Matagal na Niyang Alam na Niloloko Siya ng Kaniyang Asawa; Hanggang Kailan Siya Magbubulag-Bulagan?

Matagal na Niyang Alam na Niloloko Siya ng Kaniyang Asawa; Hanggang Kailan Siya Magbubulag-Bulagan?

HeartbreakingKarmaStories

Malalaki at mabibilis ang bawat hakbang ni Daniel habang papunta sa lugar kung saan nakita ng kaniyang kapatid ang kaniyang asawang si Joy at ayon rito ay muli na naman nitong kasama ang kabit nito.

Ang totoo’y hindi ito ang unang beses na may nakakita kay Joy at sa kalaguyo nitong magkasama, pero ito ang unang beses na huhulihin niya ang dalawa. Hindi lang si Clara ang nagsasabi sa kaniyang may ibang lalaki ang kaniyang asawa, sa katunayan ay mangilan-ngilang kapitbahay ang nagpatunay na hindi sinisiraan ng kapatid ang asawa.

“Kung balak mo pa ring magbulag-bulagan sa katotohanan, Daniel, hala! Bahala ka! Pero ako na ang nagsasabi sa’yo ng totoo. Hindi ko sinisiraan ang malandi mong asawa, totoo ang sinasabi ko. Sinasabi ko ‘to dahil kapatid kita at ayokong niloloko ka ng ibang tao!” ani Clara, kaninang kausap niya ito.

“Tama na iyan, Clara!” singhal niya rito.

Ramdam niya at alam niyang totoo ang sinasabi ng kapatid, ayaw lang niya itong tanggapin. Naniniwala siya, pero takot siyang harapin ang katotohanan.

“Nandito ang asawa mo’t kabit niya sa may palengke, malapit sa sinehan. Naghaharutan at ginawang parke ang lugar na ito. Nakakadiring tingnan at nakakataas ng dugo! Sabihin mong sugurin ko sila, Daniel, gagawin ko.” Halata ang gigil sa boses ni Clara.

“Umuwi ka na at asikasuhin ang sarili mong pamilya,” mahinahon pero may riing sambit ni Daniel sa kapatid.

Walang nagawa si Clara, kung ‘di sundin ang sinabi ng panganay na kapatid. Ano nga ba naman ang pakialam niya, kung gayong ang kapatid na niya ang nagbubulag-bulagan. Manggigigil siya sa inis, pero wala siyang magawa.

Hindi niya pinaniwalaan ang tsismis na iyon sapagkat hindi naman nangnyaring may kahina-hinalang ginagawa ang kaniyang asawa. Sa tuwing umuuwi siya galing sa trabaho ay palagi naman niya iyong nadadatnang inaasikaso ang mga anak nila. Kapag magkasama rin sila’y hindi nito halos hawakan ang selpon, kaya inisip niya noong sinisiraan lamang ito ng kapatid at ng ibang tao. Ngunit ngayon… nais niyang malaman ang buong katotohanan.

Nang marating niya ang lugar ay agad niyang hinanap ang sinabi ni Clara, at totoo nga! Naroon ang kaniyang asawa, nakikipagpalitan ng ngiti sa lalaki, habang nakasandal sa isang taxi. Taxi drayber ang kabit nito, iyon ang kaniyang hinala.

Una’y nagdadalawang isip pa siya kung haharapin ba niya ang dalawa at itigil na ang panloloko sa sariling maayos at hindi malandi ang kaniyang asawa, gaya ng sinasabi ng lahat sa kaniya. Ngunit napagtanto niyang tama na ang panloloko nito.

Humakbang siya papalapit sa pwesto ng dalawa. Kasabay ng paglalakad ay iniisip niya kung ano ang kailangan niyang gawin sa dalawa. Handa na ba talaga siyang harapin ang katotohanan? Handa na ba siyang masira ang pamilyang matagal niyang iningatan at prinotektahang huwag masira. Handa na ba siyang bitawan ang taksil niyang asawa. Ano ang sasabihin niya sa dalawa?

“D-daniel.” Nanlalaki ang mata at halos pabulong na sambit ni Joy.

Namutla bigla ang mukha nito na animo’y tinakasan na ng dugo sa takot ng makita siya. Tinitigan niya ang kabit nito na kagaya ni Joy ay nawalan rin ng kulay ang mukha. Natatakot sa kung anuman ang maaari niyang gawin. Mapait siyang ngumiti saka nagsalita.

“Pinagkatiwalaan kita, Joy,” aniya. Gusto niyang umiyak pero isa iyong kahinaan.

“Sinubukan kong ibigay ang lahat sa’yo at minahal nang higit pa sa buhay ko, pero ito lang ang isusukli mo,” ani Daniel. Puno nang hinanakit at panunumbat ang boses. “Sa nadatnan ko ngayon ay pwede kong gawin ang pinaka-malupit na gagawin ng isang mister na pinagtaksilan ng kaniyang misis, pwede ko kayong [email protected] at gawin ang bagay na pwede kong pagsisihan. Pero hindi ko dudungisan ang sarili kong kamay sa mga katulad niyong taksil,” bagsik na wika ni Daniel.

“Daniel, patawarin mo ako,” humihibing wika ni Joy. “Patawad, hindi ko alam ang sasabihin, pero patawarin mo ako.”

“Humihingi ka ba ng kapatawaran dahil nakonsensya ka sa ginawa mong pagtataksil sa’kin? O humihingi ka ng kapatawaran, dahil hindi mo na ako mahal, kaya ka naghanap ng iba?” ani Daniel.

Iyon ang pinakamasakit na salitang kaniyang sinabi, ngunit nais niyang malaman ang sagot ng asawa. Kung talagang mahal pa siya nito’y hindi nito magagawang magmahal ng iba. Iyon ang katotohanan.

Hindi sumagot si Joy, nanatili lamang itong nakayuko at walang kung anumang salita ang lumalabas sa bibig.

“Malaya ka na, Joy,” maya maya ay aniya. “Pinapalaya na kita, at sa nasaksihan ko ngayon ay malabo nang mangyari ang tanggapin ka pa. Napakasakit ng ginawa mo sa’kin. Bilang kaparusahan sa pagtataksil mo’y hindi ko ibibigay sa’yo ang karapatan ng mga anak natin.”

Nakita niya kung paanong natakot ang mukha ni Joy.

“Malaya na kayong magsama ng kabit mo at asahan mong hindi na ako manggugulo sa inyo. Basta huwag mo na rin kaming guluhin ng anak mo,” aniya saka ito tinalikuran.

Seryoso siya sa kaniyang sinabi. Ito ang nagtaksil at sumira sa pamilya nila, kaya wala itong karapatang maging ina sa mga anak nila. Ipaglalaban niya ang bagay na iyon kung mangyari mang humantong sila sa korte.

Masakit man na sa tagal ng panahong inasam niyang maging buo ang kanilang pamilya’y nasira pa rin ito dahil sa kataksilan ng kaniyang asawa. Pinilit niyang magbulag-bulagan. Tiniis ang sakit, ngunit sadyang may hangganan ang lahat. At dito na nagtapos ang pagiging bulag niya sa katotohanang may ibang minamahal ang asawa.

Kung minahal talaga siya ni Joy, bakit nagawa nitong lokohin siya at pagtaksilan? Kung ayaw na sana nito sa kaniya’y bakit hindi na lamang siya kinausap at maayos na nakipaghiwalay. Bakit kinailangan nito maghanap ng iba habang sila pa? Bakit kailangan nitong iputan siya sa ulo?

Hindi sulosyon ang pakikipagrelasyon sa iba, bagkus ay mas nagiging kumplikado ang lahat at mas nagkakaroon ng problema. Ang hirap mamangka sa dalawang ilog, pero bakit iyon palagi ang pinipili ng iba?

More Stories