Inday TrendingInday Trending
Nilooban ng Lalaki ang Bahay ng Kaniyang Kaibigang Milyonaryo, Mahuli Kaya Siya Nito?

Nilooban ng Lalaki ang Bahay ng Kaniyang Kaibigang Milyonaryo, Mahuli Kaya Siya Nito?

“Grabe, pare, ang yaman mo na talaga, ano?” sambit ni Jomari dahil sa pagkamangha, isang tanghali nang dalawin niya sa bahay ang kaniyang kababata.

“Naku, hindi naman. Nagsumikap lang talaga ako sa buhay. Hindi ko rin alam na susuwertehin ako ng ganito, pare. Hindi ko akalain na lalago ‘yong maliit kong negosyo na pinagtatawanan noon ng iba nating mga kababata,” patawa-tawang sambit nito saka habang siya’y dinadala sa hapag-kainan nito.

“Oo nga, eh, kaya pinagmamalaki talaga kita kahit kanino, eh! Tiyak, kumikita ka ng isang daang libong piso kada araw ngayon!” biro niya saka naupo na sa silya, tila kumalam pa ang tiyan niya nang makita ang sandamakmak na pagkaing nakahain sa harapan niya.

“Hindi lang isang daang libong piso, pare! Sa dalawa kong negosyo, nakakaipon ako ng dalawang libong piso! At kapag araw ng pasko, o iba pang selebrasyon katulad ng araw ng mga puso, lalong malaki ang kita ko dahil sa dagsa ng mga taong bumibili!” pagtatapat nito sa kaniya na labis niyang ikinagulat dahilan upang mapaisip na siyang kikita siya sa kaibigan niyang ito.

“Naku, edi ang dami mo ng pera sa iba’t ibang bangko?” tanong niya rito.”Iyong ibang pera ko nasa bangko, ‘yong iba naman nandito lang sa bahay para kapag may emergency, agad akong makakakuha ng pera,” sagot nito saka nagsimula nang kumain.

“Ah, ganoon ba? Pwedeng patingin ng kwarto mo? Pangarap nating magkaroon ng sariling kwarto dati, eh, hindi ba?” wika niya.”Oo, sige, pagkatapos nating kumain!” galak na galak na tugon nito dahilan upang siya’y mapangisi.

Sa edad na tatlongpung taong gulang, wala pa ring permanenteng trabaho ang binatang si Jomari. Madalas siyang natatanggal sa trabahong pinapasukan niya dahil sa mga katiwaliang kinabibilangan niya.

Kung hindi siya masasangkot sa away dahil sa pagiging mayabang at matapobre, madalas, nahuhuli siyang nangungupit ng pera, pagkain o kahit anong gamit sa kaniyang pinagtatrababuhan dahilan upang mapahanggang sa ngayon, wala pa rin siyang maipon.

Ito ang dahilan upang lalo siyang mapapunta sa madilim na parte ng buhay. Dahil nga siya’y mag-isa na sa buhay, ginagawa niya ang lahat upang makakain lang sa isang araw. Minsa’y nanghoholdap siya ng matanda, nagnanakaw o kung hindi nama’y mangungupit ng paninda sa mga grocery para lamang siya’y makain.

Kaya naman, nang mabalitaan niyang bumalik na sa bansa ang matalik niyang kababata, agad siyang nagtungo sa bahay nito. Wika niya pa, “Tiyak, makakarami ako rito. Baka ito na ang paraan upang umunlad din ako!”

Noong araw na ‘yon, binilisan niya ang pagkain upang makapunta na sa kwarto ng naturang kaibigan. Nang matapos na ring kumain ang kaniyang kaibigan, agad na itong nag-imis ng lababo at doon na siya nagsimulang magsilid ng gamit sa maliit niyang bag.

Patawa-tawa niya itong ginagawa habang siya’y walang sawang kinukwentuhan ng binatang ito. Maya maya pa, umakyat na nga sila sa silid nito at halos tumigil ang mundo niya nang makita ang sandamakmak na alahas at perang nakakalat lang dito. At doon na nga siya nagsimulang mag-isip ng plano upang makuha lahat ng ito.

Ilang oras pa ang lumipas, agad na rin siyang nagpaalam dito. Pagkauwi niya, agad niyang inilabas ang mga nakuha niyang gamit at ito’y ipinagbili.

“Babalikan kita mamayang gabi, panigurado limas ‘yang pinagyayabang mo sa akin,” nakangisi niyang sambit habang tinitingnan ang litrato nilang magkaibigan kanina.

Pagsapit ng hatinggabi, agad na siyang nagpunta sa bahay nito. Dala-dala niya ang malaki niyang bag, maliit na kutsilyo at flashlight.

Dahil nga nakapasok na siya rito kanina, madali niyang nabaklas ang pintuan sa likod bahay nito. Nakiramdam muna siya bago tuluyang pumasok sa silid nito.

“Mukhang tulog na ang loko, ha?” sambit niya sa sarili nang walang kahit anong kaluskos ang marinig saka dahan-dahang binuksan ang pintuan.

At dahil nga nakasara ang ilaw, binuksan niya ang dala niyang flashlight upang makita ang mga alahas at perang kukuhanin. Ngunit pagkabukas na pagkabukas niya ng flashlight, agad na tumambad sa kaniyang harapan ang isang lolang nakabistidang puti dahilan upang malakas siyang mapasigaw.

Doon na nagising ang kaniyang kaibigan at siya’y tinanong, “Anong ginagawa mo rito, pare?” at nang makita nitong may malaki siyang bag, agad na siyang hinarang nito habang nagsusumigaw dahilan upang siya’y pagtulungan ng mga kasama nito sa bahay.

“Akala ko ikaw lang mag-isa rito sa bahay, kasama mo pala ang mga kapatid at lola mo!” tangi niyang sambit habang pilit na nagpupumiglas sa hawak ng mga kapatid nito.

“Kaya naisipan mo akong pasukin?” tanong nito, “Alam mo, sayang, kukuhanin pa naman sana kitang partner sa negosyo para umasenso ka katulad ko. Kaso, huwag na lang pala,” dagdag pa nito saka siya ipinadampot sa pulis.

Ganoon na lang ang kaniyang pagsisisi noong oras na iyon. Ang tangi niyang pag-asa, nawala pa sa kaniya dahil sa maitim na pamamaraan niya sa buhay.

Advertisement