Iniwan ng Lalaking Ito ang Kaniyang Mag-ina para sa Kasikatan at Pera; Tila Pagsisisihan Niya Ito Kalaunan

Iniwan ng Lalaking Ito ang Kaniyang Mag-ina para sa Kasikatan at Pera; Tila Pagsisisihan Niya Ito Kalaunan

FamilyHeartbreakingStories

“Nasa ’yo na ang lahat para magustuhan ka ng madla, Jimboy! Maganda ang boses mo, magaling kang sumayaw, maganda ang pangangatawan mo at guwapo ka! Bukod doon ay magaling ka ring umarte dahil may nakaraan ka naman sa larangang ito, noong kolehiyo ka pa lang bilang isang aktor sa teatro, hindi ba?” Bakas ang kasabikan sa mukha ng lalaking kausap ni Jimboy sa napag-usapan nilang pagpupulong, kasama ang kaniyang kaibigang si Rodel. Isang manager ang kausap nila na naghahanap ng mahahawakang “talent” sa isang istasyon sa telebisyon at nais nitong kunin siya bilang artista.

Ngunit may kondisyon. Iyon ay kailangan niya raw itago sa madla na siya ay kasal na upang mas maging patok ang imahe niya sa madla lalo na sa mga kababaihan.

“Malaki ang kikitain mo rito, Jimboy. Triple pa sa sinasahod mo ngayon bilang isang team leader sa pinapasukan mong call center. Sigurado akong masusuportahan mo nang mas maayos ang mag-ina mo kung papayag ka sa alok ko,” dagdag pa ng manager na nagpakilalang si Mr. Pangilinan.

Dahil doon ay lalong naengganyo si Jimboy. Ang totoo, una pa lang ay nais na agad niyang sunggaban ang oportunidad na ito lalo na ngayong nabanggit na nito ang tungkol sa pera. Matagal nang pinapangarap ni Jimboy ang makilala. Nasa kolehiyo pa lamang siya ay ginawa niya na ang lahat makamit lang ito ngunit talagang minalas siya nang mga panahong iyon. Bukod kasi sa marami siyang kakumpitensya noon ay agad ding naudlot ang pagtahak niya sa nasabing landas nang mabuntis niya ang kaniyang nobyang si Danica. Ngayon ay tatlong taon na ang anak nila at kasal na rin sila ng babae.

“Pumapayag po ako, Mr. Pangilinan. Kakausapin ko na lang ang asawa ko at ipapaliwanag kong magansang oportunidad ito para sa amin,” sabi pa niya sa kausap bago nakipagkamay dito.

Pag-uwi niya sa kanilang bahay ay agad niyang ibinalita sa asawa ang tungkol sa oportunidad na iyon at agad naman iyong ikinatuwa ni Danica. Pumayag ito sa kondisyong sinabi ng manager dahil sa pangako ni Jimboy na pawang trabaho lang ang iintindihin niya at para ito sa kanilang pamilya.

Mabilis ang naging proseso ng pag-uumpisa ni Jimboy sa industriya dahil na rin sa magaling na paghawak sa kaniya ni Mr. Pangilinan. Agad siyang minahal ng madla pagkatapos lamang ng ilang palabas kung saan madalas ay supporting actor pa nga ang kaniyang karakter. Ganoon pa man ay madali rin siyang nagkaroon ng pagbibidahang teleserye na lalo namang nakapagpasikat sa kaniya. Doon ay nagkaroon siya ng kapareha na kinakiligan at tinangkilik naman ng madla.

Ngunit ang dating pangako ni Jimboy sa asawang si Danica na purong trabaho lang ang iintindihin niya ay tila biglang nakalimutan ng lalaki. Dahil makalipas lang ang ilang buwan ay pumutok na ang balitang opisyal na silang magkarelasyon ng kapareha niya sa teleserye!

Iniwan ni Jimboy ang kaniyang mag-ina upang ituloy ang nasimulan na nilang relasyon ng kaniyang kapareha na lalo namang ikinatuwa ng kanilang mga fans… Iniwan niyang luhaan si Danica at itinigil niya ang suporta sa anak nila upang tuluyan na silang mawalan ng komunikasyon. Pinabayaan niya ang sarili niyang pamilya para sa pansariling kapakanan.

Ang buong akala ni Jimboy ay magtutuloy-tuloy na ang pagganda ng kaniyang buhay dahil alam niyang hindi naman magsasalita si Danica laban sa kaniya sapagkat mahal na mahal siya nito… ngunit nakalimutan niyang may iba pang nakakakilala sa kaniya.

Nagsimulang kumalat ang ilang balita tungkol sa pang-iiwan niya sa kaniyang mag-ina nang ilabas ito ng kaniyang mga dating kaibigan na ngayon ay labis na naaawa sa kaniyang misis. Kalakip ng mga ebidensya ay ipinakalat ng mga ito ang kalokohang ginawa niya hanggang sa unti-unting lumaki ang balita. Iyon ang naging dahilan ng kaniyang pagbagsak na kalaunan ay naging dahilan din upang iwan siya ng babaeng ipinalit niya sa kaniyang mag-ina.

Samantala, si Danica naman ay mabilis na nakalimutan ang sakit na idinulot ng kaniyang asawang manloloko. Nagsimula siyang magtayo ng negosyo na mabilis namang tinangkilik ng tao lalo pa at talagang kumalat ang balitang siya ang asawang iniwan ni Jimboy para sa pera at karera nito. Dahil doon ay kinaya niyang buhayin nang mag-isa ang kaniyang anak, habang si Jimboy naman ay unti-unting nakalimutan ng tao.

Huli na para magsisi si Jimboy sa kaniyang mga ginawa, dahil ngayon ay wala na siyang karapatan pang balikan ang kaniyang mag-ina. Mabilis niyang nakuha ang gusto ngunit mabilis din iyong binawi sa kaniya dahil hindi niya iyon iningatan.

More Stories