Inday TrendingInday Trending
Naging Napakabuti ng Mag-asawa sa Dalagitang Katulong Nila; Magbubunga Pala Iyon ng Maganda

Naging Napakabuti ng Mag-asawa sa Dalagitang Katulong Nila; Magbubunga Pala Iyon ng Maganda

Dahil sa mahirap na buhay na kinagisnan ni Ester ay hindi na siya nakapag-aral. Maaga siyang namulat sa pagbabanat ng buto, lalo na at wala naman siyang kinagisnang mga magulang kundi ang kaniyang mga lolo at lola.

Ni hindi marunong magbasa o magsulat si Ester nang lumuwas siya ng Maynila galing sa probinsya nila sa Visayas upang sanaʼy makapaghanap buhay nang halos sabay na mawala sa mundo ang mga kinalakhan niyang tagapag-alaga. Ngunit hindi naging madali ang buhay niya rito sa siyudad, ʼtulad na rin ng tipikal na kuwento ng karamihan sa mga nakikipagsapalaran sa malaking siyudad na ito.

Iba’t ibang trabaho ang napasukan ni Ester, sa edad pa lamang na labing lima. Iba’t ibang kalupitan at panlalamang din ang kaniyang dinanas sa kamay ng kaniyang mga walang pusong amo bago siya napunta sa mabait na mag-asawa bilang kasambahay ng mga ito. Walang anak ang mga ito, kaya naman sobra ang pagkagiliw nila sa kaniya.

Naging maayos ang trato nila kay Ester. Halos hindi na nga isang kasambahay, kundi anak, ang turing ng mga ito sa kaniya. Dahil doon, agad ding napalapit ang loob ni Ester sa mag-asawa na lalo namang ikinatuwa ng mga ito.

“Gusto ka naming pag-aralin, hija, kung gugustuhin mo para naman kung saka-sakaling mapunta ka ulit sa ibang trabaho ay wala nang mang-aapi sa ’yo,” minsan ay anang amo niyang babae kay Ester. Kung tawagin niya ito ay madam, ngunit mas gusto nitong patawag sa kaniya ng mama. Ganoon din sa asawa nito.

Tuwang-tuwa naman siya sa narinig kaya’t bagama’t nahihiya ay mabilis na sinunggaban ni Ester ang naturang oportunidad!

Pinag-aral nga siya ng mga ito. Binihisan, pinakain ng masasarap at inaruga na parang anak… ngunit isang trahediya ang susubok sa sukdulan ng pasasalamat niya sa mga ito.

Dahil sa yaman ng mag-asawa ay hindi nakaligtas ang tahanan nila sa mata ng mga kawatan. Isang gabi, habang nahihimbing na ang buong kabahayan ay pinasok ng dalawang magnanakaw ang tahanan ng mga ito.

Nagising na lamang si Ester sa impit na mga pag-ungot na nagmumula sa silid ng kaniyang mga amo, kaya naman dali-dali siyang bumalikwas. Hindi binuhay ni Ester ang mga ilaw upang hindi siya mapansin ng kung sino man ang nasisiguro niyang mga tao sa kwarto ng mag-asawa. Tahimik siyang nagtungo sa pintuan ng kwarto ng mga amo na bahagyang nakabukas at doon ay nakita niyang nililimas ng dalawang kawatan ang mga gamit sa loob n’on, habang nakatali ang mga kamay at paa ng mag-asawa, ganoon din ang bibig ng mga ito.

Dali-daling bumalik si Ester sa kaniyang silid upang tumawag ng pulis at i-report sa mga ito ang nagaganap na kr*men sa loob ng tahanan, pagkatapos ay lumabas siyang muli, dala ang bakal na tubo bilang sandata.

Nakatalikod sa pintuan ang mga kawatan dahil nakaharap ang mga ito sa loob ng malaking aparador ng mag-asawa at abala sa pangungulimbat ng mga gamit doon sabay silid sa kanilang bag. Dahil doon ay nakakuha si Ester ng tiyempo na kalagan nang mabilis ang kaniyang among lalaki upang sabay nilang atakihin ang dalawang kawatan gamit ang kanilang mga hawak na tubo!

Sapul sa ulo ang unang hampas ni Ester kaya naman agad na nawalan ng malay ang isa sa dalawang kawatan. Dahil doon ay nagkaroon sila ng pagkakataong pagtulungan ang isa pa, hanggang sa dumating na ang mga pulis at hinuli ang mga ito!

Animo bayani si Ester para sa mag-asawa, ngunit para sa kaniya ay kabayaran lamang iyon sa kabutihang ipinakita ng mga ito sa kaniya. Handa siyang ibuwis ang sariling buhay para sa kanila, dahil ipinaramdam nila sa kaniya ang pagmamahal na hindi napunan ng mga magulang niya nang siya’y iwan ng mga ito sa puder ng kaniyang mga lolo’t lola upang sumama sa kani-kanilang mga pamilya.

Pagkatapos ng nangyaring insidenteng iyon, nagpasya ang mag-asawa na opisyal nang ampunin ang dalagitang si Ester, tutal ay totoong pamilya na ang turingan nila. Labis naman iyong ikinatuwa ng dalagita na nagpabuhos pa ng masayang luha sa mata nito.

Napakagaling ng tadhana upang pagtagpuin ang landas ng tatlo, dahil napatunayan nilang tunay na wala sa dugo ang pagkakaroon ng isang buo at masayang pamilya. Makikita ito sa pamamagitan ng tamang pagturing at pagtrato natin sa isa’t isa.

Advertisement