Ganap na hapon noong nang pumunta si Aleng Lolet sa paborito niyang restawran upang kumain. Dahil nasa abroad ang asawa at abala naman ang mga anak sa trabaho, napagdesisyunan niyang ipagdiwang nang mag-isa na ang kaniyang kaarawan.
Bitbit ang maliit na cake at kandila, may malalaking ngiti siyang sumalubong sa mga tao roon.
“Magandang hapon po Aleng Lolet at maligayang kaarawan din po!” masiglang bati sa kaniya nang isang waiter.
Kilala doon ang ale, dahil taon-taon niyang doon ginaganap ang kaarawan. Nagkataon lamang na ngayong taon, hindi niya kasama ang pamilya.
“Bakit mag-isa po ata kayo ngayon?” tanong naman ng kahera.
“Nako, busy na kasi ang mga anak ko. Simula nang makapagtapos ay tila ba naging trabaho na lamang ang buhay, ngunit hindi na bale, basta kakain ako ng paborito kong pagkain ngayon,” may lungkot, ngunit pinilit pa rin ng ale na maging masigla.
Um-order na ng pagkain at inumin ang babae. Habang nag-iintay ay palingat-lingat siya sa paligid. ‘Di sinasadyang tumama ang kaniyang paningin sa isang payat na binatilyo sa labas ng restawran. Nakatingin rin ito sa kaniya at tila ba nahiyang umiwas ito ng tingin.
Napansin ng babae na nakahawak ito sa sikmura at may bitbit na malaking bag sa kabilang kamay. Napa-iling na lamang siya at napabulong, “Ang mga kabataan talaga ngayon…”
Dahan-dahan namang bumalik ang tingin nang binatilyo sa ale, at laking gulat nito nang makitang nakatitig pa rin ang babae sa kaniya. Muling umiwas ng tingin ang lalaki at kunwaring may tinitignan sa ‘di kalayuan.
Makalipas ang ilan saglit, tila ba namutla sa gulat ang binatilyo sa narinig.
“Totoy! Bakit kanina mo pa ako tinitingnan?” tanong ni Aleng Lolet na lumabas mula sa restawran.
“Ah w-wala po. H-hindi ko po sinasadya,” utal-utal na sagot naman ng binatilyo.
“Nako, kitang-kita ng dalawang mata ko nakatingin ka. Nagugutom ka ‘no?” tanong muli ng ale, “hijo, bakit ka kasi lumayas tapos hahayaan mong magutom ang sarili mo?” dagdag pa nito.
“P-paano ninyo po nalaman?” gulat na tanong naman ng lalaki.
“Halika, saluhan mo akong kumain sa loob,” tumingin ang babae sa binatilyo at nakitang nag-aalangan ito, “huwag kang mag-alala, sagot ko. Halika na, para makakain na,” pag-aaya pa nitong muli.
Napangiti ng bahagya ang binatilyo at saka sumunod kay Aleng Lolet. Nahihiya pa itong umupo sa loob ng restawran, ngunit napawi ito dahil sa mainit na pakikisama ng babae.
“Pumili ka lang dyan ng kahit anong gusto mo ha? Mahalaga ay malamnan iyang sikmura mo. Birthday ko kasi ngayon… kaya treat ko na sa’yo ‘yan. O siya hijo, mamili ka na,” nakangiting sabi ng babae.
“Salamat po… at saka happy birthday po pala sa inyo,” tugon naman ng lalaki.
Kakaunti ang in-order ng binatilyo, ngunit hindi pumayag ang ale kaya pinadagdagan niya ito. Tila piyesta tuloy ang kanilang lamesa sa dami ng pagkain.
Habang kumakain, nakipagkwentuhan ang mabuting ginang sa binatilyong tila ba hinahabol sa bilis ng pagkain.
“Hijo, matanong ko lang, bakit ka lumayas sa inyo?”
“Paano niyo po nalaman… este nasabi po pala na lumayas ako?” tanong ng lalaki.
“Ganyang edad din kasi nung lumayas ako sa amin noon. Kaya unang tingin ko pa lamang sa’yo, nabatid ko na agad,” tumahimik saglit ang ale at saka muling nagtanong, “maaari ko bang malaman ang rason?”
“Hindi po kasi ako kayang pag-aralin ng nanay at tatay ko ng kolehiyo. Gusto po nilang ipadala ako doon sa tiyahin ko sa probinsya upang maging kargador at kumita na, pero mataas po ang pangarap ko,” nangingilid ang mga luha sa matang sabi ng binatilyo. “Angelo po pala… Angelo po ang pangalan ko,” dagdag pa nito.
“Aleng Lolet na lamang ang itawag mo sa akin. Halos pareho pala tayo ng sitwasyon noon, pero pinilit kong baguhin ang sitwasyon ko. Kinaya kong gawing posible ang imposible,” nakangising sabi ng babae at saka humigop ng malamig na kape.
“A-ano po ba ang nangyari sa inyo? Maari niyo po bang ikwento?” interesadong sabi naman ng binatilyo.
Napangiti lamang ang ale at nagsimula nang magkwento:
“Labing anim na taon lamang ako noon, pero sugarol ang nanay ko at lasenggo naman ang tatay ko. Pangarap ko makatungtong ng kolehiyo noon, pero mahal raw sabi ng nanay ko. Masyado naman daw mataas ang pangarap ko, sabi ng tatay ko. Wala raw ipangtutustos para sa akin. Wala akong suportang nakuha mula sa kanila.
Isang araw, napag-alaman kong ipinagkasundo pala ako ng nanay kong ipakasal sa lalaking halos dalawas beses ang tanda sa akin. Pakiramdam ko’y ibinenta nila ako noon. Para sa pera…
Ang tatay ko naman, gusto akong ipasok sa beer house upang doon ay maging mananayaw. Yun lang daw ang paraan upang kumita ako ng malaki at makatulong na maiahon kami mula sa putikan… ang dumihan ang pagkatao ko at ilagay rin sa mas masahol na putikan.
Nang malaman ko iyon, inayos ko lahat ng kagamitan ko at nagpakalayo-layo. Hindi ko alam kung saan ako pupulutin o kung ano nang mangyayari sa akin, pero mas nakakatakot kung mananatili ako sa amin.
Dito sa restawran na ito… dito ako napadpad. Isang babae rin ang kumain rito at nag-alok ng pagkain sa akin. Nagkataon noon, kakilala niya ang may-ari rito. Ipinasok niya akong taga-hugas ng plato matapos niyang malaman ang kwento ko.
Doon nagsimulang magbago ang buhay ko. Sa isang state university, sinubukan ko ang swerte ko, ngumiti ang langit at hinayaan akong makapasok roon. Naging mabait ang may-ari ng restawran na ito, kaya pinatuloy niya ako rito.
Sa umaga nagtra-trabaho ako rito. Doble-kayod. Taga-hugas ng pinggan, minsan naman waitress. Sa gabi, nag-aaral ako. Akalain mo yun? Natiyaga ko. Nakatapos ako ng Marketing Management na Cum Laude pa.
Hijo… may kakayahan kang baguhin ang kapalaran mo kung susubukan mo. Hindi titigil ang mundong ito para sa’yo, kaya’t kumilos ka. Kung ayaw mo sa patutunguhan mo, baguhin mo ang daan mo. Hindi pa huli ang lahat. Isang desisyon lang ang pagitan mo sa magandang buhay sa hinaharap.”
Napatulala ang binatilyo sa kwento ng ale. Pumatak ang luha mula sa kaniyang mga mata.
“Grabe rin po pala ang pinagdaanan ninyo. Nakakamangha po ang pinakita niyong tapang. Isa kayong inspirasyon!” tuwang-tuwang sabi ni Angelo.
“Angelo, tanggapin mo ito…” iniabot ng ale ang isang sobre. Agad naman itong tiningnan ng binatilyo.
“Nako, ang laking halaga po nito. Hindi ko po ito matatanggap…”
“Isipin mo na lang na isang regalo iyan. Nasa iyo ang desisyon kung saan mo gagamitin. Tandaan mo ang sinabi ko, isang desisyon lang ang layo ng maganda buhay na nag-iintay sa iyo. Sana ay gamitin mo ng tama,” sagot naman ni Aleng Lolet habang nakahawak sa kamay ng lalaki.
“S-salamat po. Hindi po tayo magkakilala, pero grabeng kabaitan po ang ipinakita ninyo,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Angelo.
“Sa takdang panahon, nawa’y maibalik mo rin ang tulong na ito sa iba. Maging pagpapala ka rin sana sa kanila. Sana ay muli pang magtagpo ang landas natin balang-araw upang malaman ko ang mga nangyari sa iyo. Aasahan ko ang muli nating pagkikita,” tugon naman ng ginang.
Matapos kumain ay nagpaalam na si Aleng Lolet sa binatilyo. Pinabaunan pa niya ito ng mga pagkain na dadalhin sa pag-uwi.
Pagkalipas ng pitong taon…
Parehong araw at parehong oras. Bumalik muli si Aleng Lolet sa paboritong restawran. Ilang taon din siyang hindi nakakain roon, dahil matagal silang nanirahan sa Australia kasama ang asawa at mga anak.
Sabik na sabik ang matandang muling matikman ang kaniyang paboritong mga pagkain. Pero laking gulat niya nang tila bai sang malaking piyesta ang hinanda sa kaniya at sobra-sobra pa sa kaniyang in-order.
“Teka, sobra ata ito? Hindi ko kayang ubusin lahat ng ito,” sabi ng matandang babae.
“Iyan po kasi ang utos sa akin nang manager namin. Para raw po sa inyo ‘yan…” tugon naman ng waiter.
“Nako, hindi ko kayang ubusin lahat ng ito. At saka bakit daw niya ako binigyan ng napakaraming pagkain? Bibitayin na ba ako?” natatawang biro pa ng matanda.
Maya-maya pa’y lumabas ang isang matangkad na lalaki. May dalang cake na katulad nang dala ni Aleng Lolet pitong taon na ang nakalilipas.
May mga luha sa matang napatakip ng bibig ang matanda. Pamilyar ang mukha na nakikita niya at hindi siya makapaniwala…
“Kumusta po kayo Aleng Lolet? Long time no see po ah? Happy Birthday po!” nakangiting bati ng ginoo.
“I-ikaw na ba iyan?” ‘di makapaniwalang tanong ng matanda.
“Opo. Ito na po ako ngayon, dahil sa inyo…”
“Diyos ko, Angelo, ikaw nga!” napatayo ang matanda at lumapit sa binata.
“Salamat po Aleng Lolet sa lahat-lahat. Kayo ang dahilan kung bakit nandito ako ngayon. Manager na po ako dito at ang tagal kong hinintay na muli kayong makita,” naluluhang sabi ni Angelo. Niyakap niya ang matanda at saka iniabot ang isang sobre.
“A-ano ito?” tanong ng matanda.
“Regalo ko po sa inyo. Kopya ng diploma ko. Upang laging magpaalala sa inyo na may isang buhay kayong binago. Naging matagumpay ako dahil sa tulong ninyo.
Pinilit kong iginapang ang mga pangarap ko, gaya nang sa kwento ninyo noon. At eto na po ako ngayon. Salamat, Aleng Lolet. Utang ko ang lahat ng ito sa inyo,” lumuluhang sabi ng binata.
Hindi pa doon natatapos ang sorpresa, dahil inimbitahan pala ni Angelo ang kaniyang pamilya pati na rin ang pamilya ni Aleng Lolet. Pati ang ilang mga kakilala ng matanda noon sa restawran. Sabay-sabay nilang ipinagdiwang ang kaarawan ng matanda. Napuno ng kwentuhan at tawanan ang araw na iyon.
Naging isang malaking pagpapala si Aleng Lolet sa naliligaw na binatilyo noon. Nang dahil sa kaniya, nagkaroon ng patutunguhan ang naliligaw na landas ni Angelo.