Inday TrendingInday Trending
Isinama ng Dalawang Kawatan ang Matandang Lalaki sa Bahay na Balak Nilang Pagnakawan; Isang Mahalagang Tao ang Makikilala Nito Roon

Isinama ng Dalawang Kawatan ang Matandang Lalaki sa Bahay na Balak Nilang Pagnakawan; Isang Mahalagang Tao ang Makikilala Nito Roon

Tagaktak na ang pawis ni Mang Carding na ilang oras nang nakabilad sa init ng araw. Nakakaramdam na rin siya ng pagkalam ng kanyang sikmura, palibhasa ay gutom na.

Sa edad na sitenta anyos ay marami na ring nararamdaman sa katawan ang matanda, pero pinipilit pa rin niya na magtrabaho dahil wala naman siyang ibang maasahan. Mag-isa na lamang niyang itinataguyod ang sarili.

Tatlong taon nang namayapa ang asawa niyang si Blesilda dahil sa malubhang sakit sa atay. Habang ang nag-iisa niyang anak na babae na si Edith ay lumayas ilang taon na ang nakakalipas. Sumama ito sa nakilalang Indiano sa pinagtatrabahuhan noong pabrika ng tela sa Valenzuela. Sa edad na disi nuwebe ay nakipagtanan na ito sa lalaking dalawang buwan pa lang nakikilala. Ang katwiran ng anak ay sawa na ito sa hirap kaya nagdesisyon na umalis sa poder nilang mag-asawa. Mula noon ay wala na silang balita sa kanilang anak hanggang sa kinam*tay*n na ng asawa niya ang paghahanap nila rito. Nag-aalala pa naman siya dahil mahina ang puso ni Edith na noong bata pa ito ay labas-pasok na sila sa ospital dahil palagi itong nagkakasakit. Naala pa nga ni Mang Carding na nagdiwang pa ito ng kaarawan bago umalis.

“Sana ay hindi na kayo nag-abala, itay,” sabi ni Edith nang bigyan niya ng mumurahing kuwintas na binili pa niya sa Quiapo.

“Para sa iyo talaga ‘yan, anak. Regalo ko ngayong birthday mo. Tingnan mo, pareho tayo, pati ang nanay mo binilhan ko rin. Pinasadya ko talaga ang mga ‘yan. Ipinaukit ko pa ang pangalan mo at mga pangalan namin ng nanay mo. Pasensya ka na kasi ‘yan lang ang nakayanan ni tatay,” wika niya.

Kung alam lang niya na iyon na ang huling araw na makikita niya ang anak, sana ay hindi niya ito pinayagang umalis ng gabing iyon na nagpaalam sa kanila na magsisimba lang ngunit hindi na bumalik. Nag-iwan lang ito ng sulat na nagsasabing nakipagtanan na. Halos mabaliw siya noon at ang kanyang yumaong asawa kakahanap sa anak subalit wala rin silang napala. Hindi nila ito nakita, sadyang ayaw magpahanap ni Edith sa kanila.

Bumalik sa kasalukuyan ang gunita ng matanda at ipinagpatuloy ang paghahalo ng semento. Sa ngayon ay binubuhay niya ang sarili sa pagko-construction worker.

“Tapos na ho ba ‘yan, Mang Carding?” tanong sa kanya ng bisor.

“Oo naman. Ako pa ba? Kaunti na lang at malapit na ito. Pagkatapos ko rito ay magbubuhat naman ako ng mga bakal at hollow blocks,” sagot niya.

“Napakasipag niyo talaga, Mang Carding. Hindi halata sa edad niyo na malakas pa rin ang pangangatawan niyo at nakakaya pa ang mabibigat na trabaho rito. Kaya nga marami sa mga kasama natin ang hangang-hanga sa inyo,” sagot ng lalaki.

“Naku, ibahin ninyo ako. Huwag ninyong ini-ismol ang matandang katulad ko,” biro niya na mas binilisan pa ang paggawa.

Ngunit hindi lahat ng naroon ay natutuwa kay Mang Carding. Lingid sa kaalaman ng matanda ay lihim siyang kinaiinisan ng dalawang trabahador na sina Bojo at Danny.

Mga binatilyo ang dalawa na walang ginawa kundi ang magpa-petiks sa trabaho. Sa madaling salita, mga tamad ang mga ito. Sinuwerte lang ang dalawa dahil malakas ang nagpasok sa kanila roon na matalik na kaibigan ng bisor. Kung tutuusin ay sayang lang ang ibinabayad sa mga batugan na gaya nila, kaya lang ay talagang malakas ang kapit, eh.

“P*tang i*a, wala na lang ibang bukambibig na purihin si bisor kundi ang matandang ‘yan,” inis na sabi ni Danny.

“Hayaan muna, sumasahod naman tayo kahit nagpapabandying-bandying lang tayo rito, eh. May araw din ‘yang si tanda,” asar na sagot ni Bojo.

Maya-maya ay napalingon ang dalawa nang dumaan ang isang magarang sasakyan na nagmula sa malaking bahay na malapit lang sa construction site. Nagkatinginan sila, palibhasa ay pareho ang itinatakbo ng utak, kasunod niyon ay mala-dem*nyong ngiti ang kumawala sa bibig nila.

“Alam mo ba ang nasa isip ko, Bojo?” nakangising tanong ni Danny sa kasama.

“Oo naman, pare. Balita ko’y mayaman ang nakabili ng magandang bahay na iyon. Kita mo, kakaalis lang nung magandang kotse na ang sakay ay ‘yung may-ari. Isang linggong walang tao roon kaya malaya nating mapapasok ang bahay,” wika ni Bojo.

“Tindi mo rin, ano? Paano mo nalamang isang linggo nang walang tao sa bahay na ‘yon?” tanong ng kausap.

“Wala ka namang bilib sa akin, eh. Kaut*tang dila ko ‘yung sekyu na nagbabantay sa labas ng gate kaya alam ko. Isang beses lang daw sa isang linggo kung pumunta roon ang may-ari. Sinabi pa ng mokong na nangangailagan daw ng mga tagapaglinis yung bagong may-ari ng bahay kaya nagpresinta ako, pati ikaw isinama ko. Sa umaga raw natin lilinisin ang likod-bahay at ang hardin. Doon lang daw puwedeng maglinis sabi nung sekyu, bawal daw pumasok sa loob mismo nung bahay, pero kilala mo naman ako, pare, napapasok ko kahit imposibleng pasukin. Kapag naroon na tayo ay madali na nating mapapasok ang bahay at makakapagnakaw na tayo. Nga pala, isinama ko sa raket natin si Tandang Carding,” tugon ni Bojo na may makahulugang ngiti.

“Puny*ta naman, bakit mo isinama ang huklubang ‘yon?” nagugugluhang tanong ni Danny.

“Para ‘pag nagkahulihan ay siya ang ipapain natin. Walang kapalag-palag iyon. Sasabihin natin na siya ang may pakana ng pagnanakaw. Imbes na tayo ang dadamputin ay ang buwisit na matandang ‘yon ang makukulong dahil tayo’y mga menor de edad. Eh, ‘di lusot na tayo, ‘di ba?” wika ni Bojo.

Nagkasundo silang kumbinsihin ang matanda. Hindi naman naging mahirap dahil natuwa pa nga si Mang Carding dahil sinabi nila na malaki ang ibabayad sa kanila sa paglilinis.

Kinaumagahan, dahil wala silang pasok sa construction ay agad nilang pinuntahan ang malaking bahay hindi para maglinis kundi gawin ang masama nilang balak. Wala namang kamalay-malay si Mang Carding sa pinasok niya.

Pinapasok sila ng guwardiyang nagbabantay sa gate at itinuro kung saan lang sila maaring maglinis. Dinala sila nito sa likod-bahay at sa malawak na hardin. Pinaalalahanan sila nito na huwag na huwag papasok sa loob ng bahay. Maya-maya ay iniwan na sila nito. Iyon na ang inaabangang pagkakataon nina Bojo at Danny para pasukin ang bahay. Nilansi nila ang matanda na kunwari ay tinatawag sila ng kalikasan at iniwan nila ito na nagwawalis ng mga tuyong dahon.

Bubuksan na ng dalawa ang pinto sa likod-bahay nang may marinig silang busina ng sasakyan.

“Lintik! Baka ‘yan ‘yung may-ari!” Malalagot tayo kapag nakita tayo,” kinakabahang sabi ni Danny.

“Huwag kang mag-alala, hindi pa naman agad makakapasok ‘yon dito. Kaya bilisan na natin, siguradong dito sa likod ay may mga makukuha na tayong mapapakinabangan natin,” sambit ni Bojo na napangisi dahil bukas pala ang pinto sa likod-bahay.

Habang abala ang dalawang kawatan sa pagnanakaw ay ‘di nila namalayan na nakababa na ng kotse ang isang babae. Imbes na pumasok ito sa unahang pinto ay dumiretso ito sa likod-bahay. ‘Di sinasadyang nakabanggan nito si Mang Carding. Sa lakas ng pagbangga sa matanda ay napaupo ito sa lupa at napatid ang suot na kuwintas ng babae.

Napatitig si Mang Carding sa nalaglag na kuwintas. Nanlaki ang mga mata niya nang mabasa ang pangalang nakaukit doon – Edith.

“Sorry ho, manong. Nasaktan ho ba kayo?” nag-aalala nitong tanong na dahan-dahan siyang inalalayan na makatayo.

“H-hindi naman, hija. A-ayos lang naman ako. Ako nga pala ‘yung isa sa mga tagapaglinis sa bakuran niyo kaya ako narito. P-pero mawalang galang na, saan mo nakuha ang kuwintas na ito?” tanong ng matanda na unti-unting tumingala.

Laking gulat ni Mang Carding nang masulyapan ang mukha ng babae.

“E-Edith? Edith, anak?”

Napahawak sa bibig ang babae na ikinagulat din ang sinabi niya.

“P-paano niyo hong nakilala ang mama ko?” naguguluhan nitong tanong.

“Dahil sa kuwintas na ‘yan, hija. Ibinigay ko ‘yan sa anak kong si Edith noong gabi ng kaarawan niya. Ang totoo’y pareho kami ng kuwintas ng anak ko at ng aking asawa. Nakaukit din ang mga pangalan namin dito,” sagot ng matanda na ipinakita pa ang dalawang kuwintas na hawak.

Napaluha na ang babae sa tinuran niya.

“Ibig pong sabihin ay kayo ang lolo kong si Ricardo Santos? Matagal na ho kayong hinahanap ni mama. Ako po ang anak niyang si Ayesa. Gusto niya hong humingi ng tawad sa ginawa niyang paglalayas noon. Binalak niyang balikan kayo ngunit dinala kami ng aking ama sa India para doon na sana manirahan ngunit sa kasamaang palad ay lumala ang sakit niya sa puso kaya binawian siya ng buhay doon. Matagal na ho niyang pinagsisihan ang ginawa niya sa inyo. Bago siya pumanaw ay ibinigay niya sa akin ang kuwintas na ito at sinabi na kapag nagkita raw ho tayo ay ihingi ko raw siya ng tawad sa inyo. Mahal na mahal kayo ni mama, lolo,” humihikbing sabi ng babae na ‘di na napigilang yumakap kay Mang Carding.

Walang pagsidlan ang luha na bumukal sa mga mata ng matanda nang malamang wala na ang pinakamamahal na anak. Umasa siyang magkikita pa silang muli ngunit hindi na pala mangyayari. Hindi rin siya makapaniwala na kamukhang-kamukha ng anak niya ang apo. Parang pinagbiyak na bunga, kaya nang makita niya ito ay napagkamalan niyang si Edith.

“Halos ikamat*y namin ang pagkawala niya noon, pero matagal na namin siyang napatawad ng lola mo. Mahal na mahal namin ang mama mo,” hagulgol ni Mang Carding na napayakap na rin sa apo.

“Ngayong nagkita na ho tayo ay hindi ko kayo papabayaan, lolo. Sayang nga lang at wala na rin si lola. Isasama ko na kayo, sa amin na kayo titira,” tugon naman ni Ayesa.

Habang emosyonal na magkayakap ang maglolo ay dahan-dahang lumabas mula sa loob ng bahay sina Bojo at Danny na bitbit ang mga gamit na ninakaw. Nang makita ng dalawa ang babae ay tatakas na sana ang mga ito pero maagap ang mister ni Ayesa na kanina pa pala naroon kasama ang dalawang bodyguard at mabilis na nadakip ang mga kawatan at ipinahuli sa mga awtoridad. Inamin naman ni Mang Carding na kilala niya ang mga binatilyo ngunit hindi niya alam na may masama palang tangka ang mga ito.

Napag-alaman din ng matanda na isa palang mayamang Indiano ang sinamahan noon ng anak na si Edith at ang bunga ng pagmamahalan ng mga ito ay ang apong si Ayesa na may asawa na rin na isang doktor at may isang anak. Maunlad ang buhay nito na isang may-ari ng sikat na pagawaan ng laruan. Ang mag-asawa ang nakabili ng malaking bahay na sinubukang pagnakawan nina Bojo at Danny na isa lang palang bahay bakasyunan. Isang beses sa isang linggo itong binibisita ng mag-asawa upang tiyakin na walang ibang nakakapasok doon. Mabuti na lang at naisipan ni Ayesa na balikan ang naiwang importanteng gamit sa bahay kundi ay hindi sila nagkitang maglolo.

Tuluyan nang inalis ni Ayesa ang kanyang lolo sa lugar na iyon at pinatigil na ito sa pagtatrabaho. Masaya na silang namumuhay na kapiling ang isa’t isa.

Advertisement