Ang Misteryosong Keyboard

Mapanlait, yan si Anita. Ang madalas niyang makita sa isang tao ay mga pisikal na kapinstasan nito, higit sa bagay na kapuri-puri dito.

Ngunit hindi alam ng mga nakapaligid sa kanya, kahit na nga ang mga malalapit sa kanya, ang pag-uugali niyang iyon. Paano? Dahil ginagawa niya ang panlalait habang nagtatago sa iba’t ibang username sa iba’t ibang social media.

Tama. Isang keyboard warrior si Anita. Ang keyboard warrior ay isang terminong binibigay sa taong magaling lamang sa pagiging agresibo sa likod ng computer, kontra sa tahimik/mahiyain niyang aktuwal personalidad na kilala ng karamihan.

Si Anita, dahil madami ring maituturing ng karamihan na kapintasan, ay nagagawa lamang magsalita ng masama sa mga tao kapag siya ay nagtatago sa likod ng computer.

“Nag-lipstick ka pa ng pulang pula eh ang itim-itim mo na!” Panlalait niya sa larawan ng isang dalagita na nakatira din sa baranggay nila.

“HAHAHAHAHAHA! Naku, nagsuot ng sunglasses si ate kasi duling yan sa personal!” Pag-komento niya sa litrato ng kaeskwela niya na si Aya, na may depekto ang mga mata. Nagtatago siya sa likod ng username na @miabella.

Naghahanap pa siya ng ibang kapintasan na maari niyang gawing katatawanan nang may may matanggap siya na notipikasyon na may iba pang nag-komento sa larawan ni Aya.

Sabi ng isang nagngangalang Ella, “Naku, siguro panget yang @miabella na yan kaya ang panget din ng pag-uugali.”

Advertisement

Sabi naman ng isang Mika, “Wag mo nang pansinin yang @miabella na yan kasi baka walang nagmamahal sa kanya kaya ganun siya makapanlait.”

Sa sobrang panggigigil ni Anita sa mga nagtanggol kay Aya ay nahampas niya ang keyboard ng kanyang computer, dahilan para masira ang iilan sa mga letra nito. Mas lalo siyang nainis.

Kailangan ko pa bumili ng bagong keyboard. Mahal pa naman yung brand na ginagamit ko, sa isip isip niya.

Kinabukasan, Linggo. Nagpunta si Anita sa mall upang bumili ng bagong keyboard.

Naghahanap siya ng mas mura nang may lumapit sa kanya na isang babaeng isa sa mga saleslady at i-rekomenda and brand na gusto niya.

“Wala akong budget. Kailangan ko ng mas mura,” sabi ni Anita sa babae.

“Bibigyan kita ng discount,” may misteryosa itong ngiti, at iniabot sa kanya ang keyboard.

Pagbayad niya ang laking tuwa niya na mas mura nga ang presyo nito, at magpapasalamat sana siya sa babae kaso nang lumingon siya ay hindi niya na ito muling nakita.

Advertisement

Pag-uwi niya sa bahay ay agad siyang nag-log in sa kanyang mga fake accounts.

Nasa proseso siya ng pagta-type nang may maramdaman siyang tila may malamig na hangin na dumampi sa kanyang batok. Nilingon niya ang bintanang inakalang nakabukas ngunit nagtaka siya dahil sarado iyon.

“Nag-aral ka ba? Spelling lang ng isang simpleng salita, di mo pa makuha ng tama!” Iyon sana ang iko-komento niya pero ng ipapadala na niya ito ay hindi siya nag-tagumpay.

Sinubukan niya ulit na mag-komento ngunit sa pangalawang pagkakaton ay bigo siyang mai-send ang komento.

Sinubukan niya isa-isahin ang bawat button sa keyboard pero lahat ng ito ay gumagana naman. Ang weirdo, naisip ni Anita.

Palabas siya ng kwarto nang marinig niya ang pagtipa sa keyboard.

Kahit natatakot ay lumapit siya at binasa ang tinitipang mga salita.

ITIGIL MO NA ANG GINAGAWA MO BAGO PA MAHULI ANG LAHAT.

Advertisement

Sa takot ay hinablot niya ang keyboard mula sa pagkakasaksak nito sa kanyang computer, ngunit sa kanyang panggigilalas ay patuloy pa din ang pagtipa dito. Maya-maya pa ay nabasa ni Anita ang mga salitang WALANG MABUTING NAIDUDULOT ANG PANLALAIT SA IBA.

Kumaripas siya ng takbo palabas ng kwarto at sinabi sa nakasalubong kapatid ang nangyari. Pagdating nila sa kanyang kwarto ay maayos nakakabit ang keyboard, at wala ang mga salitang nabasa niya kanina.

Tinawanan siya nito at sinabihan na nananaginip lang siya.

Pero sigurado siya na hindi panaginip ang lahat.

Kinabukasan ay bumalik siya sa pinagbilhan ng keyboard. Ayaw tanggapin ng mga ito ang isinasauli niya dahil wala naman daw depekto ang binili niya. Hinanap niya ang babae na nagbigay ng discount sa kanya nang araw na bilhin niya ang keyboard.

”Ma’am puro lalaki po kami dito, wala po kaming kasamang babae,” magalang na sabi ng lalaking nakausap niya.

“Pare, hindi kaya si Macy yung nakausap niya?” May takot na ekspresyon sa mukha ng isa ding salesman na nagsalita.

Napag-alaman niya na isang buwan pa lamang ang nakalilipas nang magpakam*tay si Macy, isa sa mga saleslady doon, dahil biktima ito ng cyberbullying.

Advertisement

Napagtagni-tagni ni Anita ang lahat ng pangyayari.

Kaysa itapon, muling iniuwi ni Anita ang keyboard na binili. Napagtanto niya ang mga nagawang pagkakamali. Umusal siya ng panalangin para sa kaluluwa ni Macy.

Bagamat misteryoso at kakaiba ang nangyari, madaming natutunan si Anita. Mula noon ay ihininto niya na ang pagsasabi ng masasamang bagay sa ibang tao kapag siya ay online. At sa tuwing natutukso pa din siyang magkomento sa mga nakikita niya, lagi niyang inaaalala si Macy, na nawalan ng gana mabuhay dahil sa mga taong hindi naman perpekto pero masakit magsalita at mapanghusga.