“Lara!!!” matinis na sigaw ni Aleng Bening habang tinatawag ang pangalan ng kaniyang kapitbahay. “Lara, lumabas ka d’yan sa bahay niyo!” Galit pa ring wika ni Bening.
“Ano ba ang kailangan mo sa kapatid ko Aleng Bening?” nagtatakang tanong ni Jenny, ang kapatid ni Lara.
“Palabasin mo ang kapatid mo Jenny, dahil nawawala ang wallet ko. May laman pa naman iyong tatlong libo, pambayad ko sa’king 5’6 tapos kinuha lang niya!” Gigil na wika ni Bening.
“Lara,” tawag ni Jenny sa nakakabatang kapatid.
“Ano?!” inis na sambit ni Lara habang pababa sa hagdanan ng bahay nila.
“May ninakaw ka na naman ba?” mahinahong tanong ni Jenny kay Lara.
Kilala si Lara na magnanakaw sa lugar nila. Kaya kapag may nawawalang kahit anong gamit ay pinakaunang naiisip ng iilan ay si Lara ang may kagagagawan.
“Ikaw na bata ka. Ang bata-bata mo pa e magnanakaw ka na!” gigil na harap ni Aleng Bening. “Sayang lang ang ganda mo, kasi napakadelikado naman ng kamay na mayroon ka. Wala ka nang sinasanto, kahit ano na lang ang maibigan mo ay ninanakaw mo! Akin na ang wallet ko. Ipapambayad ko pa iyon sa bumbay na inutangan ko,” wika ni Bening.
“Bakit ba kapag may nawawala sa inyo, ako ang hinahanapan niyo?” nakabusangot na wika ni Lara. “Wala sa’kin ang wallet mo matanda,” singhal ni Lara kay Bening, dahilan upang mainis ang matanda kaya nasabunutan siya nito.
“Napakasinungaling mo!” Gigil na hinila ni Bening ang buhok ng kinse anyos na dalagita. Hindi naman magkandaugaga si Jenny na awatin ang dalawa.
“Tama na iyan,” pigil ni Jenny sa dalawa. Nang maghiwalay ay agad niyang hinarap ang nakakabatang kapatid. “Lara, ilabas mo na kung ikaw nga ang kumuha,” naiinis na ring wika ni Jenny.
“Wala nga sa’kin! Bakit ba ang kukulit ninyo,” wika ni Lara.
“Alam kong ikaw ang kumuha no’n dahil kani-kanina lang ay kung ano-ano ang pinagbibili mo,” sagot naman ni Jenny.
“Nakita mo pala e! Ibig sabihin ubos na ang pera na ‘yon kaya wala na sa’kin.” Sa wakas ay inamin na rin ni Lara ang kasalanang nagawa.
Nanggigigil na sinampal ni Jenny ang kapatid. “Gano’n lang kadali sa’yo ang umubos ng tatlong libo?! Hindi mo ba alam kung gaano kahirap ang kumayod at kumita ng pera? Palibhasa kasi pagnanakaw lang ng kung ano-ano ang alam mo kaya ganyan ka! Hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin sa’yo, Lara!” nahihirapang wika ni Jenny.
“Para sa tatlong libo lang nagkakaganyan na kayo?” wika ni Lara sabay irap.
“Anong para sa tatlong libo lang? Maliit na halaga lang ba para sa’yo ang tatlong libo? Ang kapal din talaga ng mukha mo.” Sa sobrang inis ay si Jenny na mismo ang sumabunot sa kapatid. “Kung pwede lang kitang ipakulong, ipapakulong na kita para matapos na ang ibinibigay mong sakit sa ulo,” gigil na wika ni Jenny.
“Sige! Ipakulong niyo ako. D’yan naman kayo magaling ‘di ba? Kaya nga ako pinaampon ng magaling mong nanay noong bata pa ako kasi mga wala kayong kwentang lahat. Tapos ngayon ipapakulong niyo ako. Sige, ipakulong niyo!” singhal ni Lara.
“Kaya ka nagrerebelde dahil ipinaampon ka ni mama noon? Naipaliwanag na namin sa’yo ang dahilan ni mama at papa pero sadyang makitid lang talaga iyang utak mo kaya hindi mo naiintindihan.
Ito ba ang gusto mo? ‘Yong ipahiya ang sarili mo sa ibang tao. Kilalang-kilala ka na dito bilang magnanakaw, bilang tirador ng kung ano-anong gamit. Ano pa bang hinihintay mo para tuluyan kang magbago, Lara? Kulungan, o baka isang araw makita ka na lang naming palutang-lutang iyang katawan mo sa ilog!” Mangiyak-iyak na wika ni Jenny.
“Hindi pa ba sapat ang pahirap na ibinigay mo sa’min, Lara?” Humihikbing tanong ni Jenny. “Kailan ka ba magbabago? Ilang kasalanan pa ba ang dapat kung ayusin upang magbago ka na nang tuluyan?!”
Umiiyak na rin si Lara dahil sa mga sinabi ni Jenny. “Sorry ate,” mahinang sambit nito.
“Galit kasi ako kaya gustong-gusto kong pinapahirapan kayo,” dugtong pa ni Lara.
“Kung anuman ang nangyari noon sana palawakin mo ang iyong isipan. Dahil hindi naman talaga mahalaga kung ano at sino ang kinalakihan mong magulang. Ang mahalaga naman ngayon ay nagkasama tayong muli. Kami na totoo mong pamilya. Sana mapatawad mo na kaming lahat at tama na ang pamamahiya mo sa iyong sarili,” tumatangis na wika ni Jenny.
Walang sabi-sabi ay lumapit si Lara sa panganay na kapatid at niyakap ito ng mahigpit. “Sorry… Magbabago na ako, ate. Pangako.”
Isang pangako ang binitawan ni Lara na agad namang pinanghawakan ni Jenny, kahit alam niyang pwede siyang biguin ni Lara ay umasa siyang sana nga ay magbago na ang nakakabatang kapatid.
Sinikap ni Jenny na mabayaran si Aleng Bening sa tatlong libo nitong ninakaw ni Lara. Tunay ngang sinubukan ni Lara na magbago dahil mula sa araw na iyon ay wala nang kapitbahay nilang naghahanap sa pangalan ng kapatid dahil may nawawala na namang kung ano-ano.