Maagang nagpakasal sina Aileen at Jed dahil sa murang edad na sila’y nasa kolehiyo pa lamang, ay nabuntis ang babae. Punong-puno ng mga pangarap ang dalawa para sa kanilang pamilya at inaasahan na anak. Noong una’y suportado pa ng mga magulang nina Jed ang lahat ng kanilang pangangailangan ngunit dahil hindi nagkasundo ang ina nito at si Aileen, nagpakalayo-layo ang dalawa at kumuha ng sarili nilang bahay. Malayo sa kanilang mga pamilya upang walang makagulo sa kanilang mga plano.
Lumipas ang ilan pang mga buwan, nairaraos naman ni Jed ang kaniyang pamilya sa kaniyang trabaho bilang call center agent. Ngunit hindi natatapos ang isang araw na hindi nag-aaway ang dalawa dahil malimit magselos si Aileen sa mga katrabaho ni Jed. Hanggang sa dumating ang araw na kanilang pinakahihintay. Ang araw ng panganganak ni Aileen sa kanilang munting anak na lalaki na pinangalanan nilang Makoy.
Halos hindi maipinta ang mga mukha ng dalawa nang una nilang nasilayan ang mukha ng kanilang anak. Muli, napuno ng pagmamahal sina Aileen at Jed dahil kay Makoy. Kasabay din nito ay ang kanilang pangarap para sa kanilang unico hijo.
Katuwang ni Aileen sa pag-aalaga kay Makoy ang kaniyang mabuting kapitbahay na si Lola Zeny na nag-iisa na lamang sa buhay. Habang nasa trabaho si Jed, abala naman si Aileen sa pag-aalaga ng kanilang anak. Ito na yata ang isa sa masasayang sandali ng pagpapamilya, araw-araw na nasa isip ni Aileen.
Nagdaan ang ilang buwan, ang mga masasayang sandali na iyon, ay nauwi na naman sa araw-araw na sagutan at away. Umiral na naman ang pagseselos ni Aileen at ang tamang hinala niya sa asawang si Jed. Hindi siya lagi mapakali at maya-maya kung magtext sa asawa. Hindi rin naman iyon ikinatutuwa ni Jed.
Isang gabi, habang nagtatalo ang ma-asawa, bigla na lamang lumabas sa bibig ni Jed ang mungkahing sumama si Aileen sa kaniyang trabaho upang hindi na ito mag-isip ng masama. Napatigil si Aileen at sumang-ayon siya kay Jed sa naisip na iyon. Nagpasya siyang mamasukan din sa kompanya nito. Dito natapos ang kanilang pagtatalo. Pinag-usapan ng mag asawa kung paano ang mangyayari kay Makoy. Mataas ang kanilang pride upang humingi ng tulong sa mga magulang kung kaya naman naisipan nilang iwan kay Lola Zeny si Makoy na noo’y walong buwan na.
Kinabukasan, agad na kinausap ni Aileen si Lola Zeny na mabilis din naman pumayag kahit na nga siya’y medyo alanganin dahil sa kaniyang edad. Ngunit mapilit siyang kinumbinsi ni Aileen na sobra ang saya sa pagpayag ng matanda.
Nagsimula na ang pag-aayos ng mga papeles si Aileen. Dahil siya ay mahusay din naman, agad siyang natanggap at naging masaya ang dalawa sa kanilang estado. Sabay kasi ang kanilang schedule at oras ng pagpasok. Sa tuwing uuwi sila, kukunin na nila si Makoy kay Lola Zeny. Sa tuwing papasok naman, ay mag-iiwan ng pera at mga bilin sa matanda. Ganoon din ang bayad sa matanda bilang pasasalamat sa pag-aalaga kay Makoy.
Ganoon ang naging buhay ng mag asawang Jed at Aileen. Sagana sa pagkain pati na sa kanilang mga luho. Halos makumpleto na rin nila ang mga kagamitan para sa kanilang inuupahang bahay. Pati mga gamit ni Makoy at mga bakuna’t check-up ay kumpleto rin. Para sa kanila, perpekto na ang kanilang buhay.
Ayos naman ang lahat bago dumating ang panahon na tumuntong ng limang taon si Makoy. Mas tumanda na rin si Lola Zeny. Ngunit kahit na ganoon, ayaw humanap ng ibang mag-aalaga sina Aileen dahil wala silang tiwala sa iba. Hindi rin nila naiisip ang mga sakit na maaaring mayroon ang matanda dahil ang pakay lang naman nila ay maalagaan si Makoy kapag wala sila.
Isang gabi, umalis na ang dalawa at naiwan si Makoy kay Lola Zeny. Nagulantang na lamang ang dalawa sa mensahe ng isang kagawad ng kanilang barangay na dinampot ng mga pulis si Makoy dahil nakita itong pakalat-kalat sa gitna ng kalye.
Kahit na hindi pa maaari, maagang umuwi si Aileen upang alamin ang nangyari at sunduin din si Makoy. Habang si Jed ay panatag ang kaloobang maaayos din kaagad iyon ng kaniyang asawa kaya nanatili na lamang siya hanggang matapos ang kaniyang shift.
Labis na kinagulat ni Aileen nang malaman na nasa ospital si Lola Zeny dahil nakita daw itong nakahiga sa sahig matapos madulas galing banyo. Ngunit ang mas labis niyang ikinalungkot ay ang sinabi ng mga taga DSWD na hindi na niya maaaring makuha si Makoy hanggang ito ay tumungtong sa hustong gulang dahil nilabag nila ang batas na dapat ay unahin ang kapakanan ng anak at ang proteksiyon nito. Ganoon din ay kailangan nilang humarap sa korte upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili dahil maaari silang kasuhan ng gobyerno.
Nanghihina si Aileen nang matagpuan siya ni Jed sa kanilang bahay. Ang akala ni Jed na simple ay komplikado pala. Nang ilahad sa kaniya ng asawa ang lahat, napaiyak na lamang ang dalawa.
Natuto sila ng isang mahalagang aral sa pagpapamilya sa isang nakakalungkot na pangyayari. Nangako ang mag-asawa sa isa’t isa na hindi susuko hangga’t muli nilang makuha ang kanilang anak. Ganoon din ay muli silang nakipagkasundo sa kanilang mga magulang at humingi ng tawad sa kanilang marahas na naging desisyon.
Natuto ang mag-asawa na ang pagpapamilya ay hindi biro at basta-basta lamang. Lalo na ngayong sila ay mga magulang na, kailangan nilang mag-isip ng para sa ikabubuti, hindi lamang nilang dalawa, kundi pati na sa kapakanan ng pinakamamahal nilang anak.