Ipinagdiwang Agad ng Binatang Ito ang Tagumpay, Sa Dulo’y Naiyak Siya sa Pagsisisi

“Bukas na ang patimpalak na sasalihan mo, anak, hindi ba? Hindi ka ba mag-eensayo ngayong araw? Kanina ka pa nakahiga riyan sa kama mo, baka bukas, matalo ka niyan,” paalala ni Remi sa kaniyang anak na abala sa paglalaro ng bagong biling selpon.

“Si mama, naman, parang hindi ako kilala! May pagkakataon na bang natalo ako sa patimpalak na sinalihan ko? Ako na yata ang binatang pinakamabilis tumakbo sa bansang ito!” pagmamalaki ni Hero habang patawa-tawa pa.

“Alam ko naman ‘yon, anak, pero siyempre, kailangan mo pa ring mag-ensayo para siguradong makukuha mo ang medalyang minimitihi mo. Baka nakakalimutan mong malaking patimpalak iyon, ha?” tugon pa nito habang iniaayos ang mga gamit na nakakalat sa kaniyang silid.

“Mama, mag-relax ka lang, sigurado naman akong makukuha ko ang medalyang iyon! Ako pa ba? Gusto mo, mama, magpustahan pa tayo, eh,”  pagyayabang niya pa rito saka pinakita ang kaniyang braso at binti na puno nang naglalakihang muscles. 

“Naku, huwag na! Iuwi mo na lang ang medalya!” patawa-tawang sambit ng ina saka inihagis sa kaniya ang marumi niyang damit mula sa sahig dahilan upang sila’y magtawanang dalawa. 

Simula pagkabata, nahilig na sa pagtakbo ang ngayo’y binata nang si Hero. Laking tuwa niya naman dahil simula noong siya’y elementarya, kung saan siya nagsimula sa karerang ito, buo at todong suporta ang natamo niya mula sa kaniyang mga magulang, lalo na sa kaniyang ina.

Sa katunayan, mula sa pag-eensayo niya hanggang sa mismong patimpalak na sasalihan niya, andoon ang kaniyang ina, sinisigaw ang kaniyang pangalan at ipinagmamalaki siya maigi.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit sa lahat ng patimpalak sa pagtakbo na sinalihan niya, naiuwi niya lahat ang gintong medalya at kung minsan pa, may kasamang libo-libong pera dahilan upang labis na matuwa ang kaniyang mga magulang at lalo pa siyang suportahan.

Advertisement

Ngunit, dahil sa palaging pagkapanalo sa lahat ng patimpalak na sinalihan, lumaki na ang kaniyang ulo at naging mayabang.

Sa katunayan, wala siya kahit isang kaibigan. Kahit pa siya’y sikat sa unibersidad na pinapasukan niya ngayon dahil sa kaniyang mha tagumpay, ni isang estudyante, walang nagtatangkang lumapit sa kaniya dahil sa kaniyang kayabangan.

Para naman sa kaniya, ayos lamang ito. Wika niya pa nga, “Walang problema kung wala akong kaibigan, huhuthutan lang naman nila ako.” 

Noong araw na ‘yon, kahit pa pilit siyang ineengganyo ng ina na mag-ensayo, hindi niya pa rin ito pinakinggan. Magdamag lang siyang naglaro sa kaniyang selpon habang nakahiga sa malambot niyang kama hanggang siya’y inumaga na sa paglalaro. 

“Hero, anak, mag-ayos ka na, dalawang oras pa ang bibiyahihin natin,” sambit ng kaniyang ina, ilang minuto lang ang nakalipas matapos niyang bitawan ang kaniyang selpon dahilan upang agad na siyang kumilos at sa sasakyan na lamang matulog.

Pagdating nila sa lugar ng patimpalak, naagaw niya lahat ng atensyon ng mga manlalaro roon. Marami siyang narinig na mga papuri mula sa mga ito dahilan upang lalo siyang ganahang magpakitang gilas.

“Anak, kaya mo ‘yan, ha? Kukunanan kita ng bidyo para makita ng papa mo sa abroad!” sambit pa ng kaniyang ina, ilang minuto bago magsimula ang naturang patimpalak. 

“Kayang-kaya, mama! Mukhang mga hilaw pa ang mga kalaban ko, sisiw lang sa akin ‘to!” sagot niya habang iniistra ang mga binti.

Advertisement

Ilang minuto pa ang nakalipas, tuluyan na ngang nagsimula ang naturang patimpalak sa pagkatao. Pagkaputok ng baril, agad na siyang tumakbo nang mabilis at iniwan ang mga kapwa manlalaro.

“Ano ba naman ‘yan? Bilisan niyo naman!” sigaw niya saka tumawa-tawa.

Iilan lang ang mga manlalarong malapit sa kaniya dahilan upang ganoon na lang siya mailing.

“Malaking patimpalak ba talaga ito? Bakit parang wala naman akong kalaban?” sambit niya pa saka umiiling-iling habang patuloy sa pagkatakbo.

Lumipas pa ang ilang minuto, agad na niyang natanaw ang finish line kung nasaan ang kaniyang ina at nagtatatalon na.

Kumaway-kaway siya sa mga naghihiyawang manunuod saka bahagyang binagalan ang pagtakbo niya upang makuhanan siya nang magandang litrato ng mga tao.

Ngunit, ilang segundo lang siya’y nalingat, may isang manlalaro na ang nakasabay sa pagtakbo niya at siya’y naunahan sa finish line na labis niyang ikinagulat pati na ng kaniyang ina dahilan upang labis siyang mainis at magwala sa dressing room na nakalaan sa kaniya.

“Nagdiwang ka kasi agad, anak, eh, wala pa man ang biyaya sa’yo, pinagmalaki mo na,” pangaral ng kaniyang ina dahilan upang labis siyang mapaluha. 

Advertisement

Nang dahil sa pangyayaring iyo, natuto ng isang napakalaking leksyon sa buhay ang binata. Bilang pasasalamat sa Maykapal sa regalo at talentong ipinagkaloob Nito sa kaniya, natutunan niyang kailangan niyang sabayan ng sipag at tiyaga sa pag-eensayo upang mapayabong pa ang natural niyang angking talento. At ang pinakamahalaga sa lahat, natutunan niyang maging magpakumbaba at panatilihin ang mga paa sa lupa kung sakali mang dumating ang araw na siya’y tuluyang sumikat sa larangang napili.