay sa tapat ng kanilang bahay upang makatulong sa ibang nangangailangan.
Laking hingi ng paumanhin ng kabataan na nangungutya sa kaniya lalo na ang dalagang si Azon. Napagtanto niya ang lahat ng sinabi sa kanya ni Diego.
“Pasensya ka na sa lahat ng nagawa at nasabi ko sa iyo, Diego. Napatunayan mo sa akin na talagang tama ang iyong mga sinasabi, Pasensya ka na kung pinagtawanan kita ng lubusan,” paumanhin ni Azon.
“Wala iyon. Mas gugustuhin ko ngang maging mali ako basta hindi na dumating ang salot na ito sa ating liugar. Hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa kinabukasan kaya mas mainam na lagi tayong maging handa,” wika ni Diego.
“Sige na, Azon at kumuha ka ng mga gulay riyan at iuwi mo sa iyong pamilya upang may hapunan kayo. Patuloy na lamang tayong manalangin upang sa wakas ay matapos na itong epidemya at makabalik na tayong muli sa ating mga buhay,” dagdag pa ng binata.
Natitiyak niya na tulad niya ay babaguhin ng pangyayaring ito ang lahat ng pagwawalang bahala ng mga tao lalo na ang mga kabataang katulad niya.