Mga Estudyante, Nag-imbento ng Bag na Karton Para sa Kaklaseng Pinagtatawanan Dahil Plastic Lang ang Lalagyan ng Gamit sa Eskwela
“Ahh walang bag! Ahh walang bag!”
Muli na naman narinig ng magkapatid at kambal na sina Dino at Mino ang pang-aasar ng mga ka-eskwela nila. Pasukan na kasi ng elementarya. At dahil wala silang pambili ng bago ay puro pinaglumaan lamang na gamit ang dala-dala nila.
Katulad na lamang ng plastic na ginawa nilang bag sa eskwela. Wala ‘ni isa mga pang-aasar ng mga ito ang pinatulan nila. Palagi kasi nilang nasa isip ang bilin ng kanilang ama na huwag papansin ang kahit na anong pangungutya ng kapwa.
“Isipin niyo, kapag nakapagtapos na kayo makakabili din kayo ng magagandang gamit na gusto niyo.”
Iyon ang nagsilbing motibasyon nila sa pagpasok araw-araw. Kahit na mahirap ay matalino naman ang dalawa at bukod doon ay palakaibigan pa. Kaya kahit maraming nangungutya ay mas marami pa rin ang kaibigan nila.
“Alam niyo ba may naisip ako!” ika ni Nina, kaibigan nina Dino at Mino, sa iba nilang mga kaklase.
“Ano ‘yun?” curious na tanong ng iba.
Nag-meeting ang mga batang estudyante. Nang sumapit ang uwian ay nagtungo sa library ang karamihan sa kanila. Samantalang ang walang kaalam-alam na kambal ay dumiretso na ng uwi sa bahay nila.
“Hi, Dino! Hi, Mino! May surprise kami sa inyo!” tuwang-tuwang sabi ni Celine sa dalawang kaklase.
“Ano ‘yun? naeexcite na ika ni Dino.
“Oo nga, ano ‘yun Celine?” tanong rin ni Mino.
Para may thrill ay piniringan pa ng mga kaibigan nila ang mga mata ng kambal. Lalo namang na-excite ang mga ito.
“Charan!” sigaw ng lahat matapos ipakita ang ginawa nilang recycled bag na gawa sa cardboard at karton.
“Wow!” tuwang-tuwang bulalas naman ng dalawang magkapatid.
“Ang ganda naman nito!” sigaw ni Dino.
“Nakaka-touch naman kayo,” naluluhang ika ni Mino.
“Eh kasi lagi nalang kayo inaasar ng kabilang section na plastic lang daw bag niyo, edi gumawa kami ng totoong bag. Karton nga lang,” paliwanag ni Celine.
“Pero hindi lang bag ‘yan pwede niyo po gawing desk sa bahay. Kasi nung nagpunta kami sa bahay niyo sa lapag lang kayo nag-aaral diba?” si Tina, kaklase rin nila.
“Oo, salamat sa inyo!” maluha-luhang niyakap ng dalawa ang mga kaklase nila.
Palakpakan naman ang mga gurong tumulong rin sa paggawa ng recycled bag ng kambal. Hanggang sa nagdesisyon ang buong paaralan na gumawa pa ng mas marami para sa ibang estudyanteng mahirap tulad nina Dino at Mino.
Dahil doo’y hindi lamang dalawa, kundi napakaraming kabataan ang natulungan ng ideya ng magkakaibigan.