Huli, Pero Hindi Kulong

“Siguraduhin niyong hindi makakatakas! Lagot tayo sa heneral kapag nakatakas na naman yan. May isang milyong patong na yan! Patakasin niyo at malilintikan talaga kayo sakin!” Malakas na utos ni Chief Superintendent Ramil Santos sa kapulisan ng San Lazaro.

Iritableng napaupo sa kanyang magarbong swivel chair ang pulis.

Matagal na nilang target ang dr*g lord na si alyas X, at hindi na maari pang makatakas ito. Matinik ito, at wala pang kahit na sinong nakakakilala ng totoong pagkakakilanlan nito.

Muling tumunog ang kanyang telepono. Kinalma niya ang sarili nang makitang ang kanyang maybahay ang tumatawag.

“Hon, baka makalimutan mo ha? Kakain tayo ng hapunan sa labas kasama ang pamilya ng kapatid mo,” malambing na boses na bingad sa kanya ng asawa.

“Oo, baka ma-late lang ako ng konti,” sabi naman niya sa asawa.

“Okay, mag-ingat ka, at wag ka masyado magpadala sa stress,” pagpapaalam ng asawa.

Nahilamos niya na lang ang mukha sa sobrang iritasyon. Matagal na siyang pinupukpok ng mga nakatataas na mahuli ang X na iyon, na mukhang may kontak ata sa kapulisan dahil laging nakakatakas kahit sa pinaka-pribado nilang operasyon.

Advertisement

Tumunog ang kanyang telepono, hudyat na may nagpadala sa kanya ng mensahe.

Kuya, kailangan ko ng tulong, mensaheng kanyang nag-iisang kapatid.

Isa pa itong pasaway na to. Sa isip-isip niya. Nakababatang kapatid niya si Alexander. Malapit sila dahil dalawa lang silang magkapatid kaya hindi siya nakakahindi sa mga pabor na hinihingi nito.

Tinawagan niya ang kapatid at matapos ang saglit nilang pag-uusap ay nakatanggap ulit siya ng mensahe mula dito. Salamat, Kuya. Kita tayo mamayang hapunan.

Nakatanggap siya ng tawag mula sa mga pulis niyang nasa operasyon ng paghuli kay X. Madami daw tao si X kaya protektado ito kaya nag-request pa ang mga ito ng karagdagang tao.

Agad naman siyang nagpadala ng karagdagang tao.

Lumipas ang ilang oras bago muli siyang nakatanggap ng tawag. Nakatakas daw si X, dahil may mga dumating din itong karagdagang tao.

P*tay naman kami kay Heneral. Saka napabuga ng hininga.

Advertisement

Alas otso ng gabi. Oras na para sa pagtitipon tipon ng pamilya Santos sa isang mamahalin restawran para sa isang magarbong salu-salo.

Naglalakad ang Chief Superintendent mula sa parking lot nang makasabay niya ang kapatid.

”Kuya!” Pagbati nito.

“X.” Malawak ang ngising pagbati niya sa kapatid.

Ito ang tawag niya sa kapatid simula pagkabata. Siya lang ang tumatawag ng ganun dito. Sabi ng nanay niya, hindi niya daw masabi ang salitang “Alex,” na palayaw nito, kaya naging “X” ang tawag niya dito.

“Salamat sa tulong Kuya, natakasan ko na naman ang mga tao mo,” tatawa-tawang sabi nito.

“Mag-iingat ka sa susunod. Buti nabigyan din kita ng tip na magpadala pa ng madaming tao. Kundi baka nahuli ka na,” umakbay siya sa kapatid.

Pero bago pa sila makapasok ng restaurant ay isa isa nang nagsilabasan ang armadong kapulisan mula sa mga pinagtataguan nitong madilim na parte parking lot.

Advertisement

Nagulat ang Chief Superintendent nang makita niya din ang Heneral. May pang-uusig siyang nakita nang dumapo ang mga mata nito sa nakaakbay na kamay niya sa kapatid.

“Ayokong maniwala nung una dahil matagal na kitang kakilala, Ramil. Wala sa hinagap ko na ikaw ang ahas na matagal nang tumatraydor sa kapulisan,” mababa ngunit madiin na pagkumpronta nito sa kanya.

Hindi nakapagsalita ang salarin. Nahuli sila sa akto. Hindi niya alam na may ideya na pala ang mga ito.

“Matagal ka na pinaghihinalaan ng mga taong pinamumunuan mo. Hindi ko inaakala na ganito kababa ang tingin mo sa kapulisan, Ramil,” bakas ang pagkadismaya nito.

Hindi niya alam kung saan ito mas dismayado – sa kanya na isa palang traydor, o sa sarili nito na hindi man lang nakatunog.

“Humahanap lang kami ng malinaw na ebidensiya. Mabuti naman at hindi mo kami pinahirapan,” sabi nito habang pinoposasan siya.

Ang kanyang kapatid naman ay nagsisisigaw na. “Kuya! Ano to? Sabi mo hinding-hindi ako mahuhuli! Kuya! Tulungan mo ako!”

Patuloy itong nagsisisigaw hanggang sa maisakay ito sa patrol car.

Advertisement

Tahimik lamang ang Chief. Sa tuwing muntik-muntikan mahuli ang kapatid niya, sinasabi niya dito parati na “Mahuhuli ka, pero hindi ka makukulong.”

Ngunit sa mga pagkakataong yun, sigurado na siyang wala silang takas. Alam niyang pagbabayarin sila ng batas sa mga kasalanang nagawa nilang magkapatid.

Huli na para magsisi. Pagkausap niya sa sarili habang tinatanaw ang mga nadadaanang lugar. Baka hindi na ulit siya magkaroon ng pagkakataon makita ang labas.

Nang mga sandaling iyon, nagtataka na ang pamilya Santos kung bakit wala pa ang dalawang padre de pamilya. Nang gabi ding ay mapapagtanto nila na ang yamang tinatamasa nila ay galing sa masama.