Gabi-gabi Niyang Inire-reklamo ang Matandang Kapitbahay na Walang Ibang Ginawa Kundi Magvideoke sa Gabi, Natulala Siya nang Sabihin Nito sa Kanya ang Pinagdadaanan
“Ayoko sana na ikaw ay mawawala!” Iritang-irita na naman si Alex sa kanyang bagong kapitbahay na si Mang Clemente. Halos gabi-gabi kasi itong kumakanta sa sarili nitong videoke sa bahay. Kahit anong saway niya ay hindi pa rin ito nagpapaawat, “Nakakainis! May pasok pa man din ako bukas!” Hanggang sa inabot na ng madaling araw ay kumakanta pa rin ang matanda. Wala na nga ito sa tono dala ng kalasingan. Galit na galit siyang bumangon sa kinatatayuan at saka lumabas ng bahay. “Mang Clemente! Tumigil naman na ho kayo sa pagkanta niyo. O kaya huwag naman po masyadong maingay dahil nakakaabala na po kayo.” Ngunit tila walang narinig ang matanda at nagpatuloy lang sa pagkanta. Dahil doo’y mas lalo siyang napikon dito. Inis siyang nagtungo sa barangay upang tumawag ng mga tanod. Sinama niya ang tanod sa bahay ni Mang Clemente at doo’y kinausap ng mga ito ang lasing na matanda. “Pasensya na po Mang Clemente, paglabag na po sa batas ‘yang ginagawa niyong pag-inom at pagvivideoke nang madaling araw. Kaya sumama po kayo sa amin. Dun po kayo sa barangay magpalipas ng gabi.” Mapait na ngumiti ang matanda. Ikinainis naman lalo iyon ni Alex. Maya-maya pa’y nagulat sila nang magsalita ang matanda. “Ano ang pinakamahirap na trahedyang narasanan niyo sa buhay?” Walang nakasagot sa kanila. “Kasi kung tatanungin niyo ako, baka hindi kayo maniwala sa sagot ko.” Natatawa nalang na hinawakan ng mga tanod ang parehong kamay ng matanda. Handa na nilang dalhin ito sa kulungan ng barangay nang muli itong magsalita, “Kamamatay lang ng misis ko.” “Manong, lahat naman po tayo darating doon. At hindi lang po kayo ang nag-iisang namatayan ng misis.” “Namatay siya sa depress na dulot ng sunod-sunod na pagkamatay ng apat naming anak.” Doon nabigla ang lahat. Hindi makapaniwala sa sinabi ng matanda. “Hindi ko alam kung maniniwala kayo pero namatay ang apat naming mga anak sa parehong sakit. Dahil doo’y hindi rin kinaya ng misis ko at bumigay ang puso niya sa sobrang lungkot.” “Kaya ho ba gabi-gabi kayong nag-iinom at inilalabas ang sakit na nadarama sa pagkanta?” “Hilig naming kumanta na pamilya noon. Kaya oo, siguro ito yung paraan ko para maibsan ang lungkot at sakit na nadarama ko.” Tulala ang lahat sa sinabi ng matanda. Ngunit tuluyan pa rin siyang dinala sa barangay upang magpalipas ng gabi. Kinabukasan ay sinundo siya ni Alex at dinalhan ng prutas. “Ginawan ko ho kayo ng pagkain at juice. So imbes na alak ang inumin niyo ay bakit hindi niyo po tikman ang gawa ko?” Ngumiti ang matanda, “Salamat, anak.” Matapos noon ay wala nang maingay na videokeng narinig mula sa bahay ni Mang Clemente araw-araw. Sinasamahan na rin siya ni Alex at kinukwentuhan. Tuwing walang pasok na lamang sila nagvivideoke ngunit hindi na alak ang iniinom ni Mang Clemente kundi ang paborito na niyang juice na gawa ng binata.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.