Inday TrendingInday Trending
Pinagmalupitan ng Isang MMDA ang Matandang Street Vendor sa Baclaran, Ang Buhay ng Kanyang Anak ang Naging Kabayaran sa Kasalanang Nagawa

Pinagmalupitan ng Isang MMDA ang Matandang Street Vendor sa Baclaran, Ang Buhay ng Kanyang Anak ang Naging Kabayaran sa Kasalanang Nagawa

“May huli!” sigaw ng isa sa mga tindero sa Baclaran habang patakbong itinutulak ang kariton niyang may lamang mga paninda. Agad namang nagpulasan pati ang mga mamimili sa takot na madamay. Nagmamadali ring tinawag ni Bert ang mga kasamang MMDA at sinenyasan ang mga ito na bilisan dahil nakatunog na ang ibang ire-raid nila at baka makatakas pa. Hindi ito ang unang beses na nag ikot sila sa Baclaran at nilinis ang mga vendor na nakahambalang ang paninda sa daanan, kahit kasi ilang ulit nilang paalisin ang mga ito ay ilang ulit ring balik ng balik. Kaya naman naisip nilang ang pinakamagandang paraan para masigurong matututo ng leksyon ang mga ito ay sirain ang tindahan at kumpiskahin ang mga paninda. Nakangisi siya nang maalala na minsan na siyang nakapag uwi ng mga damit sa misis na nakuha niya lang sa raid. Inuwian niya rin ang nag iisang anak na binatilyo, si Tofer, ng ilang T-shirt pero ayaw nitong isuot iyon dahil galing daw sa hindi maganda. Bilib din siya sa prinsipyo ng bata, ganoon din sya dati. “Wag ho Ser, parang awa ninyo na. Pinaghirapan ho ng anak ko ang puhunan namin diyan,” pakiusap ng isang payat na payat na matandang may maliit na sari sari store na inilagay lang sa marupok na mesang kahoy. Sa ilalim noon ay may cooler na marahil ay lalagyan ng softdrinks, C2 at tubig. “Ilang beses kayong sinasabihan hindi kayo nakikinig ha,” sabi niya at sinimulang damputin at ilagay sa supot ang mga tsitsirya at candy. “Ser, maawa na ho kayo wala na ho kaming ikabubuhay. Nagugutom ang mga apo ko.” iyak ng matanda. Nakatawag na sila ng eksena dahil halos lumuhod ang matanda sa harap niya pero manhid na si Bert, hindi na bago sa kanya ang ganitong eksena. Matapos kumpiskahin ang mga paninda ay kinuha niya ang martilyo at sinimulang sirain ang munting mesa, ang munting negosyo ng matanda. Walang nagawa ang matanda kung hindi mapaupo sa kalsada, umiiyak at nanlalambot. Hindi alam ni Bert na saksi pala sa nangyayari ang kanyang anak, sa Maynila rin kasi ito nag aaral at nagkataong may bibilhin sa Baclaran. Naikuyom ng binata ang mga kamay. Natapos ang raid at naisipan na ni Bert na umuwi, pasado alas otso na ng gabi. “Si Tofer?” tanong niya sa misis pagkabihis. “Wala pa nga eh. Baka may tinatapos lang, mag-hapunan ka na muna.” sabi ng babae. “Sige, dito na ako sa salas kakain.” umupo siya sa sofa at binuksan ang TV para manood ng balita. “Isang binatilyo ang nasagasaan matapos dalhan ng pagkain ang isang matandang nakatira sa ilalim ng overpass, naganap ang insidente kaninang alas siyete ng gabi sa Baclaran. Hindi na umabot pa sa ospital ang biktima. Ayon sa mga kaklase, naawa diumano ang binata sa matanda dahil ni-raid ng MMDA ang paninda nito kaninang umaga kaya naisip niyang dalhan ito ng pagkain pagkatapos ng klase,” sabi nagbabalita. Agad kinabahan si Bert, tinitigan niya ang CCTV footage replay ng aksidente. Hindi siya maaaring magkamali. “Tofer?” sabi niya, kilalang kilala niya ang anak. “Ang biktima ay kinilalang si Christopher ‘Tofer’ Manalac, 19 years old at isang estudyante sa…” hindi na narinig pa ni Bert ang susunod na sinabi ng reporter dahil nanghina na siya. Maya maya ay nag ring ang telepono, alam na niyang masamang balita ang hatid noon. “Hindi!” Minsan talaga, kakaibang maningil ang tadhana. Ang masakit pa dito, hindi na niya nagawang baguhin ang masamang pagtingin sa kanya ng anak matapos nitong masaksihan ang kanyang ginawa sa matandang vendor. Naisip niyang napakabuti ng kalooban ng anak dahil sinubukan nitong gumawa ng paraan upang makabawi sa matandang naging biktima ng kalupitan niya. Ang insidenteng ito ang nag-udyok kay Bert upang maging mas mabuti at maging mas makatao. Napakasakit lamang isipin na hindi na ito kailanman masasaksihan ng kanyang anak. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement