Pinsan Ko Ang Kapisan Mo

Habang naghahapunan angmaybahay na si Sheryl kasama ang kaniyang asawang inhinyero na si Steve at ang kanilang kaisa-isang anak na si Cedie ay may dumating na bisitang hindi nila inaasahan. Ito ang pinsang buo ni Sheryl na si Karen. Nagtatrabaho ito bilang isang waitress dito sa Maynila. Nang nagtanggal ng mga trabahador ang restawran na pinapasukan ng dalaga ay kasama ito sa mga nawalan ng trabaho. Dahil may kaya sa buhay itong si Sheryl, hindi na siya nagdalawang isip pa na lapitan ang pinsan upang hingan ng tulong.

“Ate Sheryl, pasensiya ka na sa biglaang pagpunta ko dito. Nais ko sanang makiusap sa’yo. Wala na kasi akong matutuluyan baka sakali na kung puwede ay pansamantala muna akong manuluyan dito sa inyo habang naghahanap ako ng trabaho,” pakiusap niya sa kaniyang pinsan. “Ayoko kasing bumalik agad ng probinsya ng hindi ko sinusubukan muli ang swerte ko. Alam mo namang kailangan nila nanay ng tulong ko,” saad ng dalaga.

Agad naman siyang pinaunlakan ng ginang. “Ano ka ba naman, Karen, syempre ayos lamang sa akin na pumarito ka muna. Maganda nga iyon at kahit paano ay may makakasama ako dito sa bahay tuwing wala ang asawa ko,” tugon naman ni Sheryl. “Ano pa at naging magpinsan tayo, hindi ba? Sige, at dumito ka na muna. Gusto mo bukas ay tutulungan pa kita na maghanap ng trabaho. Magtatanong din ako sa asawa ko baka sakaling may mga alam siyang maaari mong pag-aplayan,” dagdag pa ng ginang.

At doon na nga pansamantalang nanirahan ang dalaga. Habang nililibot niya ang bahay ng kaniyang pinsan ay hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit dito. Hindi niya maiwasan na mag-isip na sana balang-araw ay magkaroon din siya ng buhay na kagaya ng kaniyang pinsan.

“Ito ang magiging silid mo, Karen, magpahinga ka na alam kong pagod ka. Bukas na natin ipagpatuloy ang kuwentuhan,” nakangiting sambit ni Sheryl.

Kinabukasan ay maagang gumayak si Karen upang maghanap ng trabaho.

“Kumain ka na muna ng almusal, Karen,” paanyaya ni Sheryl.

“Salamat, ate, pero sa labas na lang ako kakain. Baka tanghaliin na kasi ako,” tugon naman ng dalaga.

Advertisement

“Kung ganoon ay sumabay ka na sa akin,” wika naman ni Steven na papasok na sa opisina.

“Okay lang ba sa inyo?” tanong niya sa mag-asawa.

“Oo naman. Sumabay ka na riyan sa Kuya Steven mo para makatipid ka ng pamasahe. Idagdag mo na rin ito, Karen, sa panggatos mo,” saad ni Sheryl habang iniaabot ang isang libong piso sa dalaga.

Habang nasa sasakyan si Karen at Steven ay hindi maiwasan ng dalaga na tignan ang kaniyang bayaw. Matagal na siyang naguguwapuhan sa ginoo pero hindi niya akalain na mas guwapo pa pala ito sa malapitan.

“Napakaswerte talaga ng pinsan ko. Maganda na ang buhay niya tapos may guwapo at mabait pa siyang asawa,” sambit sa isip ng dalaga.

Dahil sa araw-araw na pagsabay ni Karen sa asawa ng kaniyang pinsan ay hindi niya na naiwasan pa na mahulog na rin ang kalooban kay Steven. Habang ibinababa siya ni Steven sa kaniyang pupuntahan ay hindi niya mapigilan ang kaniyang sarili na halikan ang ginoo.

“Bakit mo ginawa ‘yun, Karen?” saad ni Steven.

“Matagal ko nang gustong gawin ‘yun sa’yo. Hindi ko kasi maiwasan na mahulog ang loob ko sa’yo. Pasensiya na. Alam kong mali ito pero ano ang magagawa ko,” pag-amin ni Karen kay Steven.

Advertisement

“Ayokong masira kaming mag-asawa, Karen. Kaya kung maaari ay manatili na lamang sa atin ang bagay na ito. Kalimutan na lamang natin ang nangyari,” tugon naman ng ginoo.

Buong pagkadismayang bumaba si Karen ng sasakyan ng asawa ng kaniyang pinsan. Ngunit habang nagmamaneho naman si Steven ay hindi niya maialis ang kakaibang naramdaman ng halikan siya ng dalaga. Buong araw ay nasa isipan niya si Karen at ang halik nito.

Kinagabihan nang tulog na ang lahat ay palihim na pumasok si Steven sa silid ng dalaga. Lubha naman itong ikinagulat ni Karen. Bago pa man siya magsalita ay agad na siyang hinalikan ng ginoo. Hindi na nila napigilan pa ang kanilang mga sarili at doon na nga may nangyari sa kanila.

Kahit alam ng dalawa na mali ang kanilang ginagawa ay nagpatuloy ang relasyon nila Karen at Steven lingid sa kaalaman ng kaawa-awang si Sheryl.

Isang araw ay maagang aalis si Sheryl kasama ang anak na si Cedie

“Hindi na kami sasabay sa’yo, mahal. Mag-taxi na lang kami ng anak mo. Kailangan ko na kasing samahan si nanay sa check up niya. Isabay mo na ‘yang si Karen sa pag-alis mo,” sambit ng misis.

Nang makaalis ang mag-ina ay nakita ni Steven at Karen na isang magandang oportunidad ito upang masolo nila ang isat-isa.

“Hindi mo lang alam, Steven, kung gaano ko kagusto na sana ay ako na lang ang reyna ng bahay na ito. Na sa akin ka na tuluyang uuwi at masolo kita kung kailan ko gusto,” bulong ni Karen habang nakalingkis ito sa ginoo.

Advertisement

“Sa totoo lang mas gusto kita kaysa sa asawa ko. Mas sariwa ka at kaaya-aya. Masaya ako na buong araw natin masosolo ang isat-isa. Kaya halika na sa kwarto at simulan na natin bago pa man umuwi ang asawa ko,” saad ni Steven sabay buhat sa dalaga.

Buong akala ng dalawa ay walang kaalam-alam itong si Sheryl sa kanilang ginagawa. Ilang sandali pa ay marahang pumasok ang ginang sa bahay. Dahil abala ang dalawa na ine-enjoy ang isat-isa ay hindi nila namalayan na nakabukas na pala ang pintuhan ng silid. Nagulat na lamang sila nang pagkalingon nila ay naroon na si Sheryl kasama ang mga magulang ni Karen, mga magulang ni Steven at kaniyang mga magulang.

“Gusto kong makita ninyo mismo ang pagtataksil na ginagawa sa akin ng dalawang ito. Ang akala ata nila ay habang buhay nilang maitatago sa akin ang kababuyan nilang ito. Ginawa ko ito upang kayo na mismo ang makasaksi at wala na akong gawing kahit ano pang paliwanag,” pahayag ni Sheryl.

Gulat na gulang naman ang kanilang mga magulang sa natunghayan na hubad na katawan nila Karen at Steven.

“Walang kasing sakit ang ginawa mo sa akin, Karen. Pinatuloy kita sa pamamahay ko ngunit ito ang igaganti mo,” lumuluhang sambit ng ginang. “Ikaw naman, Steven, hindi mo naisip ang lahat ng sakripisyo ko sa iyo bilang asawa mo? Wala akong hinangad kundi mapaayos ang pamilyang ito. Ultimo mga pangarap ko ay tinalukuran ko upang maging mabuting may bahay mo. Ngunit hindi pala sapat ang maging isang mabuting asawa at ina sapagkat bandang huli ay nagpatukso ka pa rin sa tawag ng laman,” saad naman ni Sheryl sa kaniyang asawa.

Walang mapaglagyan ang kahihiyang nararamdaman nila Karen at Steven nang maaktuhan sila ng lahat na gumagawa ng kasalanan.

“Mula ngayon ay wala na akong asawa at pinsan. Lumayas kayo rito sa pamamahay ko!” hindi na napigilan pa ni Sheryl ang kaniyang sarili at pinagtabuyang nakahubad ang dalawa.

“Iyan ang nararapat sa mga ahas na kagaya ninyo. Sana ay maging maligaya kayo sa piling ng isat-isa sa impyerno!” saad ng ginang.

Advertisement

Masakit man, ngunit kailangan maging matatag ni Sheryl para sa sarili at kanyang anak. Mahal niya ang asawa, ngunit kailangan din niya mahalin at irespeto ang sarili na paalisin ito sa kanilang buhay, dahil ang taong tunay na nagmamahal, hainan mo man ng ibang putahe ay kahit kailan, hinding-hindi titikim nito.