
Naaksidente ang Ginang na ito na Maraming Kaibigan, Marami kaya ang Tumulong sa Kaniya?
“O, ano, Jessa, ayos ka lang ba?” pag-aalala ni Glenis sa kaniyang kaibigan, isang gabi nang mabalitaan niyang ito’y naaksidente at malala ang lagay. “Hindi, eh, wala akong pangbayad sa bill namin dito sa ospital,” lugmok na lugmok na wika ni Jessa saka pinakita sa kaibigan ang resibong hawak niya na kanina niya pa pinoproblema.
“Ano ba kasing nangyari, ha? Paano ba kayo naaksidente?” tanong nito.
“Maayos namang nagmamaneho ‘yong asawa ko, mabagal pa nga ang takbo namin. Kaso mayamaya, biglang may sumulpot na humaharurot na kotse at sinalpok kami. Ang layo ng tinalsik namin, lalo na ng asawa ko pati na ng motor namin. Tapos, ayon, noong nagkamalay ako, nandito na kami sa ospital, tinakbuhan daw kami nang nakabangga,” kwento niya habang mangiyakngiyak na inaalala ang mga nangyari.
“Diyos ko, lumapit ka na ba sa iba nating mga kaibigan? Ang laki nga ng bill niyo,” sagot nito nang makita ang kailangan niyang bayaran.
“Oo, sa dami nating magkakaibigan, ikaw lang ang sumagot at nagpunta rito. Kung sino pa ang malayo, siya pa ang unang nag-alala sa akin,” iyak niya rito dahil sa sobrang pasasalamat.
“Siyempre naman, kaibigan mo ako. Hihingi ako ng tulong sa mayor at ibang opisyal, huwag ka na mag-alala riyan at magpahinga ka na lang,” nakangiting wika nito dahilan upang siya’y makaramdam ng luwag sa puso at maiyak lalo sa tuwa.
Ganoon na lang ang sama ng loob na naramdaman ng may bahay na si Jessa nang wala ni isa sa mga kaibigan niyang malapit lang sa pinangyarihan ng aksidente kinaharap niya ang rumesponde sa paghingi niya ng tulong.
Sa katunayan, noong pagkakataong siya’y nakahandusay pa sa kalye at pinalilibutan ng mga tao, naaninag niyang kinilala pa siya ng isa sa mga kaibigan niya. Tinawag niya pa nga ito kaya buong akala niya, ito ang nagdala sa kaniya sa ospital.
Ngunit nang siya’y magkamalay, nang ipagtanong niya ang kaibigan niyang ito, wala raw babaeng tumulong sa kaniya makapunta sa ospital bukod sa mga nars na rumesponde. Doon pa lang, ganoon na siya nakaramdam ng lungkot.
Lalo pa siyang nalugmok nang tawagan niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaibigan niyang si Glenis ang tanging sumagot na nakatira pa sa kabilang probinsya. Ito lang ang siyang tumulong sa kaniya, kahit pangangamusta sa iba pa nilang kaibigan, wala siyang natanggap.
“Imposible namang hindi nila alam na naaksidente ako, kalat na kalat na sa social media ang mga larawan namin ng asawa ko,” tangi niyang sambit habang nililinis ang paang nilagyan ng bakal.
Sa kabutihang palad, halos isang linggo lang ang lumipas, tuluyan na siyang nakalabas ng ospital kasama ang kaniyang asawa na inoperahan sa tiyan dahil sa tumusok na bubog dito. May kalakihan man ang perang nagastos sa kanilang pagpapagamot, ni piso, wala siyang nilabas dahil sa kaibigan niyang si Glenis na kung kani-kaninong opisyal lumapit.
Kaya naman, nang bumalik na sa dating sigla ang kaniyang katawan, muli niyang pinagpatuloy ang negosyong kapehan at pinangakong kahit anong mangyari, gagawin niya ang lahat upang makabawi sa kaibigan niyang ito.
Sa sarap ng kaniyang paninda, ilang buwan lang ang lumipas, tuluyan na siyang nakapagpatayo ng sariling coffee shop. Umingay ito sa social media dahil sa ganda ng disenyo nito at mura ng mga pagkaing hinahanda at doon na siya nagsimulang bumawi sa kaibigang si Glenis. Libre niya itong pinapakain dito at bukod doon, balak niyang patayuan ito ng sariling negosyo.
Laking gulat niya nang isang araw, bigla siyang dalawin dito ng mga tinuturing niyang kaibigang nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan noong siya’y maaksidente.
Buong akala niya’y sa wakas, susuportahan na siya ng mga ito dahil sa dami ng in-order na mga pagkain ng mga ito kaya lang nang singilin na ito ng isa sa mga empleyado niya, wika ng isa, “Kaibigan kami ng may-ari, libre kami rito,” na labis niyang ikinagulat dahilan upang komprontahin niya ang mga ito.
“Ah, eh, pasensiya na kayo, ha? Kailangan niyong magbayad, negosyo ko kasi ito, hindi lang basta kapehan,” malumanay niyang sambit.
“Ibang klase naman talaga ang ugali mo, Jessa! Para ito lang, hindi mo malibre sa amin, pero si Glenis, balita ko, araw-araw kumakain dito nang libre!” sigaw ng isa sa mga ito sa kaniya.
“Siya lang kasi ang tanging tumulong sa akin nang maaksidente ako. Hindi, ba’t nandoon ka? Pero ano’ng ginawa mo? Tapos ngayong maalwan ang buhay ko, makukumpleto kayo rito na para bang matatalik ko kayong kaibigan? Hindi ba medyo makapal naman ang mga mukha niyo?” sarkastiko niyang sambit sa mga ito, pinagtitinginan na sila ng ibang customer dahilan upang agad na magbayad ang mga ito at umalis sa coffee shop niya.
Doon niya napatunayang hindi lahat ng tinuturing niyang kaibigan, kaibigan ang turing sa kaniya, ang ilan, manghuhuthot lang at kaibigan lang siya kapag siya’y mapakikinabangan. Ito ang dahilan upang tuluyan siyang magbawas ng itinuturing na kaibigan.