Ang Lihim ni Kuya

Si Owen ang panganay sa limang magkakapatid, kaya naman bitbit niya ang malaking responsibilidad na iahon mula sa kahirapan ang kanilang pamilya.

“Owen, sasama ka sa akin ngayon sa site. Susubukan kong ipasok kang mason sa bagong kontruksyon na gagawin.”

“Sige ‘tay, sasama po ako,” maikling tugon ni Owen sa ama.

“Kuya, hindi ka ba papasok sa school ngayon?” tanong ng nakababatang kapatid na si Patricia.

“Hindi na muna mag-aaral ngayon si kuya dahil magtatrabaho muna ako para matulungan ko sina tatay na masuportahan lahat ng mga gastusin natin.”

“Kailan ka na ulit papasok sa school, kuya?” tanong ni Quennie.

“Hindi ko pa alam eh, sina Kuya Rico at Kuya Samuel niyo muna ang mag-aaral.”

“Sige na, Owen! Bilisan mo na ang pagkain diyan. Aalis na tayo!” sabat ni Mang Tony sa usapan ng mga anak.

Advertisement

Hindi nagtagal ay umalis na ang mag-ama at pumunta sa nasabing construction site.

“Aba, Tony! Ayos itong panganay mo ah. Ang tangkad at ang tikas ng katawan!”

“Nako, sinabi mo pa! Kaya nga inilapit ko dito sa inyo para mas mas lalong lumaki ang mga braso e!”

“Huwag kang mag-alala kumpare, mahahasa ‘yan sa akin dito!”

Tahimik lang si Owen habang kinakausap ng tatay niya ang foreman na namamahala sa konstruksyon.

Mga ilang linggo na siyang nagtatrabaho sa site, pero unti-unting bumibigay ang kanyang katawan. Malaki man ang kanyang mga braso, hindi niya maikakailang mahina ang pangangatawan niya.

“Ano ka ba naman Owen?! Ang hina-hina mo! Isang sakong semento lang, hindi mo mabuhat ng maayos?!” sigaw sa kanya ng foreman nila.

“Naturingan pang malaki ang katawan, lampa naman pala!”

Advertisement

“Baka naman binabae ka, pare?!” tatawa-tawang sabi ng isa niyang kasamahan.

“Baka nga, macho papa e!” sulsol naman ng isa pa.

Araw-araw naging ganoon ang trato kay Owen sa trabaho. Hindi niya na lamang ito pinansin at nagpatuloy lang siya sa pagtatrabaho kahit hindi kaya ng katawan niya. Hanggang sa isang araw, bigla na lamang siyang nawalan ng malay at isinugod sa pinakamalapit na ospital.

“Imbes na makatulong ka sa gastusin, dumagdag ka pa!” reklamo ng tatay niya.

“Tony, ano ka ba? Bakit ganyan ka magsalita sa anak mo?! Siya na ngang na-ospital e!” saway ng Nanay Vilma niya.

“Hindi ko lang gusto ang mga naririnig ko. Ayokong pinagtsitsismisan ka nila! Ang laki-laki ng katawan mo tapos ang lampa-lampa mo! Huwag ko lang malaman-laman na totoo ang mga balita tungkol sa iyo!” inis na inis na si Mang Tony sa anak.

Tahimik lang si Owen habang nagsesermon sa kanya ang tatay niya. Hangga’t maaari ay ayaw niyang sumagot dito.

Nang makalabas na siya sa ospital, napagdesisyunan ni Owen na hindi na pumasok sa trabaho. Hindi niya alam kung anong magiging reaksyon ng pamilya niya, pero hindi niya mapipilit ang sariling gawin ang isang bagay hindi ninanais ng kaniyang puso.

Advertisement

Habang naghahapunan sila, balak na niyang magpaalam sa tatay niya.

“‘Tay, hindi na ako papasok sa site. Maghahanap na lang ako ng ibang trabaho,” paalam ni Owen sa ama niya.

“Ano naman ang gagawin mo ha?! Gusto mo tumambay na lang dito at maging palamunin?!” sigaw ni Mang Tony sa anak.

“Tony, pwede ba?! Pakinggan mo muna si Owen! Lagi ka na lang galit, hindi mo siya kausapin ng maayos!”

“‘Tay, maghahanap po ako ng maayos na trabaho. Trabaho na gusto kong gawin.”

“Ano?! Anong trabaho ang nababagay sa’yo?! Subukan mo lang Owen ha! Huwag mong pairalin yang kab*klaan mo! Magpakalalaki ka!”

“Tony, tama na! Huwag mong sabihin sa anak mo ‘yan! At sa harap pa ng mga bata!” saway ni Aling Vilma.

Umalis sa hapag-kainan si Mang Tony, maging ang mga binatang kapatid niya na sina Rico at Samuel. Hindi na makaya ni Owen ang sama ng loob na dinadala niya. Pakiramdam niya ay bibigay na siya. Hindi na niya kayang magkunwari pa.

Advertisement

Kinabukasan, maagang umalis si Owen ng bahay upang maghanap ng trabaho. Hindi inaasahang napadaan siya sa isang comedy bar, kung saan may mga beking namimigay ng tiket sa labas.

Hindi niya alam kung bakit ngunit naengganyo siya at lumapit dito. Nagtatakang tumingin sa kanya ang isang beki.

“Ay ay ay! Mukhang kakaiba ang naaamoy ko!”

“Mamaaa! Mukhang ka sisteret natin itey!”

Nakayuko lang si Owen at hindi nagsasalita. Hindi niya alam kung paano isisiwalat ang matagal na lihim niya. Bigla siyang hinatak ng isang b*kla sa loob kaya hindi na siya nagmatigas pa.

Hindi niya maipaliwanag kung bakit pero, hindi siya tumanggi sa lahat ng ginawa sa kanya. Nilagyan siya nang wig, inayusan at binihisan ng pambabae.

Doon lang naramdaman ni Owen ang totoong saya. Hindi siya makapaniwalang naging totoo siya sa sarili niya.

Napakaganda niya.

Advertisement

“O, ‘di ba? Ang ganda mo sis!”

“Oo nga, grabe!”

Hindi makapaniwala si Owen sa itsura niya. Ito na ang pinakamasayang araw sa buong buhay niya. Binigyan siya ng pagkakataon na maipamalas kung sino siya at ang talento niya. Buong gabi siyang nagtanghal sa comedy bar, at daan-daang tao ang kanyang napasaya.

Halos madaling araw na nang umuwi siya sa bahay nila. Laking gulat niya nang sumalubong sa kaniya ang nanggagalaiti sa galit niyang tatay kaharap ang mga kapatid niyang sina Samuel at Rico.

“Wala na ba kayong ibang alam na gawin kundi makipagbasag-ulo?! Sumagot kayo!”

“Ano?! Ngayon niyo ipakita ang tapang niyo!”

Akmang susuntukin na ng tatay niya ang dalawang binita kaya pumagitna na si Owen sa tatlo.

“Tay, tama na! Huwag! Huwag niyong saktan ang mga kapatid ko!”

Advertisement

“Magsama-sama kayong tatlo, mga walang kwenta kayo!”

Umalis ang Tatay nila at naiwan si Owen kasama ang kanyang dalawang kapatid.

“Ano ba kasing ginawa niyo? Bakit kayo nakipag-away? Dumagdag lang kayo sa sakit ng ulo ni tatay.”

“Dahil sayo kaya kami napaaway! Dahil sa ginawa mo! Dahil sa kab*klaan mo!!!” sigaw ni Rico sa kanya.

“Nakita ka namin sa comedy bar, kaya huwag ka nang magsinungaling! Nakakahiya ka!” dagdag pa ni Samuel.

Sunod-sunod ang naging pagpatak ng mga luha sa mata ni Samuel dahil hindi na niya alam kung ano ang tama. Sobrang masakit para sa kanya na hindi siya maintindihan ng pamilya niya.

Kinabukasan nalaman na ng tatay niya ang totoo niyang pagkatao, kaya napilitan siyang umalis sa bahay nila. Nagsimula siya ng bagong buhay sa comedy bar, buhay na hindi kasama ang pamilya niya.

“Owen, huwag kang mag-alala dahil maraming tao ang mapapasaya mo ngayong gabi. Iyong-iyo ang entablado!”

Advertisement

“Walang silbi ang libo-libong tao, kumpara sa pamilya ko,” malungkot na sagot ni Owen.

Ngayong gabi ang kanyang kauna-unahang solong pagtatanghal. Lumabas siya at tumungtong na ng etablado. Laking gulat niya ng makitang nakaupo sa harapan ang kanyang buong pamilya. Lahat sila nakangiti at nagpapakita ng suporta sa kanya.

“Anak, patawarin mo kami. Lalo na ang tatay mo. Hindi naging madali sa kaniya ang tanggapin ang pagkatao mo dahil sa kinagisnan niyang patriyarkal na pamilya. Pero anak? Mahal ka ng tatay mo. At mahal na mahal ka naming lahat. Kaya’t susuportahan ka namin sa kung anuman ang nagpapasaya sa’yo,” naluluhang sabi ng kaniyang ina matapos ang kaniyang pagtatanghal.

Nakaupo, ngunit nakangiti at pumapalakpak naman sa tabi nito ang kaniyang ama.

Masayang-masaya si Owen dahil natanggap na ng kaniyang pamilya ang tunay niyang pagkatao. Sa wakas ay hindi na niya kailangang magtago.