Matagal nang Yumao ang Ama ng Babaeng Ito; Nagulat Siya nang Makita ang Pangalan ng Ama sa Listahan ng Makakakuha ng Ayuda

Matagal nang Yumao ang Ama ng Babaeng Ito; Nagulat Siya nang Makita ang Pangalan ng Ama sa Listahan ng Makakakuha ng Ayuda

KarmaMysteryStories

Balitang-balita na naman sa Barangay Poblasyon ang tungkol sa pagbibigay ng perang ayuda sa kanilang lugar dahil sa nagaganap ngayong pandemya. Iyon ay upang makatulong sa mahihirap na mamamayan lalo na sa mga nawalan ng trabaho kaya’t nawalan din ng ipangtutustos sa kanilang pamilya.

Abala tuloy ang mga tao sa naturang barangay sa pag-aayos ng mga kakailanganing dokumento upang mapasali sila sa listahan ng makakakuha ng ayuda at kabilang na roon ang mag-inang Sally at Jenifer.

Magkasama ang dalawa sa tanggapan ng kanilang barangay upang kumuha ng sertipiko bilang isa sa mga kailangan sa pagpapatunay ng kanilang aydentipikasyon. Nahuli kasi sila ng pag-aasikaso nito dahil ngayon lamang nawalan ng pasok ang mister ni Jenifer na siya niyang mapag-iiwanan sa kanilang dalawang maliliit pang anak. Naka-wheelchair na kasi ang kaniyang ina kaya hindi na nito kayang mag-asikaso ng mga kinakailangan nang mag-isa.

Napansin ni Jenifer na nakapaskil na sa barangay ang listahan ng mga unang bibigyan ng ayuda kaya naman dala ng kyuryosidad at pagkaburyong sa matagal na paghihintay na iproseso ang kanilang sertipiko ay naisipan niyang tingnan isa-isa ang mga pangalang nakasulat sa naturang listahang iyon.

Noong una ay patango-tango lang si Jenifer habang nagbabasa, ngunit bigla na lang siyang natigilan nang mabasa ang isang pamilyar na pangalan sa naturang listahan…

Macario Juanito Garcia—ang pangalan ng kaniyang ama!

Ang alam ni Jenifer ay ang ama lamang niya ang mayroong ganoong pangalan sa maliit nilang barangay kaya naman imposibleng ibang tao ang nagmamay-ari niyon! Ngunit matagal na itong namayapa kaya papaanong mangyayaring nakapagpasa pa ito ng kailangan para makakuha ng ayuda?!

“Inay, papaano pong napunta ang pangalan ng tatay dito sa listahan, gayong matagal na siyang wala sa mundo?” takang tanong ni Jenifer sa ina na nagulat din at nagkibit-balikat dahil hindi nito alam ang isasagot.

Dahil doon ay naisipan niyang magtanong sa kanilang barangay kung nasaan ang requirements ng naturang Macario Juanito Garcia na iyon upang kaniya itong makumpirma—at ganoon na lang ang gulat niya nang mapatunayang ito nga ang kaniyang ama!

“Huwag ninyong sabihing bumangon si itay sa hukay para lang kumuha ng ayuda?” tanong niya sa mga opisyal ng barangay na nagtataka rin sa nangyari.

Dahil doon ay inalam nila kung sino nag nagpasa ng mga requirements ng pangalang iyon… at kalaunan ay napag-alaman nilang ang salarin pala ay walang iba kundi ang kapatid na babae ng kaniyang ama. Ang tiyahin niyang si Armelita. Ang kilalang sugalera sa kanilang lugar!

“Ang kapal ng mukha mo, t’yang! Pati ba naman tatay ko na sarili mong kapatid, nagawa mong gamitin magkapera ka lang?!” nanggagalaiting ani Jenifer sa tiyahing matagal na niyang kinaiinisan dahil sa pagiging ganid nito. Paano’y ito rin ang nagpalayas sa kanila sa dati nilang tahanan na ang ama niya naman ang nagpagawa, dahil anito’y kanila iyong lupa!

“Wala kang pakialam! Kapatid ko ’yon kaya may karapatan ako doon, hindi katulad n’yong mag-ina! Sabit lang kayo sa buhay ng kapatid ko!” katuwiran naman ng kaniyang tiyahin dahil nga alam nito na hindi kasal ang mga magulang ni Jenifer. Iyon ang dahilan kung bakit hindi nila nagawang ilaban ang karapatan nila sa lupa ng kaniyang ama, ngunit ngayon ay hindi na siya papayag pa.

Dahil sa pagkakabuking sa ginawang anumalya ng kaniyang tiyahin ay sinampahan ito ng kaso ng kanilang barngay. Bukod pa roon ay sinabi rin ng mga ito na may karapatan si Jenifer sa lupa ng kaniyang ama dahil bagama’t hindi kasal ang kaniyang mga magulang, siya pa rin ang nag-iisa at lehitimo nitong anak!

Napahiya na ang kaniyang tiyahin sa buong barangay. Bukod pa roon ay hindi na ito makakakuha ng ayuda, kahit kailan, at ngayon ay mababawi pa ni Jenifer ang lupa ng kaniyang ama mula sa kamay nito!

Tila napabuti pa ang ginawa nitong kalokohan para sa kapakanan ng mag-inang Sally at Jenifer. Ngayon, hindi na lang ayuda ang kanilang makukuha. Maibabalik na rin sa kanila ang tahanang itinayo ng kaniyang ama para sa kanila noon pa man. Naniniwala si Jenifer na ito ang paraan ng kaniyang ama upang mabawi nila ang totoong dapat ay para sa kanila.

Tahimik na lamang siyang napadasal ng pasasalamat sa kaniyang ama dahil sa patuloy nitong paggabay sa kanila kahit na wala na ito sa kanilang piling.

More Stories