
Sa’yo Dapat si Mama!
“Anong mayroon at bakit biglang may family gathering ata tayo?” tanong ni Micah, ang bunso sa magkakapatid.
“Mabilis lang dapat itong usapan natin, uuwi na si mama kasi may sakit na siya sa baga. Pinapauwi na siya ng amo niya,” saad naman ni Alberto, ang pangalawa sa magkakapatid.
“Wow! Magandang balita ito! E ‘di ibig sabihin, magbabakasyon tayo? Hahanap na ba ako ng resort?” magiliw na tanong ni Micah sa dalawa. Hindi sumagot ito at inikot lamang ang kanilang mga mata sa kaniya at saka bumuntong hininga.
“Ba’t ganyan ang mga itsura niyo? ‘Di ba palagi naman tayong nagbabakasyon ‘pag umuuwi si mama? Anong problema ngayon?” wikang muli ni Micah sa dalawa.
“Hindi na ito simpleng bakasyon lang. Hindi na siya babalik, ibig sabihin dito na siya sa atin. Dito na siya sa Pilipinas!” baling ni Yolly sa kaniya, ang panganay sa magkakapatid.
“Kaya tayo nagkita-kita ngayon para sabihin na nakapagdesisyon na kaming sa’yo dapat si mama,” diretsong pahayag ni Alberto kay Micah.
“Ah? Sa akin? E nangungupahan lang ako! Kayo ‘tong may mga bahay at ang lalaki pa. Bakit hindi niyo sa inyo patuluyin si mama?” inis na sinabi ni Micah sa mga kapatid.
“May pamilya na ako at nakikitira lang kami sa biyenan ko. Nakakahiya naman na dalawang nanay ko na ang kasama ko sa isang bubong. Hindi na nga ako makahinga roon sa isa, dadagdagan niyo pa ba? Tsaka ikaw talaga dapat ang mag-alaga kay mama lalo sa ganitong pagkakataon,” baling muli ni Yolly.
“Hindi rin pwede sa akin kasi ayaw ng asawa ko. Isa pa, hindi naman kami malapit sa isa’t-isa ni mama. Tsaka ikaw lang naman ang pinag-aral niya ng kolehiyo. Hindi ba’t dapat mo lang siyang alagaan sa pagtanda niya?” singit naman ni Alberto.
Mabigat man para kay Micah ay wala siyang nagawa sa desisyon ng kaniyang mga kapatid. Naiyak na lamang siya dahil nagsisimula pa lamang siya sa kaniyang karera sa buhay. Ni wala pa siyang napupundar at natatakot siyang mapahiya sa kaniyang ina.
“Anak, nasaan ang mga kapatid mo? Hindi ba’t lagi kayong kumpleto kapag sinusundo niyo ako?” tanong ni Aling Amelia, ang nanay ng dalaga.
“Maraming ganap ‘yun sa mga buhay nila, ‘ma. ‘Wag ka nang umasa na magkaoras pa ‘yung mga ‘yun,” matabang na sagot ni Micah dito.
“Ma, nga pala, pasensya ka na sa tutuluyan natin, ha? ‘Yun lang kasi ang nakayanan kong upuhan, sa akin ka na muna tutuloy,” wikang muli ni Micah sa kaniyang nanay habang sila ay nasa byahe galing aiport.
“Umalis ka na pala sa kuya mo? Hindi ba’t mas maganda kung doon tayo didiretso, para surpresahin sila? Tara na!” masiglang yaya ni Aling Amelia sa kaniya. Wala namang nagawa si Micah sa gusto ng kaniyang nanay. Hindi rin naman siguro makakasama na makita nito ang kaniyang ibang anak at wala na rin siyang pakialam pa kung magalit man ang mga kapatid niya sa kaniya dahil dinala niya ang kanilang nanay.
Nang makarating ang dalawa ay nagulat si Micah na nandoon rin ang kapatid niyang si Yolly at buong pamilya nito. May handaan pala si Alberto sa kanilang tahanan.
“Ma, bakit nandito kayo?” gulat na tanong ni Alberto sa kaniyang nanay.
“Bakit naman ganyan ang tanong mo sa nanay mo, anak?” nagtatakang tanong ni Aling Amelia sa kaniya.
“Wow, may handaan pala bakit hindi kami imbitado?” pabalang na wika ni Micah sa dalawa niyang kapatid.
Mabilis naman na hinatak ni Alberto ang kaniyang ina at sumunod ang dalawa niyang kapatid.
“Maliit na selebrasyon lang ito kasi nakapagbenta ng malaki ang misis ko, alam niyo naman na ayaw sa inyo nun, ‘di ba? Kaya hindi ko na kayo sinabihan,” paliwanag naman ni Alberto sa kaniyang nanay.
“Isa pa, si Micah na ang mag-aalaga sa inyo. Hindi na rin tayo magbabakasyon katulad ng dati kasi may sakit kayo at wala na kayong trabaho. Ibig sabihin wala na kayong pera at dagdag gastos sa aming mga anak niyo. Si Micah na ang bahala sa inyo, tutal siya lang din naman ang pinag-aral niyo,” singit naman kaagad ni Yolly.
“Ito ba ang handa niyo sa akin ngayong hindi na ako babalik sa ibang bansa? Ngayong hindi na ako magtratrabaho?” malungkot na tanong ni Aling Amelia sa kaniyang mga anak.
“Pasensiya ka na, ‘ma, pero ito talaga ang realidad ng mundo. Malalaki na kami at may sariling pamilya, hindi ka na namin masusuportahan o maalagaan. Pero nandiyan naman ‘yang si Micah at wala pa ring pamilya ‘yan kaya siya na ang bahala sa inyo,” sagot naman kaagad ni Yolly sa kaniyang ina.
“Ma, hayaan mo na sila. Tara na, uwi na tayo,” singit naman ni Micah sa tatlo.
“Nakakalungkot namang isipin na nagkaganito ang mga anak ko habang nagbabanat ako ng buto sa ibang bansa. Hindi ba’t ginawa ko naman ang lahat para mapag-aral kayo pero si Micah lang ang nagpursigeng makapagtapos? Ngayon na nandito ako at walang pera ay ganito pala ang magiging trato niyo. Patawarin niyo ako mga, anak,” naiiyak na saad ni Aling Amelia.
“Wala talaga akong sakit at nanalo ako sa lotto sa ibang bansa. Kaya ako umuwi dahil may pera na ako para sa inyong tatlo. Nakakalungkot lang isipin na ganito pala ang magiging trato niyo sa akin. Patawarin niyo ako at paalam,” dagdag pa ng ale saka ito umalis.
Hindi naman nakapagsalita si Micah sa kaniyang narinig. Halos mabilaukan naman sina Alberto at Yolly at mabilis na humingi ng tawad sa kanilang ina ngunit lumipas na ang ilang buwan ay hindi pa rin sila pinapatawad nito.
“Ma, sa totoo lang nung nalaman ko na uuwi ka na at gusto nila ate tsaka kuya na sa akin ka ay natakot ako. Natakot ako kasi wala pa akong naibubuga sa buhay, natatakot ako kung paano kita masusuportahan kaya patawarin mo ako, ma,” naiiyak na kumpisal ni Micah sa kaniyang anak.
“Ganyan din naman ako noon nung maliliit pa kayo pero kinaya ko. Normal lang ang matakot pero salamat, anak, dahil tinaggap mo ako. Hayaan mo na ang mga kapatid mo, kinalauna’y malalaman rin nila ang halaga ng isang ina kaysa sa pera,” sagot naman ni Aling Amelia saka niya niyakap ang anak.
Ngayon ay masaya at simpleng naninirahan ang dalawa habang ang ibang anak naman ng ale ay patuloy sa paghingi ng pera at tawad sa kaniya. Si Micah naman ay masayang-masaya dahil araw-araw na niyang nararamdaman ang magkaroon ng isang ina sa kaniyang tabi at mas binibigyan niya ito ng importansya ngayon. Dahil ang pera ay madaling kitain ngunit ang mga magulang natin ay nag-iisa lamang sa mundo.