“Mama, tingnan mo o, may award ako!” ‘ika ni Gabriella saka ipinakita sa ina ang nakuhang award. Buong akala niya’y matutuwa ito ngunit kasalungat ng kaniyang inaakala ang naging reaksyon nito.
“O, anong gusto mong gawin ko? Gusto mo na namang mabigyan ng pera, ano? Ayaw mong gumaya sa ate mo! Hindi mahangin pero lumalaban sa pag-aaral. Eh, ikaw? Makakuha lang ng isang walang kwentang papel, ipapakalandakan na!” bulyaw ni Aling Ode sa kaniyang anak saka bumalik sa pagtitiklop ng damit.
“Hindi naman po sa ganoon, mama. Gusto ko lang po na malaman niyong nag-aaral ako ng mabuti at hindi sayang yung pinapabaon niyo sa akin,” depensa nito, bakas na sa mukha ng dalaga ang pagkalungkot.
“Alam ko naman, eh, kaya huwag mo nang ipakalandakan ‘yan!” sigaw pa niya, “O, dalian mo’t magbihis ka na! Tapos magsaing ka na. Hindi raw uuwi ang ate mo kaya ikaw na ang bahala sa kusina,” utos niya agad namang sumunod ang kaniyang anak at nagmadaling magbihis habang pigil pigil ang mga luha.
Limang taon nang biyuda ang ginang na si Aling Ode. Ang pagkawala ng kaniyang asawa ang naging dahilan upang tumigil siya sa pangingibang-bansa na labis niyang ikinainis dahil doon nagsimulang bumaba ang estado nila sa buhay.
Yumao ang kaniyang asawa dahil sa isang aksidente. Nagmadali itong pumunta sa paaralan ni Gabriella dahil sasabitan ito ng medalya. Ngunit habang nasa daan, bigla na lamang may sumulpot na motor, at sa kakaiwas ng kaniyang asawa, bumangga ito sa isang poste’t doon binawian ng buhay. Kaya ganoon na lamang nalayo ang kaniyang loob sa bunsong anak dahil hanggang ngayon, ito ang kaniyang sinisisi sa pagkawala ng kaniyang asawa’t yaman sa buhay.
Mabait at matalino naman kung tutuusin ang dalaga. Ganoon nga lang talaga kalalim ang sama ng loob niya dito dahilan upang kahit anong parangal ang makuha nito sa paaralan, lalo na’t magtatapos na ito, binabalewala niya ito at palaging sinesermunan.
Noong araw na ‘yon, matapos niyang magtiklop ng mga damit. Agad siyang nahiga upang pansamantalang magpahinga. Ngunit tila napasarap ang kaniyang tulog at nagising siya ng alas onse ng gabi.
Dahil sa gutom, agad siyang nagtungo sa kanilang kusina. Laking gulat niya na pagbukas niya ng kaldero, wala pang bawas ang sinaing ng kaniyang anak, “Nag-inarte na naman! Hindi na naman kumain! Tapos kapag nagkasakit, gastos ko na naman!” ika niya sa sarili, “Gabriella! Wala ka bang balak kumain, ha?” sigaw niya dito. Makailang tawag siya sa anak ngunit hindi pa rin ito bumababa mula sa kaniyang kwarto dahilan upang akyatin na niya ito.
Laking gulat niya nang madatnang limas lahat ng gamit at damit ng dalaga.
“Diyos ko, naglayas pa! Babalik ka rin, naku! Akala mo talaga may ipagmamalaki na!” ika niya saka bumaba na muli sa kusina upang kumain. Hindi man lang niya sinubukang tawagan ito o hanapin, hinayaan na niya itong umalis dahil nga rason niya, babalik rin naman.
Ngunit isang buwan na ang lumipas, walang Gabriella ang umuwi sa kaniya na bahagya niyang ikinatuwa dahil wala na raw malas sa bahay nila at mababawasan na ang gastusin. Ika niya sa kaniyang panganay nang magtanong ito kung hindi ba nila hahanapin ang dalaga, “Hayaan mo siya! Gusto niya ‘yan, eh. Magaling siya, diba? Tingnan na lang natin. Pustahan tayo, uuwing buntis ‘yan!” sambit niya ngunit tila natameme siya sa sinagot ng kaniyang panganay.
“Ako ang buntis, ma,” muntikan na siyang mahim*tay sa sagot nito. Halos maglupasay siya sa sahig at humagulgol.
“Anak naman, wala pang anim na buwan noong makapagtapos ka, wala ka pa ngang trabaho, eh! Paano na ako niyan?” daing niya dito ngunit umiyak lamang ito nang umiyak sa harapan niya.
Doon na mas lalong naghirap ang buhay nila. Ayaw panagutan ng nobyo ng kaniyang anak ang dinadala nito dahilan upang siya ang magtustos dito. Napilitan siyang tumanggap ng labada at pumasok bilang kasambahay amsa kaniyang kumare na naging dahilan naman nang pagbagsak ng kaniyang katawan.
Ngunit kahit pa ganoon, pilit pa rin siyang kumayod upang mairaos ng kaniyang panganay ang panganganak.
Isang araw, laking gulat niya ng may isang kotseng pumarada sa harap ng kanilang bahay. Halos mapaiyak siya nang makita kung sino ang bumaba mula dito.
“Mama! Kamusta? May maipagmamalaki na ako sa’yo!” sambit ni Gabriella saka pinunasan ang kaniyang pawis at yumakap sa kaniya.
Doon niya unang beses nayakap nang ganoon kahigpit ang dalaga. Mangiyakngiyak siyang humingi ng kapatawaran dito at ganoon na lamang siya nabigyan ng pag-asa nang sabihin nitong, “Wala ‘yon, mama. Kahit ano namang gawin mo, mahal kita, mama kita, eh!”
Iyon na ang naging simula ng muli nilang pag-angat sa buhay. Pinatigil na siya ng anak sa pagtatrabaho at ito na ang umagapay sa kaniyang ate. Laking pasasalamat niya dahil ngayon, nakakapagpahinga na siya’t may pagkakataon pang makapagpatingin sa doktor.
Ang dating dalagang sinisisi niya sa pagkawala ng kaniyang asawa’t yaman, isa na ngayong abodago’t tinataguyod ang kanilang buong pamilya. Labis man ang kaniyang pagsisisi, masaya siyang napatawad siya ng kaniyang anak.
Minsan talaga, kung sino pa ang binababa’t inaayawan, siya pa ang magtatagumpay sa buhay at tutulong sa mga nangbaba sa kaniya.