Walang Ginawa ang Kasambahay Kundi Itsismis ang Kaniyang mga Amo; Sibak Tuloy Siya sa Trabaho

Wala pang isang taong naninilbihan si Chichay sa kanyang mga amo. Bukod sa pagiging tamad na kasambahay ay napaka-tsismosa pa niya. Imbes na trabaho ang inaatupag ay pagsagap ng tsismis ang ginagawa. Pati ang mga lihim sa pamilya na pinaglilingkuran niya ay alam na alam niya.

Ang amo niyang babae na si Cerila ay kaya iniwan ng asawa’y mahilig maglustay ng pera sa casino. ‘Di naman niya masisisi ang amo na mag-ubos ng salapi dahil marami itong mga negosyo. Ang anak naman nitong lalaki na si Ejay na kaya ipinadala sa Amerika ay dahil nakabuntis ng babae na ayaw nitong pakasalan. Napakaguwapo naman talaga ng binatang amo kaya maraming babae ang nahuhumaling rito. Ang mga bahong iyon ng kanyang mga amo ay itsinitsismis niya sa mga kapwa niya kasambahay na kapitbahay.

“Talaga ba, Chichay? Totoo ba ang mga sinabi mo sa amin?” gulat na sabi ng isa niyang katsismisan.

“Kaya pala hindi ko na nakikita ang guwapong binata riyan ay nasa Amerika na pala at nakabuntis? Sayang, crush ko pa naman ‘yon. At yung napapanot mong among lalaki ay nilayasan ang amo mong babae dahil lulong sa bisyo. Ang mga mayayaman talaga, sangkaterba na ang pera ay hindi pa rin nakukuntento’t nagagawa pang magsugal,” napapailing namang sabi ng isa pa.

“Ay naku mga mare, trulalu ang mga itsinika ko sa inyo. Ang akala ko nga ay matino ang pamilyang ‘yan noong unang dating ko roon na kunwari pang linggo-linggong nagsisimba, iyon naman pala ay mga banal-banalan lang at may mga ginagawang kakaibang milagro,” natatawa niyang sagot sa mga kausap.

Hindi rin nakaligtas sa matabil niyang bibig ang anak na babae ng kanyang amo na si Dorothy. Mayroong guwapong nobyo ang dalaga na palaging pumupunta sa bahay. Sa isip niya ay ang mga ito naman ang mamatiyagan niya. Siguradong may itinatago ring kalokohan ang magkasintahan na kailangan niyang malaman para may bago siyang maitsismis sa mga kaibigan niyang tsismosa rin.

Isang araw ay dumalaw ang lalaki na eksakto namang wala ang amo niyang babae at ang anak lang nitong dalaga ang naroon.

“O, Richmond… kanina pa kita hinihintay, a!” masayang wika ni Dorothy.

Advertisement

“Sorry kung ngayon lang ako nakarating. Nagmamadali nga ako, eh, baka ‘kako naiinip ka na,” tugon ng nobyo.

“Ngayon na ba natin gagawin? Wala ang mama ko rito, eh. Si Chichay lang ang kasama ko,” sabi ng dalaga na tila sabik na.

“’Di lalong magaling. ‘Di malalaman ng mama mo ang gagawin natin,” nakangising sabi ng lalaki na inakbayan ang nobya na may binubulong-bulong pa sa tainga nito.

Nagkakandahaba naman ang leeg ni Chichay habang pinapakinggan ang pag-uusap ng magkasintahan sa sala ngunit walang epekto ang linaw ng tainga niya dahil hindi niya marinig ang bulungan ng dalawa.

Maya-maya ay nagyaya na si Dorothy.

“Eh, saan ba natin gagawin, Richmond?” ingit ng dalaga.

“’Di du’n sa loob ng kuwarto mo. Saan pa ba natin gagawin? Mas okay sa kuwarto mo,” sagot ng nobyo.

“Sabagay nga… para solo natin,” sabi ni Dorothy na may pilyang ngiti.

Advertisement

“O, ano pang hinihintay mo? Tara na sa kuwarto mo at gawin na natin!” yaya ng lalaki na hinila na ang dalaga paakyat sa hagdan.

Nakatunog na ang tsismosang Chichay. Hindi niya maaaring palampasin iyon.

“May gagawin ang dalawa sa kuwarto. Baka may binabalak silang kung ano, mabuti pa ay aalamin ko,” bulong niya sa sarili.

Pumanhik din siya sa itaas at lihim na pinakinggan ang ginagawa ng magkasintahan. Idinikit niyang mabuti ang kanan niyang tainga sa pinto at laking gulat niya sa narinig.

“O, ano uumpisahan na ba natin?” tanong ni Dorothy.

“Siyempre naman, atat na atat na nga ako, eh,” sagot naman ni Richmond.

“Sinasabi ko na nga ba at may gagawing kabulastugan ang mga ito. Atat na atat na ‘yung lalaki, eh,” wika ni Chichay sa isip.

Mas lalo niyang ikinabigla ang mga sumunod niyang narinig sa loob ng kuwarto.

Advertisement

“Ilabas mo na,” wika ni Dorothy.

“Masyado kang sabik, eh, eto na, o,” sagot ng lalaki.

“Naku, ang haba naman niyan!” gulat na sabi ng dalaga.

“Mahaba talaga ‘yan,” natatawa namang tugon ni Richmond.

“Diyos ko! Mukhang nabigla ang g@ga sa kuwan ng nobyo niya… ang haba raw,” sambit ni Chichay sa sarili na patuloy pa ring nakikinig sa labas. Patuloy din ang salitaan sa loob ng kuwarto ng amo.

“Bakit naman ganyan ‘yan? Mahihirapan ako, sobrang haba, eh,” sabi ni Dorothy.

“Naku, kung talagang mahaba ang kuwan nung lalaki, siguradong durog ang bahay bata niya,” natatawang wika ni Chichay.

“Eh, anong magagawa ko, sa mahaba talaga.”

Advertisement

“Sige na nga… pagtitiisan ko na. Bakit ba naman kasi mahaba, eh.”

“Anak ng… pumayag na din ang loka,” sambit pa ng tsimosang kasambahay habang nakikinig.

“Ano ngayon ang masasabi mo?” tanong ni Richmond.

“Ayos din naman pala, eh… kahit mahaba,” sagot ng nobya.

“O, ngayon…didila*n ko na ha?” muling tanong ng lalaki.

“Ay… didila*n mo?”

“Siyempre, o eto na, didila*n ko na.”

Kulang na lang ay buksan ni Chichay ang pinto para makita ang milagrong ginagawa ng dalawa sa loob ng kuwarto.

Advertisement

Kung anu-ano pa ang narinig niya hanggang sa matapos ang dalawa na nasa loob. Paglabas ng mga ito ay hindi maalis sa mga labi ang labis na kasiyahan sa ginawa. Si Chichay naman ay hindi mapakali, nangangati na ang dila niya na gusto nang isiwalat ang mga narinig niya kaya agad siyang lumabas ng bahay at pinuntahan ang dalawa niyang kaibigang kasambahay na sina Lilia at Bona.

“Uy, mga mare, may bago akong iispluk sa inyo. Yung babaeng anak ng amo ko at dyowa niya nag-anuhan sa kuwarto,” sabi niya.

“Ano? ‘Yung magandang dalaga riyan sa inyo at yung palagi naming nakikitang guwapong lalaking kasama niya ay may milagrong ginawa? Alam na ba ‘yan ng amo mong babae?!” gulat na tanong ni Bona.

“Hindi pa, pero tiyak na magwawala si senyora kapag nalaman niya. Laking kahihiyan na nung ginawa ng panganay niyang anak na lalaki, ngayon naman ay ang bunso niya ang lumalandi at sa sarili pa niyang pamamahay,” wika pa ni Chichay.

“Grabe naman! Mabubuntis nang maaga ‘yung anak niya pag nagkataon,” napapailing namang sabi ni Lilia.

Hindi talaga napigilan ang makating bibig ni Chichay. Nagulat na lang siya nang sumunod na araw ay galit na galit na dumating si Cerila at hinahanap siya.

“Chichay, Chichay!” sigaw nito.

Dali-dali niyang pinuntahan ang amo. Kinakabahan itong hinarap.

Advertisement

“B-bakit po, senyora?”

“Ano itong nabalitaan ko na sinabi mo raw sa kasambahay ng aking kumare na si Julie na may ginawang milagro ang anak kong si Dorothy?” gigil na tanong ng amo.

Namutla si Chichay. Paano nalaman ng kumare ng amo niya ang tungkol sa narinig niya? Sino sa mga kaibigan niyang tsismosa ang nagtraydor sa kanya? Wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang magsabi ng totoo.

“Ganito po kasi ‘yon, kahapon po ay dumalaw po rito sa bahay ang nobyo ni Senyorita Dorothy na si Senyorito Richmond tapos po ay pumasok sila sa kuwarto ni senyorita at nag-anuhan po sila sa loob. Dinig na dinig ko na ang haba pa nga raw ng kuwan ni senyorito at tapos, dinila*n pa ‘yung kuwan ni Senyorita Dorothy,” sumbong niya.

Nagulat ang among babae sa ibinunyag niya.

“Ha? Totoo ba ‘yang sinabi mo, Chichay?!”

“Opo, senyora, hindi po ako maaaring magkamali. Ang lakas nga po ng mga boses nila sa loob kaya narinig ko. Paglabas nga po nila ay tuwang-tuwa pa sila at mukhang in-enjoy nila ang ginawa nila,” saad pa niya.

“Ganoon pala ha? Kay babata pa kung ano na ang mga ginagawang kam*nduhan. Ito namang anak ko’y isinuko na agad ang bataan. Makikita nila. Tara, Chichay, samahan mo ako’t puntahan natin ang senyorita mo,” wika ng amo na nagpupuyos sa galit.

Advertisement

Nasa labas na sila ng kuwarto nang marinig nila na may kausap si Dorothy sa loob.

“Naku, senyora, nasa loob yata si Senyorito Richmond,” aniya.

“Aba, bakit mo hinayaan na magsolo uli ang dalawa sa loob?” tanong ni Cerila.

“Hindi ko po namalayan, senyora. B-baka si senyorita po ang nagpapasok sa kanya.”

“At gusto pang maka-round two sa anak ko? Humanda talaga sila sa akin,” wika ng amo na walang patumanggang binuksan ang pinto ng kuwarto. Nagtaka sila na hindi naman naka-lock iyon. Bumungad sa kanila ang magkasintahan.

“Anong sinasabi nitong si Chichay na nag-anuhan daw kayo kahapon?!” gigil na tanong ni Cerila.

Hindi naman kinakitaan ng takot ang dalawa.

“Ho? Ano pong nag-anuhan? Wala naman po kaming ginagawa na kung ano, tita,” sagot ng lalaki.

Advertisement

“Tama po siya, mama. Nagpatulong lang ako kay Richmond na gumawa ng mga invitations para sa nalalapit na ika-limampung kaarawan mo, mama. ‘Di po ba ang balak niyo ay isang magarbong party?” wika naman ni Dorothy.

Ikinawindang ni Cerila at ng tsismosang si Chichay ang sinabi ng magkasintahan.

“Ano? Invitations lang ang ginawa ninyo?”

“Opo, mama. Nagbigay itong si Richmond sa akin ng iskrat na sulat na para sa invitations. Isinulat ko muna sa papel bago ko itinayp sa kompyuter at ipinrint. Alam niyo naman na parang kinahig ng manok ang sulat ng mokong na ito. Ang ‘haba’ nga ng sulat niya sa iskrat, eh. Natawa nga ako, ang ‘haba’ng sulat, akala niya siguro ay essay ang gagawin, birthday invitation lang naman ang ipinasulat ko sa kanya,” natatawang sabi ng dalaga.

“Inutusan po ako ni Dorothy na gumawa ng birthday invitation, pero napahaba po ang sulat ko. Sanay po kasi akong magsulat nang mahaba, eh. Pinagtatawanan nga po ako nitong anak niyo, hindi raw ako marunong,” natatawa na ring sagot ni Richmond.

“Ganoon ba? Eh, ano ‘yun narinig daw ni Chichay na dinila*n mo raw Richmond ang kuwan ng anak ko?” tanong pa ni Cerila.

“Ano po? Mali po ang iniisip ninyo. Ito pong mga sobre ng invitations ang dinila*n ko, para isara. Hindi pa nga po namin natapos lahat, kaya nga po bumalik uli ako rito para matapos na namin. Ito po kasing si Dorothy nagyaya nang kumain kami ng pizza kaya nakalimutan naming tapusin kahapon ang ginagawa namin,” tugon ni Richmond.

Nakita nga nina Cerila at Chichay ang mga nagkalat na makukulay na sobre sa kama ni Dorothy.

Advertisement

Gigil na binalingan ni Cerila ang tsismosang kasambahay.

“Wala naman palang ginagawang masama itong dalawa, eh. Itsinismis mo agad sa tsismosa mong kaibigan na si Bona na kasambahay ng kumare ko ang narinig mong puro kasinungalingan naman pala. Invitations lang pala ang ginawa ng senyorita mo at ng nobyo niya, ipinagkalat mo namang nag-anuhan? Dapat ay inalam mo muna kung totoo o hindi bago ka gumawa ng kuwento. Napaka-malisyosa mo!” singhal ng amo.

Labis na napahiya si Chichay sa ibinunga ng katabilan ng dila niya. Ang akala niya ay iyon lang ang nalaman ng amo niya dahil ang ibang tsismis na ipinagkalat niya sa dalawang kaibigan niyang kasambahay ay nakarating din kay Cerila. Ang hindi alam ni Chichay ay itsinismis din ng mga ito sa mga amo ang sinabi niya kaya nakarating ang mga iyon sa kanyang amo. Mga kumare ng amo niyang babae ang mga amo ng mga dalahira niyang kaibigan. Dahil sa pagiging tsismosa niya ay sinibak siya sa trabaho ni Cerila. Alam din pala ng kanyang amo na tatamad-tamad siya sa bahay, pinagbibigyan lang siya nito dahil naaawa sa kanya pero hindi na nito pinalagpas pa ang pagkakalat niya ng mga impormasyon sa pamilya nito na hindi na dapat nalalaman pa ng ibang tao, lalo na ang pekeng impormasyong isiniwalat niya tungkol sa magkasintahang Dorothy at Richmond na wala naman palang ginawang milagro. Mabuti nga at hindi siya inireklamo ng mga ito ng paninirang puri kundi ay nakulong pa siya.

Ipinahamak si Chichay ng makasalanan niyang bibig, tuloy ngayon ay wala na siyang trabaho. Ang bilis ng karma sa mga gaya niyang tsismosa, ‘di ba?