Inday TrendingInday Trending
Makabagong Bayani ng Bayan

Makabagong Bayani ng Bayan

Hindi madali ang buhay ni Esmie, lalo na’t puro pulitiko ang kaniyang mga kapamilya. Siya lamang ang “nag-iba ng landas”. Pinili niya ang kagustuhan ng kaniyang puso, at hindi ang dikta ng kaniyang pamilya.

Sila ang mga Altamerano. Mula sila sa angkan ng mga pulitiko sa bayan ng Altamerano, kung saan ipinangalan sa kanilang angkan. Ang kaniyang Papa ay governor. Mayor naman ang kanilang Mama. Dalawa lamang silang magkapatid na parehong matalino subalit magkaiba ang gusto.

Bata pa lamang ay ibinabantad na silang dalawa ni Marco, ang kaniyang kuya, sa politika. Madalas silang isinasama noon sa mga pangangampanya at miting de avance. Kinatutuwaan sila ng kanilang mga nasasakupan. Hanggang sa kanilang pagiging teenager, ipinakikita sa kanila ang laro ng politika.

Hindi matibag-tibag ang mga Altamerano. Hindi dahil sa gahaman ang kanilang pamilya sa kapangyarihan. Pagdating kasi sa serbisyo publiko, hindi talaga matatawaran ang kaniyang Mama at Papa. Halos ibigay na nila ang sariling buhay para lamang sa kapakanan ng kanilang nasasakupan.

Minsan, isinasama rin sila sa munisipyo upang maipakita kung paano ang galawan ng pagiging isang public servant. Naririnig din nila paminsan kung paano magdesisyon ang kanilang mga magulang.

Sa pagitan ng kanilang Mama at Papa, mas maunawain ang kanilang Mama. Ang kanilang Papa ay mabait din subalit mahigpit. Man of few words ‘ika nga.

Minsan, habang sila ay kumakain ng almusal sa hapagkainan, napagkuwentuhan nila ang tungkol sa kanilang mga nais sa buhay.

“Esmie, Marco, anong mga kurso ang gusto ninyo sa kolehiyo? I hope related sa pamamahala ng mga tao para kapag pumasok na kayo sa politika, madali na lamang. You will be the next in line,” saad ng kanilang Papa.

“I will pursue Political Science, ‘Pa. Para makapag-Law ako. I want to be like you and Mama,” sagot ng kaniyang Kuya Marco.

Kitang-kita ni Esmie sa mga mata ng kaniyang Papa ang ningning. Parang nakakita ito ng ginto sa gitna ng dayami.

“That’s my boy! You will be the next Mayor Marco Altamerano, s’yempre, after ng Mama mo,” nagagalak na sabi ng kanilang Papa. Pagkaraan ay tumingin ito kay Esmie. “What about you, Esmie?”

Napatda si Esmie. Nakatutok ang mga mata ng lahat sa kaniya.

“I want to become… a doctor, Papa.”

Natahimik ang lahat. Lalo na ang kaniyang Papa.

“A doctor? Well… yes, puwede ka naman maging doctor kaagad, sa Public Administration. Just like your mom…”

“No, Papa. I mean, to become a medical doctor. I want to become a physician.”

Natawa ang kaniyang Papa gayundin ang kaniyang Kuya Marco na napailing.

“Come on, Esmie… seriously? Tataliwas ka sa career ng mga Altamerano? Being a medical doctor is great, but, hindi iyan ang gusto kong path para sa iyo…” seryosong sabi ng kanilang Papa.

Sinaway ng kanilang Mama ang asawa. “Mauro, bata pa naman si Esmie. Besides, mababago ang isip niyan.”

Simula nang sabihin ni Esmie ang kaniyang kagustuhan na maging manggagamot, napansin niyang hindi na siya masyadong kinikibo ng kaniyang Papa. Ang atensyon nito ay nasa kaniyang Kuya Marco, na hayagang sinabi na susunod sa yapak ng kanilang mga magulang.

Iba ang gusto ni Esmie. Gusto niya ang Science. Gusto niyang manggamot ng mga taong may sakit. Sinabi niya ito sa kaniyang Mama na alam niyang mauunawaan siya.

“Ma, I really wanted to become a medical doctor. Sana po maintindihan ninyo ni Papa,” minsan ay nasabi ni Esmie sa kaniyang Mama.

“Of course, anak. I understand. Pero gusto namin ng Papa mo, sumunod kayo sa legacy namin. Dito tayo nakilala, anak. We are Altameranos. Public servants tayo sa pamamagitan ng pamamahala. I know you will still change your mind kapag magka-college ka na.

Subalit maigting ang kagustuhan ni Esmie na maging doktor. STEM ang strand na kinuha niya sa Senior High School habang nasa HUMSS naman ang kaniyang Kuya Marco.

Pagdating sa kolehiyo, agad na pumasok sa San Beda College ang kaniyang kuya upang kumuha ng Political Science at itutuloy na raw sa Law. Siya naman, sa kabila ng pagtutol ng kanilang Papa, kumuha ng kursong BS Biology, at nagtuloy ng Medicine sa UP Manila.

Nang mga panahong iyon ay congressman na ang kanilang Papa. Governor naman ang kanilang Mama, at ang mayor ay kaniyang Kuya Marco na pinagsasabay ang katungkulan at pag-aaral ng master’s.

Bagama’t tutol sa kaniyang pinasok na landas, lalo na ang kanilang Papa, ipinagpatuloy ni Esmie ang pagiging doktor. Kahit na hindi siya kinikibo, pinapansin, o kinukumusta lamang ng kanilang Papa at nakabaling ang atensyon nito sa kaniyang Kuya Marco, masaya siya sa gusto niyang tahaking landas. Nakasuporta naman sa kaniya ang kanilang Mama.

At sa wakas ay naging ganap na doktor si Esmie. Tuwangtuwa ang kanilang Mama, gayundin naman ang kaniyang Kuya Marco. Subalit hindi man lamang nagpunta sa kaniyang pagtatapos at maging sa oath-taking ang kanilang Papa. Abala raw ito sa mga pulong na kailangan nitong daluhan.

At lalong lumayo ang loob sa kaniya ng Papa nang magpaalam siya sa kanila. Nais niyang maging doktor sa isang malayo at mahirap na lugar. Iyon ang gusto niya.

“Anak, bakit kailangan mo namang lumayo pa? Puwede tayong magpagawa ng sarili mong klinika dito sa Altamerano para makapanggamot ka? Bakit kailangan mo pang lumayo? naiiyak na tanong ng kaniyang Mama.

“Ma… this is my calling. Ito po ang gusto ko. Wala naman po itong pinagkaiba sa pagiging public servants ninyo nina Papa and Kuya. Maglilingkod pa rin ako sa bayan. Sa paraang gusto ko at mahal ko,” sagot ni Esmie.

Lumapit si Esmie sa kaniyang Papa na nasa veranda at nakatanaw sa malayo.

“Pa, mahal na mahal ko kayo nina Mama at Kuya, pero hayaan po ninyo sanang gawin ko ang gusto ko at nararapat.”

Hinarap siya ng kaniyang Papa. Tiningnan siya sa mga mata. Pagkaraan, umalis ito at ni hindi siya nilingon. Wala ring sinabi. Pumasok ito sa kuwarto. Nilapitan siya ng kaniyang Mama at niyakap. Ito lamang ang sumusuporta sa kaniya kahit noon pa man.

Natuloy sa paglilingkod sa isang remote area si Esmie, malayo sa bayan ng Altamerano. Ang totoo, gusto niyang magkaroon ng sariling pangalan at malayo sa anino ng prestihiyosong apelyido at karera ng kanilang pamilya.

Hanggang sa magkaroon ng seryosong pandemya na nagdulot ng krisis sa bansa at sa iba pang panig ng mundo. Halos hindi na natutulog ang mga doktor at iba pang health care workers para lamang malabanan ang sakit.

Nabalitaan ni Esmie na nangangailangan ng maraming doktor sa ospital nila sa Altamerano. Walang pagdadalawangisip na bumalik siya sa kanilang bayan upang magsilbi sa pampublikong ospital. Nabalitaan ito ng kaniyang pamilya, na hindi na rin humihinto sa pag-aasikaso sa kanilang mga nasasakupan.

Dahil lubhang mapanganib, hindi umuuwi si Esmie sa kanilang tahanan. Ayaw niyang mahawa ang kaniyang pamilya sa posibleng virus na dala-dala niya dahil exposed siya sa mga pasyente.

Hanggang isang araw, isang video call ang natanggap. Mula sa kaniyang Mama, Papa, at Kuya Marco.

“Anak, lagi kang mag-iingat. Ang mga kagaya mo ay isang makabagong bayani. Proud na proud kami sa iyo. Kayo ang makabagong bayani ng bayan,” nakangiting sabi ng kaniyang Papa, gayundin ang kaniyang Mama at Kuya.

Naiyak sa galak si Esmie. Masarap pala sa pakiramdam na mapag-alamang proud sa kaniya ang pamilya, lalo na ang kaniyang Papa. Ito ang nagbigay ng ibayong lakas sa kaniya upang patuloy na lumaban at makipaglaban sa pandemyang lumalaganap sa buong Pilipinas.

Makalipas ang ilang buwan at tuluyang nawala ang virus. Pinarangalan sa bawat bayan ang lahat ng health care workers at frontliners. Proud na proud ang mismong congressman, governor, at mayor dahil isa sa mga maituturing na makabagong bayaning si Esmie, ang kanilang bunso.

Advertisement