Inday TrendingInday Trending
Nagpasya ang Dalagang Layasan ang Tiyahin na Hinuhuthutan Lang Siya ng Pera, Nalaman Niya ang mga Taong Tunay na Nagmamahal sa Kanya

Nagpasya ang Dalagang Layasan ang Tiyahin na Hinuhuthutan Lang Siya ng Pera, Nalaman Niya ang mga Taong Tunay na Nagmamahal sa Kanya

Pagod na hinimas ni Emma ang sentido niya, ang dami niyang inasikasong mga papeles. Hindi biro ang magpabalik balik sa office, PAG-IBIG Fund, at sa bangko. Isa siyang ahente ng lupa sa isang sikat na subdivision sa Cavite, ang trabaho niya bukod sa magbenta ng bahay ay mag-asikaso ng mga kakailanganing dokumento ng isang buyer. Sulit naman ang pagod niya dahil malaki ang komisyon kapag nakakabenta siya. At ngayon ay ang swerteng araw na iyon, na-withdraw niya na kasi sa bangko ang komisyon niya noong isang buwan na nakabenta siya. Pag uwi niya sa bahay ay agad siyang sinalubong ng mga pamangkin. “Tita Emma!” sigaw ng mga ito sabay yakap sa kanya. Narinig niya pa ang tiya niya na sinusulsulan ang dalawang bata na naiwan sa loob ng bahay. “Andyan na Tita Emma nyo, bahala kayo pag hindi nyo nilambing yan si Tenten at Gilbert lang ang mabibigyan, may pera ngayon yan araw ng sweldo.” sabi nito. Maya maya ay lumabas na rin ang dalawa pang bata at napilitang yumakap sa kanya. Mabait ang tiya ni Emma kapag sweldo niya, kapag naman normal na araw ay halos pagtaguan siya nito ng pagkain. Pero pinagtyatyagaan niya na iyon, ito na kasi ang naituring niyang pamilya, matagal nang pumanaw ang kanyang mga magulang Nag iisang anak lang siya ng mga ito at sinuwerteng napag-aral siya bago pumanaw kaya kahit papano ay may disente siyang trabaho. Halos sa pamilya lang ng tiyahin niya nauubos ang sinasahod niya. Konti lang ang naipon niya para sa sarili na nagagalaw pa niya dahil di niya naman mapahindian kapag nangungutang ang mga pinsan niya. Ang kapitbahay na si Aling Merced lang ang nagpapakain sa kanya tuwing inuubusan siya ng mga kamag anak ng pagkain. Isang araw, dahil sa sobrang init ay tila nahilo ang dalaga habang tumatawid. Hindi niya napansin ang tricycle na parating kaya nabundol siya at napilayan. “Magpahinga ka lang, kahit isang linggo. Bukod sa aksidente kasi ay over fatigue ka rin kaya ka nahilo,” sabi ng doktor. Tumango lang naman ang dalaga. Lumipas ang ilang araw at walang dumalaw sa kanya sa ospital, tanging si Aling Merced lang na may dalang ilang pirasong mansanas at mga damit niya. “Aling Merced, ang tiyang ho?” tanong niya rito. “Abala lang sa bahay,” simpleng sagot nito. Nang makauwi siya mula sa ospital ay hindi niya matiis na hindi tanungin ito. “Tiyang, bakit po di kayo nakadalaw sa ospital?” tanong niya rito. “Para ano? Para pag alagain mo? Ano ka hilo, iyan na lang si Merced, wala kang mapapala sa akin.” masungit na sabi nito. Napag-isip isip ni Emma na minsan, mas may malasakit pa ang maituturing na ibang tao at di kadugo kaysa sa sariling kamag anak. Umalis na siya sa bahay ng tiyahin at namuhay mag isa, kinaya niya naman dahil wala siyang ibang responsibilidad at gastusin kung hindi sarili niya. Ramdam na ramdam niya ang gaan ng buhay nang umalis sa puder ng tiyahin niya. Masakit isipin na sa kabila ng naitulong niya dito, hindi man lang siya makamusta nito sa bago niyang buhay. Tunay ngang hindi ito nanging totoo sa kanya. Kailangan lamang siya ng tiyahin kaya sinubukan nitong pakisamahan siya. Natuto rin siyang pahalagahan ang mga tunay na nagmamahal sa kanya. Tuwing Linggo rin ay dinadalaw nya si Aling Merced at sabay silang nagsisimba. Ito na ang tinuturing niyang ina dahil ganun din ang pag-aalaga nito sa kanya. Minsan talaga, malalaman mo kung sino ang tunay na nagmamahal sayo kapag walang-wala ka na at wala ka nang pakinabang sa kanila. Kaya pahalagahan mo ang mga taong nanatili sa buhay mo kahit walang mahuhuthot sayo. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement