Bakit Umiiyak si Cheril?

“Ang ingay!”

Napasulyap si Mico sa kaniyang wristwatch at nakitang alas onse na pala ng gabi. Maaga pa ang pasok niya bukas, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa siya nakakatulog, dahil sa ingay ng pagpalahaw ng isang bata.

Muling bumalik si Mico sa paghiga at pinilit takpan ng unan ang kaniyang tainga. Napabuntong-hininga siya.

Gabi-gabi na lang niyang pinoproblema kung papaano siyang matutulog sa kabila ng kaingayan ng iyak ng kanilang kapitbahay. Naiinis na siya, ngunit sa kabilang banda ay nahihiwagaan din kung bakit ba lagi na lang itong umiiyak, gayong kapag nakikita niya ito sa umagaʼy mukha naman itong masaya. Sa tuwing papasok kasi siya sa umaga ay nakikita niya na agad si Cheril sa labas ng bahay ng mga ito, masayang naglalaro.

Kinabukasan ay patang-patang bumangon si Mico. Puyat na puyat siya kayaʼt hindi na niya nagawa pang pumasok sa trabaho. Istorbo talaga ang ingay ng kapitbahay nila sa gabi!

Lumabas siya nang umagang iyon para bumili ng pandesal at naabutan niya si Cheril na naglalaro sa bakuran.

“Cheril,” tawag niya sa bata. Nilingon naman siya nito mula sa paglalaro ng lupa. “Bakit lagi kang umiiyak sa gabi?” naisipan niyang itanong sa bata.

Hindi agad sumagot si Cheril, bagkus ay itinapat nito ang sariling hintuturo sa bibig. Sinisenyasan siyang huwag maingay.

Advertisement

“Baka marinig ka niya,” tumatawang sabi nito sa kaniya.

Napakunot ang noo ni Mico.

“Nino?” tanong niya sa bata ngunit hindi na ito sumagot pa, bagkus ay tumatawang nagtatakbo na lang.

“Mico, sinoʼng kausap mo?” Nilingon ni Mico ang nagtanong niyang landlady.

“Si Cheril po, manang,” sagot naman niya.

Nagtaka siya nang makitang parang nagulat ang kaniyang landlady. “S-sinong Cheril?”

“Si Cheril po. Iyong batang anak ng kapitbahay ko,” sagot naman ni Mico.

“Susmariyosep! Paano mong makikita si Cheril? Matagal nang nawawala ang batang iyon bago ka pa mapalipat dito!” bulalas ng kaniyang landlady.

Advertisement

“Paano pong nawawala, e, lagi nga po siyang umiiyak tuwing gabi? Naririndi na nga po ako, e.” Napakamot sa ulo si Mico.

“Anak, may hinala kasi ang mga tagarito na hindi talaga nawala si Cheril. Wala lang nakuhang sapat na ebidensya ang mga pulis, pero sa hinuha ng karamihan ay binawian siya ng buhay dahil sa pangmam*altrato ng kaniyang amain. Sa susunod na makita mo si Cheril ay ipagdasal mo na lang siya, hijo.”

Kinilabutan si Mico. Pakiramdam niya ay nanlaki ang ulo niya sa nalaman. Ibig sabihin, multo iyong nakikita niya?

Ipinagkibit balikat na lang ng binata ang takot na nararamdaman at nagpasiyang huwag na lamang iyong pansinin pa.

Ngunit kinagabihan ay hayan na naman ang palahaw ng bata. Hindi na naman makatulog si Mico.

“Bakit umiiyak si Cheril?” patuloy na tanong niya sa kaniyang sarili.

Hindi nakatiis si Mico. Naalala niya ang maliit na butas sa pader na naghahati sa kaniyang tinutuluyang bahay at sa pader ng bahay nina Cheril.

Nagpasiya siyang sumilip doon… at ganoon na lang ang gulat niya sa nakita!

Advertisement

Ang batang si Cheril, ginagawan pala ng masama ng kaniyang amain!

Kitang-kita ni Mico kung papaanong nalagutan ng hininga ang batang si Cheril matapos itong takpan ng unan ng amain nito. Pagkatapos ay paulit-ulit na ginawan ng kah*layan at inil*bing ang malamig nitong katawan sa ilalim ng papag nilang hinukay nito!

Hinahapong napabangon si Mico mula sa pagkakatulog. Nananaginip pala siya. Ngunit bakit parang totoo?

Nagdasal si Mico. Doon siya nagpasiyang pabuksan muli ang kaso tungkol sa pagkawala ng bata, sa tulong ng kaniyang landlady. Sa pagkakataong ito ay tila may lumabas na ebidensiya nang biglang umalingasaw ang amoy ng katawan ng batang si Cheril na nakalibing sa ilalim ng papag ng mga ito habang nag-iinspeksyon ang mga pulis.

Nalutas ang kaso. Kulong ang amain ni Cheril at puno naman ng pagsisi ang ina ng bata!

Si Mico, kasama ang kaniyang landlady ay hindi pa rin makapaniwalang nalutas nila ang kaso, dahil sa tulong na rin ng mga iyak ni Cheril tuwing gabi.

“Sana ay matahimik na ang kaniyang kaluluwa. Sana, maging masaya na si Cheril. Salamat sa iyo, hijo,” anang landlady ni Mico sa kaniya.

Sa isip-isip ng binata ay gusto niya sana muling makita si Cheril at hindi naman siya nabigo. Sa ‘di kalayuan ay natanaw niya ang nakangiting mukha ng bata. Kumakaway ito sa kaniya at tila nagpapasalamat.

Advertisement

Sa wakas ay nasagot na ang tanong kung bakit umiiyak si Cheril.