Halos mag lalabing walong taon na rin simula nang ikasal si Cherry sa kaniyang mister na si Dante. Tutol man ang kaniyang mga magulang noon ay wala na silang nagawa sapagkat hindi sinasadyang nagbunga ang pagmamahalan ng dalawa. Agad namang pinanagutan ni Dante ang kaniyang nagawa kay Cherry upang patunayan ang pagmamahal nito sa asawa.
Ngunit dalawang taon pa lamang silang kasal ay nabalitaan na ni Cherry na mayroong kalaguyo itong si Dante. Lubusan ang paghingi ng mister sa kaniya ng kapatawaran. Ni sa hinagap ay hindi kasi naisip ni Cherry na magagawa ito ng asawa. Lubusan man din ang galit ng ginang ay wala na siyang nagawa kundi patawarin niya ang asawa sapagkat mahal niya ito at mayroon silang anak. Ayaw niyang lumaki ang kanilang anak na walang kinikilalang ama.
Nasundan muli ang pagbubuntis ni Cherry. Sa pagkakataong ito ay nahuli na naman niya ang asawa na mayroon muling kalaguyo. Ngunit dahil nga kasal sila at nangako si Dante na hindi na muli ito mauulit ay muli siyang pinatawad ni Cherry.
“Hindi ko alam sa iyo, Cherry, bakit palagi mo na lamang pinatatawad ang asawa mo!” sambit ng kaniyang matalik na kaibigang si Dahlia. “Hindi na uso ang martir ngayon. Buti na lamang nga at hindi nakakarating sa mga magulang mo ang balitang ‘yan. O, hindi ba tama sila? Walang magandang maidudulot sa iyo ang pagpapakasal mo riyan sa babaero mong asawa!” dagdag pa ng ginang.
“Mayroon naman, Dahlia — ang mga anak ko. Sila na nga lang ang iniisip ko sa sitwasyon ko ngayon. Ayaw kong lumaki sila sa isang wasak na pamilya kaya tinitiis ko na lang ang gawain ng kanilang ama,” tugon ni Cherry.
“Ngunit hanggang kailan, Cherry? Dalawang beses na ‘yang nagagawa ng asawa mo. Malaki ang tyansa na ulitin niya ‘yan ulit!” wika ng kaibigan.
“Basta, Dahlia, huwag mo na ito ipaalam sa mga magulang ko. Ayaw ko silang bigyan ng sakit ng ulo. Hindi naman ako nagkukulang sa panalangin na sana ay magbago na si Dante. Naniniwala ako na isang araw ay mangyayari iyon,” pakiusap ni Cherry.
Lumipas ang mga taon at tama nga ang hinala ng kaibigan niyang si Dahlia. Hindi natigil si Dante sa kaniyang pambababae. Pabata rin nang pabata ang kaniyang mga natitipuhan. Dahil nga alam ni Dante kung paano huhulihin ang kiliti nitong si Cherry ay malaya siyang nakakagawa ng pagtataksil sa asawa. Naniniwala naman ang ginang na hindi na nagloloko ang kaniyang mister.
Hanggang isang araw ay may bago silang naging kasambahay, si Mayla. Bata ito at may itsura. Ngunit dahil na rin sa paglalambing ni Dante ay walang inisip na masama itong si Cherry. Lalo pa at ang sabi ng bagong kasambahay ay mayroon siyang nobyo at malapit na silang ikasal nito.
Wala ring naging problema si Cherry sa paninilbihan ni Mayla. Maayos ito at pormal sa kanila.
Ngunit hindi makakatakas sa mapupusok na mata ni Dante ang kanilang kasamabahay. Habang natutulog ng mahimbing ang asawa ay pinasok niya sa silid si Mayla at tinabihan sa kama.
“Huwag kang maingay at baka magising ang asawa ko,” pabulong ni Dante habang takip ang bibig ni Mayla.
“Kuya, bakit po? Anong ginagawa nyo po rito?” nangangatog na boses ng dalaga. “Baka po anong isipin ni Ate Cherry. Umalis na po kayo,” pagmamakaawa nito.
“Tataasan ko ang binibigay sa’yo ng asawa ko. Bibilhin ko lahat ng gusto mo. Basta gawin mo lang ang ipapagawa ko. Alam mo namang marami nang pagkukulang sa akin ang asawa ko at sa tingin ko ay maibibigay mo ‘yon sa akin. Bilang kapalit ay ibibigay ko ang lahat ng naisin mo,” pang-uuto ni Dante.
“Gusto mo ba ng bagong selpon? Sabihin mo lang sa akin at bukas na bukas ay ibibili kita. Basta pagbigyan mo lang ako sa gusto ko,” dagdag pa nito. “Kahit na ‘yung pinakamahal kung gusto mo. Basta sa akin ka na.”
At dahil na rin sa kakisigan ni Dante at sa mga mabulaklak nitong dila ay nakuha niya kaagad ang kasambahay. Hindi naglaon ay may nangyari na sa kanila. Habang si Cherry naman ay laging abala sa kanilang negosyo, abala rin ang kaniyang mister at kasambahay sa paggawa ng kasalanan.
Dahil sa patuloy na pagtatago sa likod ni Cherry ay lalong naging mapusok ang relasyon ng dalawa.
Sa parte naman ni Mayla ay unti-unti na niyang natutunan ding hanapin ang mga yakap at yapos ng amo at nahuhulog na siya dito ng paunti-unti.
“Bakit hindi na lang tayo magsama, mahal? Alam kong mas mahal mo naman ako kaysa sa asawa mo. Mas maganda ako at mas mapagsisilbihan kita. Hindi kagaya niya na laging wala at abala sa negosyo ninyo. Saka di hamak na maibibigay ko sa’yo lahat ng pangangailangan mo bilang isang lalaki,” sambit ni Mayla.
“Darating din tayo riyan. Unti-untiin natin. Pero sa ngayon, tara muna sa kwarto at alam mo na ang gagawin natin,” paglalambing ni Dante sa kaniyang kasambahay.
Lingid sa kanilang kaalaman ay nakakatunog na si Cherry sa mga pangyayari dahil nagsumbong ang kaniyang anak sa mga ikinikilos ng dalawa. Hinuli nila sa akto si Dante at Mayla at doon nga sa silid pa nilang mag-asawa mismo naabutan ang kahayupang ginagawa ng mag-amo.
“Ang kakapal ng mukha ninyo! Talagang dito ninyo pa ginagawa ang kababuyan ninyong dalawa?! Mga wala kayong respeto! Mga walang hiya kayo! Magsilayas kayo sa pamamahay ko!” halos malatid ang ugat sa leeg ni Cherry sa galit.
“Ikaw lalaki ka, akala ko ba ay nagbago ka na?! Wala ka pa ring kasing demonyo, pati ang kasambahay natin ay pinatos mo! Anong klase kang asawa at tatay! Lumayas ka sa pamamahay ko at isama mo ‘yang malandi na ‘yan! Wala akong pakialam kung magsama kayo kahit sa impyerno pa, basta’t ayoko na kayong makita!” hindi na maawat si Cherry habang pinagbubuhatan ng kamay ang dalawa.
Dahil sa ginawang ito ni Dante ay nagdesisyon na si Cherry na tuluyan nang makipaghiwalay sa kaniyang asawa. Humingi rin siya ng tawad at payo sa kaniyang mga magulang.
Hindi na lamang niya sinampahan ng kaso ang dalawa ngunit walang nakuha kahit singko si Dante mula sa kanila at sa negosyo. Mula noon ay wala nang narinig pang kahit ano mula sa dating mister at kasambahay ang ginang.
Isang araw, habang patungo sa isang miting si Cherry ay natanaw niya mula sa loob ng kaniyang kotse ang isang lalaking bitbit ang kaniyang anak na nakikipagpatintero sa kalsada. Sinundan niya ito ng tingin sapagkat pamilyar ang itsura nito. Hanggang sa natanaw niyang patungo ito sa isang babaeng may bitbit din ng dalawa pa nilang anak at tila namamalimos sa lansangan.
Pinakatitigan niya ito at tama nga ang kaniyang hinala. Si Dante ito at si Mayla. Mahirap na buhay pala ang kinahantungan ng dalawa.
Nang kumatok ang mga ito sa bintana ng sasakyan ni Cherry ay agad niya itong pinagbuksan ng bahagya at binigyan ng kaunting tulong.
Napangiti na lamang siya sabay ang isang buntong hininga. Hindi siya masaya dahil sa hindi magandang sinapit ng asawa kundi nakalaya na siya mula sa isang lalaking mapang-abuso sa loob ng mahabang panahon.
Mas magandang bukas na ang natatanaw ni Cherry para sa kaniya at sa dalawa pa niyang anak.