Inday TrendingInday Trending
Babalik Ka Rin!

Babalik Ka Rin!

“Ayoko na po rito, gusto ko nang bumukod!” ang sabi ni Francis sa amang si Don Julian.

Si Don Julian ay isang negosyante at nagmamay-ari ng malaking lupain sa bayan ng Sta. Fe. Magaling ang matanda sa pamamalakad ng negosyo at pamamahala sa mga lupang taniman. Siya ay mayroong dalawang anak, sina Franco at Francis. Si Franco ang panganay at si Francis naman ang bunso ngunit ang huli ay nagdesisyon na hindi na manatili pa sa poder ng ama. Sa madaling salita ay gusto na nitong mag-solo sa buhay.

“Pakiusap, huwag mo naman gawin ito, Francis. Tayo na lamang ang inaasahan ni papa sa pamamahala rito sa hacienda,” wika ng nakatatandang kapatid.

“Anak hindi mo kailangan na umalis. Kung gusto mo ay magpagawa ka ng sarili mong bahay malapit sa ating mansyon kung nais mong bumukod,” sabi naman ni Don Julian sa anak.

“Ipagpaumanhin niyo po ngunit buo na ang aking desisyon. Nais kong tumayo sa sarili kong mga paa. Kaya hinihiling ko po sa inyo na ibigay niyo na sa akin ang aking mana para magamit ko sa aking pagsasarili!” matapang na sagot ni Francis.

Walang nagawa ang ama sa kagustuhan ng bunsong anak kaya agad niyang hinati sa dalawang anak ang lahat ng kaniyang kayamanan at ari-arian at ang kalahati ay tuluyan na niyang ipinagkaloob kay Francis. Kinuha naman ng lalaki ang lahat ng kaniyang mana at nagpakalayo-layo.

Napadpad si Francis sa isang bayan kung saan siya namuhay na mag-isa.

“Malayo na ako sa aking pamilya, lalong-lalo na kay papa. Magagawa ko na ang lahat ng gusto ko. Wala nang magdidikta at wala nang mangingialam sa akin,” tuwang-tuwang bulong niya sa isip.

Imbes na magpatayo ng sariling bahay ay mas piniling mangupahan ni Francis sa isang mamahaling apartment. Wala rin siyang ginawa kundi lustayin ang perang minana sa kaniyang mga luho at bisyo. Walang pinatunguhan na maganda ang ibinigay sa kanyang mana ng ama, ang lahat ng iyon ay napunta lamang sa wala.

Isang araw ay napansin niya na kakaunti na ang pera niya sa bangko.

“Teka, limang libo na lang ang natitira sa pera ko?” nagtatakang tanong niya sa sarili.

Makalipas ang ilang buwan, ang bunsong anak ni Don Julian ay unti-unting nghirap dahil napunta ang lahat ng mana niya sa walang kabuluhang mga bagay.

“Hindi ko akalain na mangyayari sa akin ito. Kahit sa hinagap ay hindi sumagi sa isip ko na mauubos ang kayamanang ibinigay sa akin ni papa lalung-lalong hindi ko inasahan na maghihirap ako ng ganito,” sabi niya sa isip na may pagsisisi sa tono.

Dahil ubos na ang kanyang pera ay wala siyang ibang nagawa kundi ang magtrabaho sa ibang tao para kumita ng pera para patuloy na mabuhay. Dahil hindi pa siya tapos sa pag-aaral ay hindi siya nakakuha nang maayos na trabaho kaya napilitan siyang mamasukan bilang trabahador sa isa ring haciendero gaya ng kanyang ama. Minsan ay naiisip niya na kung hindi sana siya bumukod para mamuhay na mag-isa at iniwan ang pamilya, hindi niya mararanasan ang paghihirap na kinasasadlakan niya.

“Kung hindi sana ako umalis sa hacienda at hindi iniwan sina papa ay hindi ko daranasin ang lahat ng ito,” nagsisising sabi sa sarili.

Bumalik sa kanyang alaala ang mga panahon na kung saan ay nakatira pa siya sa mansyon kasama ang ama at kapatid. Napagtanto niya na hindi pa pala niya kayang mag-isa at tumayo sa sarili niyang mga paa dahil sa edad niyang kinse anyos at hindi pa tapos sa pag-aaral ay nagawa na niyang bumukod ng tirahan. Kung tutuusin ay wala pa siya sa tamang edad para gawin ang mga bagay na iyon ngunit wala siyang narinig sa kanyang ama na anumang pagtutol at agad siya nitong pinayagan sa naging desisyon niya kahit pa labag sa kagustuhan nito. Naisip niya kung gaano siya kamahal nito, na handa nitong ibigay ang lahat ng nais niya.

“Babalik ako sa hacienda, sa aking pamilya. Kung hindi man nila ako tanggapin ay maluwag kong tatangapin. Ito na marahil ang karma ko sa ginawa kong pagtalikod sa aking pamilya,” mangiyak-ngiyak niyang bulong sa isip.

Nagmamadali naman si Francis na nag-impake ng mga gamit. Nakahanda na niyang lisanin ang apartment kung saan siya nangungupahan at bumalik sa hacienda kung saan naroon at naghihintay ang kanyang pamilya.

Nang makita siya ng amang si Don Julian at kapatid na si Franco ay agad siyang niyakap ng mga ito at hinagkan.

“Mabuti naman at bumalik ka na anak. Miss na miss ka na namin nitong kapatid mo!” wika ng ama.

“Maligayang pagbabalik ‘tol!,” saad naman ni Franco.

“Patawarin niyo po ako. Pinagsisisihan ko po ang pag-alis at pag-iwan sa inyo. Naubos na pong lahat ang mga ipinamana niyo sa akin. Hindi ko po kasi ginamit sa tama ang kayamanang ibinigay niyo at aking pinabayaan na maubos at mawala. Nahihiya po ako sa inyo, hindi ako karapat-dapat na tawaging anak dahil sa ginawa kong kamalian,” maluha-luhang sabi ni Francis.

“Kahit kailan ay hindi ka namin kinalimutan, anak. Alam namin na nagkamali ka ngunit hindi pa huli para ikaw ay magbago. Narito kami ng kuya mo para tulungan kang bumangon at magsimulang muli,” sagot ni Don Julian sa bunsong anak.

Mula noon ay nanatili na sa hacienda si Francis kasama ang ama at kapatid. Ipinagpatuloy rin niya ang pag-aaral at tumutulong sa pamamahala ng mga lupain ng kanilang pamilya.

Advertisement