Inday TrendingInday Trending
Tiniis ng Babaeng Ito ang Lahat Dahil sa Pagmamahal Niya sa Kaniyang Kinakasama; Paano kung Hindi na Siya Masaya?

Tiniis ng Babaeng Ito ang Lahat Dahil sa Pagmamahal Niya sa Kaniyang Kinakasama; Paano kung Hindi na Siya Masaya?

“Nandiyan ka na pala, mahal,” ani Julie sa asawang si Ernesto nang dumating ito galing sa trabaho. Tamang-tama, dahil kaluluto lamang niya ng hapunan.

“Halika na, sabay na tayong kumain,” sabi pa niya sa asawa ngunit tuloy-tuloy lamang ito sa paglalakad na parang hindi siya narinig.

“Mahal?” muli niya itong tinawag. Noon lamang siya nito nilingon.

“Kumain na ako sa opisina,” malamig na sagot lamang nito bago siya muling tinalikuran.

Napayuko na lamang si Julie dahil sa malamig na pakikitungo sa kaniya ng kaniyang mister. Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata ngunit pinigilan niya ang pagpatak n’on.

Yumukod na lamang si Julie at nag-isip ng ibang bagay hanggang sa makatapos siyang kumain.

Ilang buwan na ang nakakalipas simula nang maramdaman niya ang unti-unting pagbabago sa kaniyang mister sa hindi niya malamang dahilan. Walang ideya si Julie kung bakit biglang nagkaganoon ang relasyon nila ng kinakasama, samantalang noon ay mahal na mahal naman nila ang isa’t isa.

Bigla itong nanlamig. Tila ba unti-unti nitong nakalimutang magkasama sila sa iisang bubong. Nagsimula itong gabihin ng uwi nang makailang ulit hanggang sa naging permanente na. Ni hindi na sila nakapagsasabay na kumain man lang na dalawa.

Alam ni Julie na may nagbago ngunit nagbulag-bulagan siya dahil sa takot na baka aminin ng kaniyang mister na totoong hindi na siya mahal nito. Na ayaw na nito sa kaniya dahil ngayon ay iba na ang gusto nitong makasama. Nagbabakasakali si Julie na kapag nanatili siya sa tabi nito at ipinakita niyang hindi niya ito susukuan ay baka manumbalik ang dati nitong pagtingin sa kaniya. Anuman ang dahilan ng pagbabago nito ay handa niyang tanggapin sa ngalan ng pagmamahal niya sa lalaki at sa ilang taon din nilang pagsasama.

Ngunit dumating ang araw ng kanilang anibersaryo. Ang araw na matagal ding pinaghandaan ni Julie. Nagluto siya ng mga paboritong pagkain ni Ernesto at inihain niya iyon sa mesang pinagkaabalahan niya rin naman ang disenyo… ngunit nabulok na lamang siya sa kahihintay na umuwi ito sa trabaho ay wala pa ring dumarating na Ernesto.

Alam ni Julie na nang gabing iyon ay sa kalinga ng ibang babae nagpapakasaya si Ernesto at tila iyon na ang naging dahilan upang siya ay matauhan.

Umuwi si Ernesto, madaling araw ng kinabukasan. Huli na nang maalala niyang anibersaryo nga pala nila ng kinakasamang si Julie. Ang totoo kasi ay nagyaya ang kaniyang nobyang si Michelle na samahan niya ito sa inuupahang apartment sapagkat natatakot daw itong mag-isa.

Naabutan ni Ernesto ang magarang pandalawahang handaan sa kanilang bahay. Ang masasarap na putaheng iniluto ni Julie para sa kaniya na ngayon ay malamig na kahit pa hindi man lang iyon nagalaw kahit kaunti. Agad na siyang tinamaan ng konsensya kaya’t tinungo niya ang kwarto upang humingi ng tawad kay Julie… ngunit naabutan niyang nag-eempake ito ng gamit.

“Aalis ka?”

Nilingon siya ng babae. Ipinagtaka ni Ernesto kung bakit hindi man lang kababakasan ng galit ang mukha ni Julie gayong dapat ay nangagalaiti na ito ngayon sa kaniya. Ngunit bagkus ay nginitian siya nito bago ito tumango bilang tugon.

“Uuwi na ako kina mama,” sabi nito. “Simula ngayon, pinapalaya na kita, Ernesto.”

Biglang natigilan ang lalaki. “A-anong ibig mong sabihin, Julie?” kinakabahang tanong niya. Hindi niya alam kung bakit ngunit tila tinutusok ng libu-libong karayom ang kaniyang dibdib habang pinagmamasdan ang kaniyang kinakasama na nag-eempake dahil aalis na ito.

“Alam kong may iba ka na. Matagal ko nang alam, pero, pinilit ko pa rin ang sarili ko sa ’yo dahil akala ko, maaayos pa natin. Pero, nagkamali pala ako. Siguro, naging makasarili ako sa pagbubulag-bulagan ko dahil ayaw kitang mawala. Akala ko, sapat na kahit ako lang ang nagmamahal sa atin, pero nagkamali pala ako. Masakit pala ’yon,” paliwanag naman ni Julie na tumawa pa habang may luhang pumapatak sa mata nito.

Hindi naman malaman ni Ernesto ang gagawin o sasabihin. Bigla niyang napagtantong mas mahal niya pala si Julie kaysa sa kaniyang babae.

Ngunit anumang pigil ang gawin ni Ernesto kay Julie nang umagang iyon ay wala na siyang nagawa nang tuluyan siyang iwan nito. Simula noon ay naging miserable ang kaniyang buhay lalo pa at pagkatapos n’on ay hiniwalayan niya rin si Michelle.

Lalo pa nga siyang nanlumo nang sa paglipas ng isang taon ay isang bagong pag-ibig na ang dumating sa buhay ni Julie. Ngayon ay wala nang ibang magawa si Ernesto kundi ang magsisi at manghinayang na sinayang niya ang wagas na pagmamahal nito sa kaniya noon.

Advertisement